Sa isang pambihirang pagkakataon, nagtipon ang mahigit 300 manggagawang kontraktwal mula sa iba’t ibang pagawaan, konstruksyon, pyer, ospital, hotel at call center sa Kamaynilaan noong Setyembre 25 sa Occupational Health and Safety Center sa Lungsod ng Quezon. Pinag-usapan nila ang partikular na kalagayan ng mga kontraktwal na manggagawa sa Kamaynilaan at ang pagbubuo ng Alyansa ng mga Manggagagawa Laban sa Kontraktwalisasyon o ALMAKON.

jomag-almakon
Dinaluhan ni DOLE Usec. Joel Maglunsod ang pagtatayo ng alyansa laban sa kontraktwalisasyon noong Setyembre 25. (Litrato ng Manila Today)

Dinaluhan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Joel Maglunsod ang pagtitipon at pinuri ang pagbubuo ng alyansa ng laban sa kontraktuwalisasyon

“Ang ginagawa ninyo ngayong araw ay senyales na dapat magseryoso ang mga kapitalista at ahensya ng gobyerno,” dagdag pa ni Maglunsod.

Talamak na kontraktwalisasyon

Halos 70% ng mga manggagawa sa bansa ay kontraktwal, paglalahad ni Usec. Maglunsod.

Pero ayon sa Kilusang Mayo Uno-Metro Manila, batay sa kanilang pag-aaral ay umaabot sa 80% ng mga manggagawa ang kontraktwal.

Ayon sa pinakabagong datos ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority ngayong Hulyo 2016, tinatayang aabot sa 8,921,000 ang lakas paggawa sa National Capital Region (NCR). Ang partisipasyon sa paggawa ay umaabot lang sa 62.9% at 93.5% naman mula rito ang may trabaho.

labor-force-survey-july-2016

Batay sa mga estatistika na ito, tinatayang 3.6 milyong manggagawa sa NCR ang kontraktwal.

Ayon kay Renato Robles, tagapagsalita ng ALMAKON, iba’t iba ang mukha at katawagan ng kontraktwalisasyon sa bansa.  Ang ilan dito ay outsourcing, casual, apprentice, job order, seasonal workers, at project-based pero pare-pareho ang kalagayan.

“Pinapalaganap ang kontraktwalisasyon para baratin ang sahod, tanggalan ng benepisyo at hindi maging regular ang mga manggagawa,” sabi ni Florante Rances, tagapangulo ng Samahan ng Manggagawa sa South Supermarket.

Bentahe umano ang ganitong kalagayan para sa mga negosyante para maibsan ang kanilang gastusin at makapagkamal pa ng mas malaking kita.

Sa pagbabahagi ng mga manggagawa, lumalabas na mayorya ng mga manggagawa sa bawat empresa ay kontraktwal.

Workers from the southern areas of Metro Manila share their situation during the Metro Manila workers summit. (Manila Today photo)
Workers from the southern areas of Metro Manila share their situation during the Metro Manila workers summit. (Manila Today photo)

 

Sa pabrika ng Pepsi Cola sa Muntinlupa, umaabot sa 1,500 ang mga kontraktwal na manggagawa, ngunit 417 lang ang regular at myembro ng unyon.

Samantala, sa 10 branch ng South Supermarket, aabot sa 2,200 ang mga manggagawa rito pero 1,700 ay mga kontraktwal kabilang na ang mga direct-hired, agency-hired at concessionaire.

Sa Comfoods (Commonwealth Foods, Inc.), pagawaan ng Café Puro, Ricoa at mga biskwit ng Fibisco, aabot sa 1,500 ang mga manggagawa pero 430 lang ang regular.

Wala naman umanong ni isang regular na manggagawa sa Harbor Centre. Ang mga manggagawa rito na aabot sa 1,000 ay ang nagbubuhat ng mga kalakal sa mga dumadaong na barko sa pantalan ng Maynila na nagmula sa ibang bansa. Karamihan ng mga kalakal na dumarating sa Harbor Centre ay tone-toneladang bakal.

Nagbahagi naman ang isang manggagawa ng TRASS Construction Co, Inc. na 23 taon na siyang manggagawa rito, pero P400 bawat araw lang ang natatanggap niyang sahod. Kada proyekto ang pagkuha sa kanya sa trabaho at dahil maraming proyekto ang kumpanya, tuloy-tuloy ang kanyang trabaho. Ang ibang kasamahan naman niya na mas bagong namasukan ay tumatanggap lamang ng P200 at lahat sila ay nagtatrabaho ng 12 oras. Ang TRASS Construction ay kontratista ng ilang mga proyekto ng gobyerno at mga proyekto ng Robinsons.

“Hindi pa lubusang nararamdaman ang pagbawas ng bilang ng mga kontraktwal na manggagawa,” reaksyon ni Robles sa pahayag ng DOLE na nasa 50% na ang nabawas na kontraktwal sa bansa.

Sama-samang pagkilos

Ayon kay Maglunsod, palagi niyang pinapaalala sa mga napuntahang manggagawa ang kahalagahan ng pagbubuo ng mga unyon at samahan dahil ito ang magbubuklod ng lakas ng mga manggagawa upang isulong ang kanilang mga karapatan at labanan ang kontraktwalisasyon.

Paalala naman sa mga manggagawa ni Gloria Bongon, tagapangulo ng Bluestar Workers Union, unyon ng mga manggagawa ng nagsarang pagawaan ng Advan, na magmumula sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ang pagwakas ng kontraktwalisasyon.

dscf5212

“Kailangan pang pasiglahin at paigtingin ang kampanya ng mga manggagawa at mamamayan laban sa kontraktwalisasyon,” panghihikayat ni Maglunsod.

Pinasasalamatan ng ALMAKON ang mga pahayag at inisyal na aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagsugpo sa kontraktwalisasyon, pero hindi pa raw ito naisasakatuparan.

“Imomonitor namin ang pangako ng gobyerno na mawawala na ang kontraktwalisasyon sa susunod na taon,” sabi ni Robles.

Nangako naman ang ALMAKON na lalahok sa pagkilos para sa ika-100 araw ng administrasyong Duterte sa Oktubre 7 sa Mendiola.