Halaw sa tradisyon tuwing Semana Santa ang taunang Kalbaryo ng Mamamayan tampok ang kasalukuyang kalagayan at danas ng maralitang Pilipino.

Ngayong taon, inilunsad ito ng iba’t ibang progresibong grupo sa Metro Manila bitbit ang usapin sa reklamasyon sa Look ng Maynila at militarisasyon sa mga komunidad sa Kamaynilaan.

Dalawang istasyon mula Recto Ave. hanggang sa interseksyon ng Morayta Ave. sa Maynila ang pinagdausan ng programa para talakayin ang mga karaingan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

“Si Hesukristo rin ay nakaranas ng pamamasismo sa kamay ng mga Hudyo. Ang mga Hudyo ngayon ay nasa katauhan ng estado, kung nasaan ang mga isyu at mga problemang kinakaharap ng mamamayan ay nandoon ang mga pamamasista ng kapulisan, militar, at NTF-ELCAC sa pagpapahintulot din ng administrasyong Marcos Jr,” ani Ka Letty ng DEFEND CAMANAVA.

Reklamasyon, mapaminsala sa kabuhayan at yamang dagat

Pagkitil sa kabuhayan hindi lamang ng mga mangingisda at magtatahong kundi pati na rin ang yamang dagat ang kalbaryo ng mamamayan sa lungsod sa Navotas na bahagi sa reklamasyon sa Manila Bay.

Taong 2018, inaprubahan ng Philippine Reclamation Authority ang humigit-kumulang 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project (NCBRP) na sinuportahan ng Navotas LGU at Argonbay Construction Company, Inc. na pagmamay-ari ng kapitalistang si Ramon Ang na nagmamay-ari rin sa San Miguel Corporation (SMC). 

Isang taon makalipas nagsimula ang konstruksyon ng NCBRP, libu-libong mangingisda at magtatahong sa Navotas ang napinsala dulot ng pagtatambak o dredging activities bunsod ng reklamasyon, ayon kay Ka Letty. 

Ang SMC rin ang nanguna sa pagtatayo ng New Manila International Airport sa Bulacan na may pondong aabot sa P735.63 bilyon kung saan konektado ang NCBRP na tinaguriang Southern Gateway to Manila International Airport.

“Pagdedemolish sa tahungan ang kalbaryo ng maralitang magtatahong sa Navotas! Hindi nireresolba ni Mayor John Rey Tiangco ang karaingan ng magtatahong para ipaglaban ang kanilang kabuhayan. Sa halip, ipinagpatuloy pa ang pagratsada ng mapaminsalang proyektong ito na may epekto rin sa usapin sa seguridad sa pagkain dahil sa nakaambang pagkawala ng mapagkukunan ng mga tahong, isda, at iba pang yamang dagat,” ani Ka Letty.

Isang taong ligalig dulot ng militarisasyon

Ayon kay Ka Maryo ng Bagong Alyansang Makabayan Manila (BAYAN Manila), hindi iba ang Maynila sa usapin ng reklamasyon kung saan higit na apektado rito ang mga komunidad sa bahaging pier tulad ng Baseco.

“Ang reklamasyon sa Maynila, malaking epekto at kalbaryo ito sa mamamayan ng Tondo, sa Baseco. Na sa oras ng may bagyo, tiyak ang pagbaha. Sa Baseco pa lamang, di pa bumabagyo, high tide palang ay baha na,” aniya.

Kinondena rin niya ang nagpapatuloy na paniniktik at sapilitang pagpapasuko sa ilang mga lider-aktibista sa komunidad ng Baseco.

“Danas ito ng kanilang komunidad na miyembro ng Baseco Peoples Alliance, na kung saan ang mga lider nito kasama ang Gabriela Manila ay pinasurrender. Bakit pinasurrender? Dahil daw po sa naglalantad ng mga proyektong hindi naman pakikinabangan ng mamamayan ng Baseco,” dagdag pa niya.

Katulad din nito ang karanasan ng mga manggagawa sa Tondo na hanggang ngayon ay ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa trabaho

“Ang nararanasan po ng Tondo sa kamay ng 11th at 12th Civil Military Operations (CMO) ay ang pagpapasurrender po sa aming mga lider, pinupuntahan kami sa mga bahay at pilit kinukumbinsi kapalit ng pagtanggap namin sa mga ayuda,” ani Francisco Manaog, lider-manggagawa at pangulo ng Unyon ng Manggagawa sa Harbor Centre.

Higit isang taon nang namamalagi ang 11th at 12th CMO sa iba’t ibang barangay sa Maynila, partikular sa Tondo. Noong nakaraang taon lamang din nagging sunod-sunod ang ulat ng sarbeylans, sapilitang pagpapasuko, at iba pang operasyong militar sa iba’t ibang bahagi ng Tondo.

“Ang mga manggagawa, kababaihan lalo na ang mga vendor kung saan sila ang pinipilit magbalik-loob sa pamahalaan,” pahayag ni Ka Maryo 

Ika-24 ng Marso nang matupok ng sunog ang ilang bahagi ng Aroma at Capulong Highway sa Tondo. Ayon kay Ka Maryo, hindi na bago ang ganitong iskema ng pagsusunog bunsod ng itinutulak na demolisyon sa lugar.

“Nagliligalig ito sa mga maralitang residente kung saan di na sila makabalik dahil kinukurdonan na ng 11th CMO. Ayaw silang pabalikin at may banta ng demolisyon dahil sa mga proyekto tulad ng NLEX-SLEX connector na kalbaryong danas nila,” aniya.

Tinaguriang “twin project” ang NLEX-SLEX Connector at ang Philippine National Railway (PNR) North-South Railway Project kung saan tinatayang 38 barangay ang saklaw ng maapektuhan ng demolisyon. Ang nasabing proyekto ay bahagi pa ng programang Build, Build, Build ng dating administrasyong Duterte noong 2018.

Kinondena rin ni Ka Maryo ang umiiral na Executive No. 15 o ang “No parking, No vending policy” na ipinatupad ng Manila LGU noon pang 2022.

“Ito po ay kabuhayan kung saan wala na ngang maibigay na trabaho ang gobyernong ito ay inaalisan pa kami ng kabuhayan. Gaano po ba kahirap ang wala pong maipakain sa mga anak, sa mga nag-aaral, walang laman ang mga kaldero ng vendors. Pasyalan pa nga sila ng ordinaryong mamamayan, ng maralita kung saan mura ang mga bilihin. Hindi naman malaki ang kinikita ng mga vendor na ito, pero bakit sila sinasagasaan? Ito ang kanilang kalbaryo. Kulang nalang ipako sila sa krus, o halos mamatay-matay na,” ani Ka Maryo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here