“Mura ang babayaran at maasikaso ang mga nars at doktor dito,” pagsasalarawan ni Maricris Rafols, 29 taong gulang, sa kanyang karanasan sa panganganak sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital. Panglimang anak na ni Maricris si Zeus, na kakapanganak pa lang, pero unang beses pa lang niya manganak sa ospital na ito. Aniya, sa mga kapitbahay niya nabalitaan na mainam manganak sa Fabella Hospital dahil sa magandang serbisyo nito lalo na para sa mga maralita.

Maricris and Zeus
Si Maricris kasama ang bagong panganak na si Zeus. | Litrato mula sa Tudla Productions

 

Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), nagbigay ng kautusan ang Pangalawang Kalihim sa Operasyon ng mga Ospital ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health o DOH) sa pamunuan ng ospital na binibigyan na lang ng hanggang Hunyo 9 ang mga empleyado ng ospital para lumipat sa Philippine Blood Center sa Lungsod ng Quezon.

Noong unang araw ng Hunyo, sinimulang ikarga ang mga kagamitan ng ospital para dalhin sa pansamantalang lilipatan nito sa Philippine Blood Center sa Lungsod ng Quezon. Nabigo ang tangkang ito dahil sa pagbarikada ng mga empleyado at mga residente sa palibot ng ospital.

Abril 18 pa nitong taon nang magsimula ang araw-araw na protesta ng mga empleyado ng ospital at mga tagasuporta nito.

“Kung mawawala ang ospital na ito, saan pupunta ang mga mahihirap na mga nanay? Hindi nila kakayanin ang pumunta sa mga pribadong ospital na malaki ang bayad,” ayon kay Benjie Santos, Pangkalahatang Kalihim ng AHW.

Ayon pa sa AHW, tuluyan nang mabubuwag ang Fabella Hospital kung ipadala sa iba’t ibang ospital ang mga pasyente at empleyado nito dahil hindi na ito gagana bilang dalubhasang ospital ng panganganak.

“Paanakang Bayan”

Kinilala ng World Health Organization (WHO) ang Fabella Hospital bilang “modelo ng WHO-Western Pacific Regional Office” dahil sa mga esensyal na programa nito para sa pag-aalaga ng mga bagong panganak, na napatunayang nagpapababa ng bilang ng namamatay na mga sanggol.”

Fabella Hospital
Kinikilala bilang pangunahing ospital para sa panganganak ang Fabella Hospital. | Litrato mula sa Tudla Productions

 

Kinikilala naman ang ospital bilang dalubhasa sa obstetrics, gynecology at pediatric cases sa bansa. Kinokonsidera ito bilang pambansang sentro ng paanakan. Ito rin ang nagpasimula ng Kangaroo Mother Care (KMC), isang pamamaraan para matulungan ang mga sanggol na ipinanganak na kulang sa buwan o hindi malusog na hindi na kailangang gumamit ng incubator.

Sa loob ng 96 na taon, patuloy ang pagbibigay ng ospital ng kinakailangang serbisyo sa mga nanay at sanggol, lalo na sa mga mahihirap sa kabila ng limitadong rekurso nito.

Ayon sa AHW, umaabot sa mahigit 2,000 ang in-patient at outpatient ng ospital araw-araw sa iba’t ibang departamento nito. Aabot naman sa 50 sanggol ang ipinapanganak dito araw-araw.

Nasa 700 lang ang higaan sa Fabella Hospital kaya’t sa isang higaan ay nasa dalawa hanggang apat na mag-ina ang magkakahati.

Sineserbisyuhan nito ang mga nanay at bata hindi lang nagmumula sa Kalakhang Maynila kundi maging sa mga kalapit na probinsya katulad ng Bulacan, Cavite, Laguna at Batangas.

Luma at mabuway na istruktura

Sa ulat noong Pebrero na inilabas ESCA, Inc., isang kumpanya na gumagawa ng mga disenyo at konstruksyon ng mga istruktura, sinabi nitong 76% ng mga haligi at 80% ng mga barakilan (beams) ng ospital ay lumagpas na sa kapasidad nito. Nirekomenda nito ang pagpapalakas ng mga istruktura ng ospital o maaaring ikonsidera ang paglipat ng pasilidad.

Aabot na sa 65 taon ang ospital mula sa orihinal na istruktura nito na dating Administration Building ng Bilibid Compound. Ayon na rin sa nakalathalang kasaysayan nito, sa paglipas ng panahon pinaayos na ang orihinal na istruktura at patuloy na nadagdagan ang mga kuwarto at gusali dahil sa paglawak ng serbisyo ng ospital.

Pero ayon sa AHW, taong 2007 pa ipinahayag ng dating Direktor ng ospital na mahina na raw ang istruktura nito pero walang pagsasaayos o pagpapatibay na ginawa sa Fabella Hospital ang Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health o DOH) na siyang namamahala ng ospital.

“Naglabas ng report ang City Engineering Office ng Lungsod ng Maynila at sinabi nitong may depekto nga ang ospital pero kaya pang i-retrofit,” ayon kay Santos.

Mababang badyet

Sa kabila ng pagiging pangunahing ospital na nagpapakadalubhasa sa kalusugan ng mga nanay at sanggol, umabot lang sa halos P629.7M ang inilaang pondo ng gobyerno rito para sa taong 2016. Ayon sa ulat ng ospital na nakalathala sa kanilang website, mahigit P705M ang naibigay na badyet sa ospital mula sa iba’t ibang pinagkunan para sa operasyon nito noong nakaraang taon.

Sa anim na taon ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino, tatlong taong (2011, 2013 at 2015) walang inilaan na badyet ang gobyerno para sa Capital Outlay ng ospital. Ang badyet sa Capital Outlay ay nakalaan para sa pagkukumpuni at pagpapatayo ng mga bagong istruktura ng ospital.

Negosyo hindi serbisyo

Ang Home Guaranty Corporation (HGC), isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na direktang nasa ilalim ng Opisina ng Pangulo ng Pilipinas, ang nagmamay-ari ng Old Bilibid Compound (OBC) kung saan nakatirik ang Fabella Hospital.

Sulat ng Home Guarantee Corporation (HGC) sa pamunuan ng Fabella Hospital
Sulat ng Home Guarantee Corporation (HGC) sa pamunuan ng Fabella Hospital

Sa isang sulat na ipinadala ng HGC sa pamunuan ng ospital noong Setyembre 4, 2015, mandato umano nito na ilako at ibenta ang OBC para makabawi sa pinansya ang gobyerno kaya’t kagyat nang pinapaalis ang Fabella Hospital dito. Binantaan pa ang pamunuan ng ospital na gagawa ng ligal na aksyon kung hindi ito tumalima para maprotektahan ang interes ng HGC at ang pamumuhunan ng Pambansang Gobyerno.

Taong 2004 nang pinirmahan ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Proklamasyon Blg. 661 na naglilipat ng awtoridad at pamamahala mula sa Public Estates Authority patungong HGC para ibenta ang OBC.

Ayon sa AHW, taong 2007 ay naglabas ang HGC ng imbitasyon para magsumite ng mga panukala para sa isang Joint Venture Agreement (JVA) para sa pagsasaayos ng mga pag-aari nito sa OBC.

“Lumalabas na ang bottomline nito ay ang pagbebenta lamang ng lupa ng Fabella Hospital na bahagi ng Old Bilibid Compound,” dagdag ni Santos.

Ang JVA ay mga kasunduan para magsagawa ng mga pampublikong proyekto sa pagitan ng pribadong sektor at gobyerno. Isa itong lokal na implementasyon ng mga programang Public-Private Partnership (PPP) ng gobyerno.

Mas kaunting pasyente

“Patuloy ang konstruksyon ng bagong istruktura ng Fabella Hospital sa loob ng compound ng DOH [sa Tayuman, Manila] at matatapos ito sa Mayo 2017,” ayon kay Dr. Antoinette Pacapac, Media Relations Officer ng Fabella Hospital.

Naglaan ng P714.3M na pondo ang DOH para sa ikalawang bahagi ng konstruksyon ng Fabella Hospital. Nakuha ang kontrata ng J.D. Legaspi Construction sa halagang P713.8M.

Pero sa kabila ng ipinagmamalaking bagong istruktura, lalabas na mas kaunting pasyente ang kayang serbisyuhan ng itinatayong ospital dahil aabot lang sa 400 ang higaan nito kung ikukumpara sa 700 higaan na kasalukuyang kapasidad ng Fabella Hospital.

Walang seguridad para sa mga empleyado

Ayon kay Dr. Pacapac, aabot sa 1,200 ang mga empleyado ng ospital kabilang na ang mga doktor, nars at iba pang manggagawang pangkalusugan.

Dagdag pa niya, pansamantalang itatalaga sa ibang ospital ang ibang mga empleyado at papabalikin din kapag kumpleto na ang bagong ospital.

Ayon naman sa AHW, nakatanggap na ng termination of contract letters ang mga residenteng doktor mula sa pamunuan ng ospital. Wala rin daw garantiya na matatanggap sa ibang mga ospital ang mga empleyado ngayon dahil wala nang mga bakanteng pusisyon.

Tuloy ang laban

Tuloy ang pagtutol ng mga empleyado ng Fabella sa nakaambang pagsasara nito. | Litrato mula sa Tudla Productions
Tuloy ang pagtutol ng mga empleyado ng Fabella sa nakaambang pagsasara nito. | Litrato mula sa Tudla Productions

 

“Patuloy ang pagkilos ng mga empleyado kasama ang Alliance of Health Workers at Save Fabella Movement hanggang sa katapusan ng Hunyo kung saan uupo na ang bagong gobyerno,” sabi ni Santos.

Ayon pa sa kanya, natanggap na ng bagong halal na Presidente ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte ang sulat na kanilang ginawa. Tinitingnan daw nilang magiging positibo ang tugon nito dahil nabanggit na ni Duterte na prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon at kalusugan.

“Hangga’t hindi nagsasabi ang pamunuan ng Fabella Hospital na ititigil nila ang paglilipat ay tuloy ang pagkilos namin dito sa labas ng ospital,” aniya.