

Daan-daan ang lumahok sa ikinasang pambansang tigil-pasada ng mga jeepney drivers at operators sa pangunguna ng PISTON mula Marso 19 hanggang 20 sa iba’t ibang panig ng bansa.


Ayon kay PISTON chairperson Mody Floranda, inaasahang magpapatuloy pa ang malawakang kilos-protesta ng grupo para ipanawagan ang pagpapababa ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin at pagpapataas ng sahod at kita.
Noong Marso 19, aabot sa 90% ng mga mayor na ruta sa National Capital Region ang naparalisa kasabay ng sunod-sunod na protestang isinagawa ng mga tsuper at komyuter.
Nagpatuloy naman ang pagdagundong ng isinagawang pagkilos nang magmartsa ang mga grupo mula sa Welcome Rotunda hanggang sa tarangkahan ng Mendiola.


“Parang binubuhay na lang namin yung may-ari ng Petron. Pero sa pamilya namin, wala na kaming kinikita para may mauwi,” ani Nolito Cruza.
Halos P200 na lamang ang kinikita ng mga tsuper tulad ni Cruza bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa PISTON, aabot na sa P120 kada litro ang presyo ng diesel na nagbabaon sa mga tsuper sa gastos na aabot sa P3,600 kada araw o tinatayang P90,000 kada buwan.
“Minsan nag-aabono pa nga kami dahil wala ngang kinikita. Talo talaga kami,” pagbabahagi naman ni Joseph Darantinao, isa ring tsuper.
“May apo ako na nangangailangan ng tulong. Nagbabayad pa kami sa upa ng bahay, bayad sa kuryente, at tubig na magtataas din. Napakahirap talaga,” dagdag ni Cruza.
Noong 2025, kumita ang Petron ng aabot sa P15 bilyon. Iginiit ng PISTON na nagpapatuloy ang pananamantala ng malalaking kumpanya ng langis tulad ng Petron sa kabila ng krisis dulot ng gera ng US-Israel sa Kanlurang Asya.
Kinondena rin ng mga tsuper ang administrasyong Marcos Jr. kaugnay ng tumitinding krisis hinggil sa nagtataasang presyo ng langis at mga bilihin.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Marcos Jr. na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga oil company upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo sa mga konsyumer. Kabilang dito ang pagpapatupad ng staggered fuel price increases at pagbibigay ng targeted subsidies sa mga manggagawa sa pampublikong transportasyon.
Matatandaan din noong Marso 11, tinawag mismo ni Marcos Jr. na “everything is normal” ang kasalukuyang umiiral na sitwasyon na agad ding binatikos ng mga tsuper at mga progresibong grupo.
“Paanong naging normal? Normal sa kanya dahil mga pinapanigan niya itong mga kapitalista. Hindi niya kayang kontrolin itong mga kapitalista na nagsasamantala sa presyo at sa taumbayan,” ani Eldefonso Bello, isang manggagawa at lider-unyonista sa ilalim ng Unyon ng Manggagawa sa Harbor Centre.
“Kung kaya makatwiran ang ginagawa ng taumbayan na lumalantad dito sa kalsada,” dagdag pa ni Bello.
Tampok din sa mga bitbit na panawagan ng PISTON kasama ang mga tsuper at operator ang mga sumusunod:
1. Kagyat na tanggalin ang VAT at excise tax sa langis at mga pangunahing bilihin. Kaagad bababa ng P20 mahigit ang presyo ng krudo.
2. I-rollback sa P55.00 ang presyo ng krudo. May 50-60 days na stock ang oil companies, kaya ang ibinebenta nila ngayon ay mula pa sa murang stock na tinubuan nila nang malaki. Dapat ipasalo sa mga oil company ang pagliit ng tubo.
3. Kagyat na ipasa ang P5.00 fare hike at P1200 family living wage. Kagyat na mamahagi ng sapat na subsidyo sa iba’t ibang apektadong sektor.

































