May estudyante pero walang gusali. May classroom pero walang teacher. O may classroom at teacher pero kaunti ang estudyante. Ganito ang mga eksena sa unang araw ng pasukan sa mga pampublikong paaralan at unang araw ng pagkakaroon ng Senior High School (SHS) sa Kalakhang Maynila at sa buong bansa.

“Palpak at magulo ang unang araw ng klase at ng Senior High School. Inaasahan nating mas lalala pa ito sa mga susunod na araw dahil sa pagpapatupad ng programang K to 12,” pagsasalarawan ni Benjie Valbuena, Pambansang Tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Luma at bagong problema

Sa kabila ng pagpapatayo ng mga bagong istruktura para sa SHS, batbat pa rin ng parehong problema ng kakulangan ng silid-aralan ang mga pampublikong paaralan.

Sa Tondo National High School, tatlong seksyon ng ika-pitong baitang ang nagkaklase sa basketbolan ng paaralan.

May 267 mag-aaral ng SHS naman ang naka-enrol sa Jose Abad Santos High School sa Lungsod ng Maynila pero anim lang ang mga guro na kanina lang pinadala.

Ayon sa datos ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o DepEd), 6,002 ang nagbukas ng pampublikong SHS at 5,031 naman sa mga pribadong mataas na paaralan, pribado at pampublikong kolehiyo at unibersidad, at technical-vocational na mga paaralan sa buong bansa. ‘Di hamak na mas maliit na bilang ang mga pampublikong SHS kumpara sa 8,195 na pampublikong Junior High School noong nakaraang taon.

Sa simula ng klase ay walang silya at silid-aralan ang mga Grade 7 na mag-aaral ng Tondo High School. | Litrato ni Joolia Demigillo

Paglobo ng dropout

Naitala ng Anakbayan Metro Manila na maraming paaralan ang mababa ang naka-enrol mga mag-aaral ng SHS kumpara sa nagsipagtapos ng Grade 10 o iyong regular na apat na taon ng hayskul.

Sa Paez High School sa Tondo sa Maynila, 300 lang ang pwedeng tanggapin sa Grade 11 ngayong Hunyo sa kabila nang 500 ang nagtapos ng Grade 10 nitong Marso. Pero hindi pa makakapagsimula ang klase dito dahil ginagawa pa rin hanggang ngayon ang gusali para sa SHS.

May 89 na naka-enrol sa Grade 11 sa Tondo High School pero 300 ang nagtapos ng Grade 10 dito.

Sa E. Rodriguez High School sa Lungsod ng Quezon naman ay 600 ang inaasahang mag-aaral para sa SHS pero 200 pa lang ang nagpatala. Limang mataas na paaralan kalapit nito ang walang SHS.

Sa Batasan High School naman ay 2,000 ang nagtapos ng Grade 10 pero 89 lang ang nakatalang mag-aaral sa SHS.

Hindi na nagbukas ang V. Mapa High School sa kabila ng konstruksyon ng mga classroom para sa SHS dahil walang nag-enrol mga mag-aaral para sa Grade 11.

Ayon kay Valbuena, sa Dibisyon ng Maynila pa lang ay 8,883 estudyante sa 16,887 o kalahati ng nagtapos ng Grade 10 ang hindi malaman kung nasaan. Sa tingin nila ay hindi na tutuloy sa SHS ang mga ito.

Tinatayang nasa 1.2M mag-aaral ang nagtapos ng Grade 10 ngayong taon sa buong bansa pero ayon na rin sa DepEd, tinataya nilang aabot sa 200,000-400,000 ang hindi makakapasok sa Grade 11.

Ayon kay Gail, Grade 10 na estudyante ng Batasan High School, wala pang SHS na mga estudyante na pumasok ngayong araw sa kanilang paaralan. Pinalawig pa raw ang enrollment ng Grade 11 sa pag-asa na marami pa ang magpapatala.

Pero ayon naman sa kasalukuyang Kalihim ng DepEd na si Bro. Armin Luistro sa isang panayam nang bumisita ito sa Commonwealth High School, itong taon na ito ang isa sa pinakamaayos na pagbubukas ng ekswela kahit bago ang pagpapatupad ng K to 12.

Negosyong SHS

Saan nga ba mapupunta ang ibang mga mag-aaral?

Sa Kalakhang Maynila, aabot sa 5,612 ang nagpatala sa mga pribadong paaralan. Umaabot sa P20,000 hanggang P50,000 ang karaniwang matrikula sa mga pribadong mataas na paaralan.

May tulong pinansiyal na ibibigay ang DepEd sa mga mag-aaral na sa pribadong paaralan mag-aaral sa pamamagitan ng kanilang Voucher Program. Sa mga mag-aaral mula sa Kalakhang Maynila, P22,000 ang pinakamataas na pwede nilang maibigay at P11,000 ang pinakamababa.

Sa programang K to 12, nakakapagtiyak ng kita ang mga pribadong paaralan sa dalawaang paaraan: dalawang taong SHS na may mataas na matrikula kaysa sa karaniwang elementarya at hayskul at subsidyo ng DepEd para sa mga mag-aaral na manggagaling sa pampublikong paaralan.

Kalakal na lakas paggawa

Ayon sa ACT, sa 197 na ibinukas na Senior High School sa Kalakhang Maynila, 137 dito ay technical-vocational-livelihood (TVL) track lang ang inaalok.

“Sinasabi ng ibang guro sa amin na kapag wala yung track na gusto namin sa loob ng Batasan, no choice kami kundi lumabas, kundi maghanap kami sa iba.” ayon kay Ella, mag-aaral ng Batasan High School.

Kabilang sa mga karaniwang kurso sa TVL ay welding, housekeeping, automotive servicing, contact center services, food and beverage services, tailoring at caregiving. Karamihan dito ay mga kasanayan na kailangan para makapagtrabaho sa labas ng bansa.

Isa sa mga specialization ng TVL sa Commonwealth High School ang Tailoring. | Screengrab mula sa video ng Tudla Productions

“Minamarkahan ng programang K to 12 ang simula ng pagiging pabrika ng mga paaralan ng bansa na pagkukunan ng mga manggagawang may kaunting kasanayan, mura, kontraktwal at maamong paggawa,” ayon kay Lloyd Magsoy, Tagapangulo ng Anakbayan Metro Manila.

Dagdag pa ni Magsoy, hinahanda raw ang kabataan para maging alipin ng mga korporasyon na ganid sa tubo.

Ipinagkaila naman ni Br. Luistro na nakadisensyo ang K to 12 para maikalakal ang lakas paggawa ng kabataan sa mga dayuhang bansa.

Apela sa bagong Pangulo

Dear Mr. President
Sumulat ang mga nanay at estudyante ng liham para sa bagong halal na pangulo para ipahayag ang kanilang pagtutulo sa programang K to 12.

Nanawagan ang Anakbayan Metro Manila sa bagong halal na Pangulo na si Rodrigo Duterte na ipatigil ang K to 12. Dapat daw tugunan ni Duterte ang panawagan ng mamamayan para sa isang libreng pampublikong edukasyon sa lahat ng antas at isang sistema ng edukasyon na tutugon sa pangangailangan ng mamayan at bansa.

Sa isang panayam ng Sunstar kay Duterte noong 2015, nagpahayag si Duterte na gawing optional na lamang ang K to 12. sinabi nito na ang gagawin lang ng K-12 ay dagdagan pasanin na dalawang taon ang pag-aaral ng mga estudyante. Aniya, pwede namang pumili ang mga estudyante kung mag-aaral sila ng kolehiyo o ng technical course.