“Hindi ang gobyerno ang maglilibing sa kontraktuwalisasyon. Tanging ang mga manggagawang Pilipino ang lulutas niyan. Tayo at iyong ating mga laban sa mga piket, sa mga welga ang maglilibing sa kontraktuwalisasyon,” ani Adelberto Silva, consultant ng National Democratic Front of the Philippines, sa isang talakayan hinggil sa usapang pangkapayapaan na nilunsad ng Kilusang Mayo Uno noong Setyembre 23.

workers-consultation-2
Talakayan hinggil sa usapang pangkapayapaan kasama ang mga manggagawa. (Litrato ng Manila Today)

Kinilala ni Silva na positibo ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pagwawakas sa kontraktuwalisasyon, gayundin ang pagtataas ng sahod ng manggagawa at pagkakaroon ng pantay na sahod sa bansa. Ngunit binabanggit niyang pinakamahalaga pa rin ang pagkakaisa at paglaban ng manggagawa para maisakatuparan ang mga pangako at pahayag na ito.

MT2016-03-15-07h06m08s376Ang Kilusang Mayo Uno ay matagal nang nananawagan para sa pagwawakas sa kontraktuwalisasyon. Inilunsad din ng grupo ang kampanya para sa pambansang minimum na sahod na P750, na maaaring mangangahulugan din ng pagbubuwag ng mga regional wage boards.

Pero para kay Silva, ang problema sa mababang sahod ay nakaugat sa kawalan ng trabaho sa bansa. Nakakapagkasya sa maliit o anumang halaga ng sahod ang mga manggagawa at empleyado sapagkat wala nang mahanap na trabaho.

Isa sa mga karapatan na ihahapag ng NDFP sa pag-uusap ng social and economic reforms (SER) ay hindi na lamang karapatan para sa sapat ng sahod kundi ang karapatan sa trabaho. Sinasabing ang ganitong pagkilala ay magtutulak sa gobyerno para asistihan ang mga mawawalan ng trabaho gayundin ang hanapan ng trabaho ang mga walang trabaho.

6“Walang ibang paraan para dumami ang trabaho sa bansa kundi sa pamamagitan ng kumbinasyon ng land reform at national industrialization,” ani Silva.

Makakatulong din umano ang mga programang ito para lutasin ang paglabas ng bansa ng mga manggagawang Pilipino para dito na sa sariling bansa makahanap ng nakabubuhay na trabaho.

Kasunduan para sa mga panlipunan at pang-ekonomiyang reporma

Si Silva ay bahagi ng Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms (RWC-SER) sa bahagi ng NDFP. Magsisimula ang pulong ng RWC-SER ng panig ng Gobyerno ng Pilipinas (GRP) at ng NDFP ngayong huling hati ng Oktubre.

Napagkaisahan ng dalawang panig sa pagpapatuloy ng peace talks noong Agosto sa Oslo, Norway ang pagpapabilis ng negosasyong pangkapayapaan. Inaasahang nakapagpalitan na ang dalawang panig ng kanilang balangkas [framework at outline] para sa kani-kaniyang burador ng panukala para sa SER ngayong Setyembre, alinsunod sa itinakda sa Joint Statement noong Agosto 26 na pinirmahan ng GRP at NDFP.

15-pts_07Hinahabol din ng GRP at NDFP na mapagkaisa ang kanilang burador ng SER sa loob ng anim na buwan para mabuo ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER). Ang pagpipinal at pagpirma sa CASER ang magmamarka sa pagsasara sa ikalawa sa apat na substantive agenda ng peace talks.

Ang ikalawang serye ng peace talks sa ilalim ng administrasyong Duterte ay magpapatuloy sa Oktubre 6 – 10 sa Oslo, Norway.