Sa pangunguna ng No To Oil Price Hike Coalition, muling maglulunsad ng malawakang welga at protestang bayan ang iba’t ibang sektor sa darating na Marso 26-27.

Kaiba sa naging pagkilos noong Marso 19-20, ang ilulunsad na welga ng alyansa ay dadaluhan ng mga manggagawa sa transportasyon sa iba’t ibang moda tulad ng UV express, MC taxi, TNVS, bus, tricycle, maging ang mga tsuper ng modern jeepneys. Bukod pa, inaasahan din ang suporta mula sa mga komyuter, konsyumer at lahat ng sektor na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ilulunsad ang naturang protesta sa Baguio, Pampanga, Bulacan, Bicol, Quezon, Batangas, Cebu, Iloilo, Bacolod, Davao at General Santos City.

“Sa bawat pagtaas at paggalaw ng presyo ng petrolyo, ang sagot ng mamamayan at drayber: welga. Dahil kailangan na nating harapin itong kapabayaan mismo ni Marcos Jr. para pigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo,” ani PISTON national president Mody Floranda.

State of denial

Sa inilusad na press conference, iginiit ni BAYAN chairperson Teddy Casiño na hindi normal ang kalagayan ng mamamayang Pilipino salungat sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na “everything is normal” noong Marso 18.

“Nasa state of denial ang ating pangulo. It is not normal at naririnig natin kung paano nasasaktan ang karaniwang Pilipino dahil sa pagsasamantalang ito ng mga oil companies at ng gobyerno,” aniya.

Dagdag pa niya, higit na nagkakamal ng tubo at kita ang mga oil companies at gobyerno dahil sa value-added tax (VAT) at excise tax sa langis.

“Nasa lamesa na po ni Marcos Jr. ang ipinasang batas ng Senado at Kongreso na emergency powers. Bakit hindi pa niya gamitin? Kaya niyang tanggalin ang excise tax ngayong araw kung gugustuhin niya; pipirmahan niya lang ang batas at i-e-exercise ang kanyang emergency powers. Ganoon din sa VAT, mas masakit ito,” dagdag pa niya.

Hindi ayuda ang solusyon

Band-aid solution din ang ipinatupad na P5,000 fuel subsidy ng administrasyong Marcos Jr. para sa mga public utility vehicles (PUV), partikular sa mga tricycle drivers, at susundan ng mga jeepney drivers, operators, TNVS, at bus drivers.

“Ang tawag namin dito ay one-time small-time. Kung ngayon pa lang, umaaray na at dumadaing na ang aming mga kapatid na motorcycle riders sa hirap ng buhay dulot ng krisis sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis. Kaya para sa amin, hindi sasapat na ayuda lang ang ibibigay ng gobyerno bilang sagot sa krisis na ito,” ani Kapatiran sa Dalawang Gulong (KAGULONG) secretary general Don Pangan.

Aniya, umaabot na sa halos P220 ang nawawalang kita ng mga rider kada araw dulot ng mataas na presyo ng langis. Kung susumahin, ang P5,000 na ayuda ay katumbas lamang ng wala pang 21 araw na nawalang kita ng riders.

Ganito rin ang sentimyento at kalagayan ng mga bus driver, pagbabahagi naman ni Bus Employees Association of the Philippines (BEAP) Sandy Hachaso.

“Marami na pong bus companies ngayon ang nagpipigil ng biyahe. Ang katumbas nito, zero o walang kinikita ang mga drayber, konduktor, at iba pang mga manggagawa sa mga bus companies,” ani Hachaso.

Para sa mga bus driver na nagkokonsumo ng 120 litro ng langis kada araw, nadadagdagan ang kanilang gastos na aabot sa P6,000 hanggang P8,640. Kung dati ay malinis silang kumikita ng P1,000, sa kasalukuyan ay halos kalahati na lang o kulang pa ang nauuwi nila. May iba ring hindi na nakapagbabayad ng boundary dahil sa kawalang kita.

“Hindi lang ito krisis sa transportasyon, kundi krisis na daranasin ng buong mamamayang Pilipino. Kaya’t esensyal po na tayo ay kumilos dahil ang gobyernong ito ay nagpapatumpik-tumpik kung ano ang dapat nilang gawin at nagkakasya sa pag-engganyo sa pagkakaloob ng ayudang kapos sa ating mga kababayang tsuper,” dagdag pa ni Hachaso.

Epekto sa komyuter

Matatandaang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga provisional fare increase para sa PUVs noong Marso 14. Ngunit bago ito tuluyang ipatupad ay agad ding sinuspinde ni Marcos Jr. ang nakatakdang fare hike upang hindi aniya maging dagdag na pasanin para sa mga komyuter.

“Sinabi ni Marcos Jr. noong sinuspinde niya ang P1 taas ng pamasahe na ginawa niya iyon para raw maprotektahan ang mga komyuter, pero kung totoo na may pakialam siya ay dadagdagan niya ang sahod ng mga manggagawa,” ani Christine Agan, organisador mula sa All Workers Unity at BPO Industry Employees Network (BIEN).

Para kay Agan, malinaw na pinagbabangga lamang ng administrasyong Marcos Jr. sa halip na tugunan ang interes ng mga komyuter at mga tsuper.

“Kung ang mga tsuper ay may poverty income, ang mga komyuter naman ay may poverty wages. At dapat sabay itong tinutugunan ni Marcos Jr. Ibig sabihin, pataas dapat ang minimum fare sa lahat ng pampublikong transportasyon gayundin ang sahod ng mga manggagawa,” dagdag na paliwanag ni Adrian Desaca mula sa PARA Commuters Network.

Ibinahagi naman ni Iya Trinidad mula sa National Union of Students of the Philippines ang epekto ng krisis sa langis na dumadagdag pa sa kanilang usapin sa krisis sa edukasyon.

“On top ng pagtaas ng presyo ng langis, tumataas din ang presyo ng edukasyon. Umaaray na ang bulsa ng aming mga magulang,” aniya.

Hindi rin aniya makatwiran na nagiging solusyon ng mga paaralan ang pagsususpinde ng klase tuwing may welga o tigil-pasada.

“Sa dalawang araw na welga, either magsususpinde ng klase o mag-o-online na lamang . Ngunit kaming mga estudyante ay hindi titigil sa aming pag-aaral; ang lansangan po ang magiging paaralan namin; ang mga tsuper at iba pang batayang sektor ang aming magiging guro; at ang kanilang pakikibaka ang aming magiging mga aralin,” ani Trinidad.

6-point demand

Bukas, Marso 24, inaasahan muli ang panibagong pagtaas ng presyo ng langis na aabot sa P6.47 kada litro (gasolina), P11.88 kada litro (diesel) at P13.66 kada litro (kerosene).

“Inaasahang kung linggo-linggo ang pagtataas ng presyo ng krudo, linggo-linggo rin ang magiging aksyon ng No To Oil Price Hike Coalition,” ani Floranda.

May binuo ring 6-point demand ang alyansa upang igiit ang paninigil sa administrasyong Marcos Jr. kaugnay sa kawalang-tugon sa krisis sa langis gayundin ang pagpapaingay sa panawagan para wakasan na ang gerang agresyon ng US-Israel sa Kanlurang Asya.

  • Tanggalin ang VAT at excise tax sa produktong petrolyo.
  • I-rollback ang presyo ng krudo sa P55.00.
  • Ibasura ang Oil Deregulation Law at magpatupad ng price controls sa petrolyo.
  • Ipatupad ang mga fare hike sa lahat ng moda ng transportasyon, kasabay ng pagpapatupad ng P1,200 family living wage.
  • Isabansa ang industriya ng langis. Sa kagyat, ang gobyerno ang bumili ng krudo at ibenta ito sa mas mababang halaga.
  • Itigil ang gerang agresyon ng US.
Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here