“Parang multong bumabalik ang pangyayari tuwing dumarating ako rito sa Mendiola,” sambit ni Miriam Aledia-Villanueva, 47 taong gulang, habang pinipigilan ang sarili na maiyak sa isang panayam pagkatapos ng martsa ng mga magsasaka mula Timog Katagalugan at Gitnang Luzon para gunitain ang ika-30 anibersaryo ng masaker sa Mendiola noong Enero 20.

Kuha ni Luis Liwanag
Kuha ni Luis Liwanag

Si Villanueva na anak ng maralitang magsasaka ay 17 taong gulang pa lang noong nangyari ang madugong pagbuwag sa martsa ng mga magsasaka tungong Mendiola noong Enero 22, 1987 para igiit ang tunay na reporma sa lupa sa noo’y Pangulong Corazon Aquino.

Kasama ni Villanueva ang mga myembro ng Social Action Center ng kanilang parokya sa Dasmariñas, Cavite kung saan siya ay volunteer at iba pang mga magsasaka mula sa Timog Katagalugan.

Nagmartsa ang may 20,000 magsasakang pinapamunuan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) mula sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan mula sa Ministry of Agrarian Reform (MAR), na ngayon ay Department of Agrarian Reform (DAR), sa Quezon City patungong Liwasang Bonifacio. Matapos ang maiksing programa sa Liwasang Bonifacio ay nagmartsa na sila patungong Mendiola kung saan pulu-pulutong na myembro ng Philippine Constabulary (PC) at Marines ang nakaabang. Hindi pa man nakakapaglunsad ng negosasyin sa pagitan ng mga nagmartsa at PC ay pinaulanan na ng bala ng mga ahente ng estado ang mga nagprotesta.  Bago ang martsa ay nakapiket na mula Enero 15, 1987 ang mga magsasaka sa MAR para makipagdayalogo sa ministro nito na si Heherson Alvarez at singilin si Pangulong Aquino sa pangako nitong pagbigay prayoridad sa reporma sa lupa.

“Hinabol kami ng mga may M-16 [na riple]. Nakita ko ring nakahandusay sa harap namin ang mga tinamaan ng baril na kasama naming mga taga Laguna,” pag-alala ni Villanueva.

4
Litrato ni Luis Liwanag

Labintatlo (13) ang namatay sa tinaguriang ‘Mendiola Massacre’ samantalang lagpas sa isang daan ang sugatan dahil sa tama ng bala sa hanay ng mga magsasaka.

Kabilang sa mga namatay ay sila Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez, at Roberto Yumul.

Naging hudyat din ang pangyayaring ito sa paghinto ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

At sa halip na matakot o mapanghinaan ng loob, naging hudyat din ang pangyayari para magtuloy-tuloy si Villanueva sa pagkilos sa hanay ng mga magsasaka para ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa dahil aniya, mas kailangan ito para makamit ang hustisya.

Ngunit, makalipas ang 30 taon mula ang malagim na pangyayari, hindi pa rin naisasakatuparan ang panawagan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring ni isang napaparusahan na responsable sa masaker.

Para gunitain ang ika-30 anibersaryo ng Mendiola massacre, nagmartsa mula sa DAR papuntang Mendiola noong Enero 20 ang mga magsasaka mula sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) at Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) at sa pangunguna muli ng KMP.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay sumama naman ang mga opisyal at kawani ng DAR sa pangunguna ng kalihim ng ahensya na si Rafael “Ka Paeng” Mariano na pangkalahatang kalihim ng KMP nang mangyari ang masaker.

For the first time, Department of Agrarian Reform (DAR) officials and employees attend the annual commemoration of Mendiola Massacre. (Manila Today photo/Chantal Eco)
For the first time, Department of Agrarian Reform (DAR) officials and employees attend the annual commemoration of Mendiola Massacre. (Manila Today photo/Chantal Eco)

30 taong walang hustisya

Nagsampa ng kaso ang mga pamilya ng biktima pero noong 1988 ay ibinasura ito ng Manila Regional Trial Court dahil umano sa kakulangan ng ebidensya. Noong 1993 ay pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon.

Nagbuo ng Citizen’s Mendiola Commission (CMC) si Pangulong Aquino noong Pebrero 27, 1987 para imbestigahan ang masaker ngunit nabigo itong matukoy ang mga responsableng opisyal. Sa halip na parusahan ang mga maysala ay nirekomenda pa ng CMC na kasuhan ng sedisyon ang mga lider ng KMP.

Kabilang si Prop. Lito Manalili sa humarap kay Pangulong Corazon Aquino pagkatapos ng Mendiola Massacre. (Manila Today photo/Chantal Eco)
Kabilang si Prop. Lito Manalili sa humarap kay Pangulong Corazon Aquino pagkatapos ng Mendiola Massacre. (Manila Today photo/Chantal Eco)

Ayon kay Propesor Lito Manalili, kasalukuyang Professor Emeritus ng Unibersidad ng Pilipinas at dating Education Officer ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at nasa unang hanay ng mga nagprotesta noong mangyari ang masaker, pinatawag ang mga opisyal ng KMP ni Pangulong Aquino ilang araw pagkatapos ng masaker.

“Itinanggi ni Aquino ang kahit anong responsibilidad sa pangyayari at idinahilan na bagong upo pa lang siya sa pwesto,” sabi ni Prop. Manalili.

Para kay Prop. Manalili, ang hustisya ay magkakaroon ng kaganapan kapag naparusahan ang mga responsable sa pangyayari.

feature-photo

Dagdag pa ni Prop. Manalili, “sa ngayon ay hindi na rin lang ito usapin para sa katarungan ng 13 martir ng masaker…ito ay ang magkaroon ng kaganapan ang kanilang ipinaglalaban, na siyang dahilan kung bakit sila namatay, at yun ay ang tunay na repormang agraryo.”

Nagpapatuloy na problema sa lupa

Nang mangyari ang masaker, bitbit ng grupo ni Villanueva mula sa Cavite ang panawagan laban sa kumbersyon ng National Development Corporation sa agrikultural na lupa sa kanilang karatig barangay na Langkaan Dos, Dasmariñas. Ngayon ay bahagi na ng First Cavite Industrial Complex ang lupang ipinaglaban ng mga magsasaka sa Langkaan Dos.

Panawagan ng mga magsasaka mula sa Timog Katagalugan para kay Pangulong Rodrigo Duterte ay ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. (Manila Today photo/Joolia Demigillo)
Panawagan ng mga magsasaka mula sa Timog Katagalugan para kay Pangulong Rodrigo Duterte ay ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. (Manila Today photo/Joolia Demigillo)

Tatlumpong taon ang makalipas ay ang lupa namang kanilang sinasaka na bahagi ng 372 ektaryang lupang inaangkin ng E.M. Ramos and Sons, Inc. sa Langkaan Uno, Dasmariñas ang pinaglalaban ni Villanueva. Ang halos isang ektaryang lupain na matagal nang binubungkal ng pamilya ni Villanueva ay bahagi ng planong gawing subdibisyon ng umaangkin ng lupa sa kabila na nasakop ito sa reporma sa lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong 1990. Pero noong 2011 ay pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals pabor sa umaangkin ng lupa sa Langkaan Uno na hindi ito maaaring maipasailalim sa reporma sa lupa dahil hindi na ito agrikultural na lupa.

“Doon kami nakatira at doon kami nabubuhay. Nakapagpatapos ako ng isang environmentalist na anak at may pinapaaral pa sa kolehiyo mula sa pagsasaka ng lupang iyon,” paglalahad ni Villanueva.

Si Miriam Aledia-Villanueva, 47 taong gulang ay kabilang sa mga nakaligtasa sa Mendiola Massacre. Hanggang ngayon ay ipinaglalaban pa rin niya ang karapatan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. (Manila Today photo/Chantal Eco)
Si Miriam Aledia-Villanueva, 47 taong gulang ay kabilang sa mga nakaligtasa sa Mendiola Massacre. Hanggang ngayon ay ipinaglalaban pa rin niya ang karapatan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. (Manila Today photo/Chantal Eco)

May 9.671 milyong ektaryang lupang agrikultural sa Pilipinas o 32% ng kabuuang 30 milyong ektaryang lupa ng bansa ayon sa 2002 Census of Agriculture and Fisheries (CAF). Pero ayon sa KMP, nananatiling siyam sa sampung magsasaka ang walang sariling pag-aaring lupa. Samantala, nakakonsentra sa 1% ng populasyon ang nagmamay-ari ng lupang may sukat na mahigit 50 ektarya pataas.

Kabilang sa mga nagmamay-ari ng malalaking lupang agrikultural ay ang mga pamilyang Yulo, Cojuangco-Aquino, Zobel-Ayala, Roxas, Floreindo, Escudero, Araneta at mga pinakamayayamang negosyante’t pangingoong maylupa na sina Danding Cojuangco, Jr. at Henry Sy.

Reporma sa lupa, ubod ng usapang pangkapayapaan

Hinimok naman ng KMP ang mga nasa peace panel ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP na alalahanin nila ang mga martir ng Mendiola massacre at ang dahilan ng kanilang ibinuwis na buhay—ang makamit ang tunay na reporma sa lupa at panlipunang hustisya.

xe2b4128“Dapat pagsikapan ng NDFP at GRP na mapagkasunduan ang kanilang mga burador at makamit ang katanggap-tanggap at substantibong Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER),” sabi ni Joseph Canlas, tagapangulo ng KMP.

Sa burador ng NDFP para sa CASER, mayor na usapin ang pagresolba sa problema sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa. Kabilang dito ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal ng lupa, pagbuwag sa sistema na nagpapahintulot ng monopolyo sa lupa at pagpapaunlad ng produksyon sa pamamagitan ng mga serbisyo ng gobyerno at pagmodernisa ng agrikultura.

Ayon pa kay Canlas, ang tunay na reporma sa lupa at pag-unlad ng kanayunan ang magbibigay daan para sa paglaya ng mga magsasaka sa ekonomiya, pulitika, at kultura, ang mayoriya ng bansa.

“Ang repormang agraryo ay prekondisyon para mapakawalan ang potensyal ng mga produktibong pwersa sa kanayunan at makamit ang pambansang industrialisasyon,” sabi ni Canlas.

Umaasa naman ang kalihim ng DAR na si Mariano na magiging positibo ang resulta ng usapang pangkapayapaan na kasalukuyang inilulunsad sa Rome, Italy.

“Ang nangyayaring pag-uusap ay naglalayon na i-address ang root causes ng armed conflict sa ating bansa kasama na ang paglutas ng nangyayaring agrarian unrest lalo na sa kanayunan,” ayon kay Mariano.

Tuloy ang laban

“Nagtutuloy-tuloy ako dahil hindi na lang ito para sa akin, dahil noon ay anak ako, ngayon ay nanay na ako, inspirasyon ko ang mga kasamang namatay sa masaker dito sa Mendiola,” sabi ni Villanueva sa pagitan ng mga hikbi.

Ayon pa kay Villanueva kung titigal siya ay mas lalong walang mapapala ang mga naging biktima ng masaker.

“Ang pangunahing larangan ng anti-pyudal na pakikibaka para sa lupa ay sa kanayunan ng ating bansa. Walang ibang maaasahan at pangunahing masasandigan ang uring magsasaka kundi ang kanilang organisadong lakas, mahigpit na pagkakaisa at tibay ng determinasyon ng paglaban, idepensa at igiit ang kanilang karapatan sa lupa,” sambit ni Mariano

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here