Madalas marinig sa mga rali at pikeytlayn ang islogang “sahod, trabaho at karapatan, ipaglaban!” At sa paraan nahahawig sa mga kilos protesta, isinigaw ang islogang nabanggit ng mga miyembro ng unyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang Social Welfare Employee Association of the Philippines (SWEAP) bilang pagsalubong sa bagong Kalihim ng DSWD na si Judy Taguiwalo.
Kakaiba sa madalas na mangyari sa nakaraan sa mga opisina ng gubyerno na pinalalabas sila ng mga guwardiya, mainit na sinalubong at kinamayan ni Sec. Judy Taguiwalo ang mga mga miyembro ng unyon maging ang mga kawani na naroon sa pagtitipon.
Hulyo 1, 2016, sa sentral na opisina ng DSWD sa Lungsod ng Quezon idinaos ang isang payak na seremonya ng pagsasalin ng pamunuan sa DSWD, mula sa dating kalihim na si Corazon “Dinky” Juliano-Soliman tungo sa bagong pinuno ng kagawaran.
Dinaluhan ito ng ilang Undersecretary, mga kawani at miyembro ng unyon, ng transition team ni Sec. Taguiwalo, at mga midya. Napapanood din ito ng live sa mga rehiyunal na opisina ng DSWD.
Sinimulan ang programa ng pagdasal at pag-awit sa pangunguna ng DSWD Chorale, pagpapakilala ng mga undersecretary sa outgoing at sa incoming DSWD Secretary at ang pormal na pagsasalin ng pamunuan. Dito seremonyal na ipinasa ang watawat ng DSWD at isinuot ang DSWD vest sa bagong kalihim.
Ang mga ito ay nagsisimbolo ng pagsalin ng responsibildad sa kagawaran at ang prinsipyo ng paglilingkod sa mamamayan. Ipinagkaloob din ang Transition Report.
Binigyan ni dating Sec. Soliman si Sec. Taguiwalo ng bulaklak. Binigyan naman ni Sec. Judy Taguiwalo kay Soliman ang krus na kuwintas na gawa ng mga dating bilanggong pulitikal na Morong 43.
Sinimulan naman ni Sec. Taguiwalo ang kanyang talumpati ng pagbibiro ng kanyang edad na ayon sa kanya ay mas matanda siya ng isang taon sa departamento.
Sinagot ni Sec. Taguiwalo ang madalas na itanong sa kanya kung bakit niya tinanggap ang pusisyong maging bahagi ng gabinete ni Pangulong Duterte sa kabila ng buong buhay na pagsusulong ng aktibismo sa lansangan.
Ayon sa kanya, “madali ang sagot diyan, may pinagkakaisahan kami ni Pangulong Digong sa pagpapauna sa kapakanan ng nakararami, bayan muna bago ang sarili.”
Bilang kalihim, inilatag ni Sec. Taguiwalo ang pangkalahatang direksyong nabuo niya kasama ang kanyang transition team, na ayon sa kanya ay aayusin pa sa pamamagitan ng malawakang konsultasyon:
- Maagap at mapagkalingang serbisyo
- Patas na pagtrato sa mga komunidad
- Matapat na pagsisilbi na walang bahid ng katiwalian
- Regularisasyon at dagdag na benepisyo ng mga kawani
Matagal nang minimithi ng mga kawani ng DSWD ito. Ayon sa tagapangulo ng SWEAP na si Manny Baclagon, nagsikap din ang dating kalihim na maibigay ang kahilingang ito subalit dahil ang administrasyong kinabibilangan nito ay masugid na tagapagpatupad ng neoliberalismo na pumipinsala sa mga mangagawa, hindi ito nangyari. Malaki ang tiwala niya na sa bagong kalihim dahil bukod sa paninidigan at track record sa pagsisilbi sa mamamayan ni Sec. Taguiwalo, mismo ang Presidente Digong ay nagdeklarang lalabanan ang kontraktwalisasyon.
Hinggil sa pag-aaral at pananaliksik sa pagsasakatuparan na maging regular ang mga kontraktwal na kawani at sa mga benepisyong maaari pang ibigay, magiging katuwang dito ang SWEAP, ayon kay Sec. Taguiwalo. Aniya, batas ang public sector unionism kung kaya’t marapat itong gawin. Dagdag pa niya, ang nasimulang Collective Negotiation Agreement (CNA) ay kukumpletuhin o sasarahan na sa unang 100 araw ng administrasyon. Si Sec. Taguiwalo ay kilala bilang tagapangulong tagapagtatag ng All-UP Academic Employees Union na 15 taon nang nagsusulong ng dagdag-sahod, benepisyo at karapatan ng mga guro at non-teaching personnel ng Unibersidad ng Pilipinas sa buong bansa.
Sa pagtalakay ni Sec Taguiwalo sa mga partikular na tungkulin ng DSWD, nabanggit niya na masusing pag-aaralan ang Conditional Cash Transfer (CCT) habang ito ay nasa siklo pa ng pagpapatupad ng ahensya. Kasabay namang ilulunsad ang mga proyektong tutulong sa mahihirap na tumayo sa sarili sa pamamagitan ng trabaho at kabuhayan at iba pang makamamamayang programa at patakaran. Nauna nang nagpahayag ang bagong kalihim na hindi nararapat i-institutionalize ang isang stop gap measure gaya ng CCT at sa halip ay hanapin at ipatupad ang pinakamagdudulot ng pangmatagalang kaginhawaan sa mamamayan. Naiulat na ang dole out program na CCT ay may budget na 65 bilyong piso ngayong taon.
Dagdag pa niya, ang pinag-aaralan at pagsisikapang makamit ay ang unibersal na serbisyong pangkagalingan. Ang sistema ng paggawa ng lista ng mga tutulungan anya ay nagiging larangan ng korupsyon at ng pagiging selektibo. Kailangan ding tugunan ang ilang reklamo ng mamamayan hinggil sa pagiging selektibo sa paghatid ng serbisyo ng ahensya, at ang pangyayaring nasira ang mga donasyong pagkain na hindi na nakaabot sa mga tao.
Ipinaabot niya rin sa pagtitipon ang kahilingan ng mga Lumad na sana ay makatulong ang ahensya sa mga panimulang pangangailangan gaya ng pagkain as pagbalik ng mga ito sa kanilang lupang ninuno. Nilisan ng mga Lumad ang kanilang mga komunidad bunga ng militarisasyon ng Armed Forces of the Philippines alinsunod sa programang kontra-insurhensya na Bayanihan.
Napakahalaga para kay Sec. Taguiwalo ang pag-aaral sa Transition Report at ng mga dokumentong ipinasa at ang malawakang konsultasyon sa mga kawani sa central offices, sa mga field offices at sa mga attached agencies sa buong Pilipinas para makamit ang mga layuning nabanggit.