Kilos-protesta ang tugon ng Sining Bugkos, isang alyansa ng mga manggagawang pangkultura, kasama ang iba’t ibang progresibong grupo ng kabataan sa imbitasyon ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na “Artists for Nation Building: Standing Up for the Future – A Vision of Peace and Justice” noong ika-7 ng Setyembre taong kasalukuyan.

Bitbit ang mga panawagan, ikinasa nila ang protesta sa harap ng opisina ng NICA upang ipakilala kung sino at ano ang kabuluhan bilang artista para sa sambayanan. Itinanghal din ng grupo ang awiting “Tumindig” ng Musicians for Peace na sinabayan ng mga kabataan at artista sa pagpapatuloy ng programa.

Artista ng Bayan, tumitindig, lumalaban

“Sa katunayan, klaro ang mensahe at pagtatangka ng tambalang Marcos-Duterte na palabuin, baguhin, at ipagkait ang hustisya at totoong malagim na kasaysayan ng Martial law at ang mga inutang nitong dugo bunga ng sadyang pagkagahaman ng kani-kanilang pamilya,” saad ni Aaron Gutierrez, coordinator ng Sining Bugkos.

Ayon kay Gutierrez, matagal nang proyekto ng administrasyong Marcos Jr. ang paglilinis ng pangalan ng angkan nito sa paggamit ng industriya sa sining at kultura. Matatandaang ipinalabas ang Maid in Malacañang kung saan layuning ipalabas umano ang karanasan ng pamilyang Marcos kasagsagan ng EDSA People Power Revolution na siyang nagpatalsik sa dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Dagdag pa rito, mismong anak ng dating diktador at nagkaroon pang muli ng posisyon sa senado na si Imee Marcos na kapatid ay ang tumatayong executive producer ng nasabing pelikula.

Ayon kay Gutierrez, sadyang agnas na ang pangalan ng pamilyang Marcos at hindi na nito mababago ang tunay na nangyari sa kasaysayan.

“Isang kahungkagan at kabalintunaan ang sinasabing para sa kapayapaan at kalayaan ang layunin ng programa ng NTF- ELCAC at NICA na nakatuon lamang sa pagpapalaganap ng malawakang disimpormasyon at red-tagging sa mga tunay at palabang artista ng bayan,” banggit naman ni Murray Tan, kalihim ng Sining Bugkos.

Sa inilabas na pahayag ng Sining Bugkos, ang paglulunsad ng mga ganitong programa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay nagpapahiwatig ng higit na nararamdaman ang “dagundong at lakas ng mga nasa bahagi ng industriya ng sining at kultura”.

“Tinitiyak mismo ng administrasyon ang malawakang manipulasyon at pangongondisyon sa sambayanang Pilipino tulad na lamang ng ginawa nito noong nagdaang halalan. Lalo na sa nalalapit ding ika-50 anibersaryo ng proklamasyon ng batas militar,” dagdag ni Tan.

Sino nga ba ang tunay na rekruter?

Ayon kay Levi Lazarte ng Sining Laya, ang NTF-ELCAC at ang kasalukuyang administrasyon ang nagpapatuloy sa walang habas na panreredtag sa mga progresibong indibidwal kaalinsabay ng paguugnay sa mga ito sa New People’s Army (NPA).

“Sinasabing tayo ay front at rekruter ng NPA. Ang npa ay may mga armas ngunit armas na mayroon lamang kami ay mga instrumentong ginagamit sa pag tugtog kagaya ng gitara, tambol at iba pa,” ani Lazarte.

Pinsel at pintura maging kamera ang gamit upang isalarawan ang kahirapan, lapis at papel ang gamit panulat ng mga tula at istorya tungkol sa pakikibaka ng mamamayan, dagdag ni Lazarte.

Aniya, ang patuloy na pandarahas ng administrasyon ang nagtutulak din sa mamamayan na mag-alsa at lumaban. Sa bahagi ng mga artista tulad nina Kerima Tariman at Parts Bagani na kapwa mga rebolusyonaryong artista na nagsulong ng pakikibakang armado ay malaking salik ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan.

“Kaya marapat lamang na tayong mga artista ng bayan ay tumindig at lumaban sa mga ganitong pag atake ng estado sa mga progresibong organisasyon na nagsusulong ng pambansa at demokratikong adhikain ng sambayanan!” pagwawakas ni Lazarte.

Kilusang bayan

Noong ika-28 ng Agosto taong kasalukyan ay Inilabas ng Sining Bugkos ang isang unity statement kalakip ang panawagang “Itakwil at Labanan ang palabas ng administrasyong Marcos Jr. kasapakat ang NICA at NTF-ELCAC!”

Mariing layunin ng Sining Bugkos kasama ang iba’t ibang organisasyon sa isang kilusang bayan ang pagbubuwag sa NTF-ELCAC kasabay ng pagreredirehe ng panukalang P10 bilyong badyet dito para sa taong 2023.

Ayon pa kay Gutierrez, dapat ay ilaan na lamang ang P10 bilyong pondo para sa serbisyong panlipunan tulad ng pangangailangan sa kagyat ng ayuda sa mga maralitang lungsod at higit na naapektuhan ng kasalukuyang pandemya.

Sa inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority ay higit 6.3% ang implasyon sa bansa. 0.1% o katiting lamang ang sinabing pagbaba nito mula sa limang magkakasunog na buwang mataas ang implasyon at umabot ang pinakamataas sa 6.4% noon lamang nakaraang buwan.

“Higit lalong dapat ilaan ang P10 bilyon bunga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kabila ng hindi naman tumataas na sahod,” dagdag ni Gutierrez, kasabay ng pagpapasaring sa ipinasang P33 dagdag sahod na bahagi ng sinasabing “Duterte legacy” ng dating administrasyong Duterte.

“Maituturing lamang na limos ang dagdag sahod kung kaya’t sa kagyat ay dapat idagdag ang P203 para sa minimum wage across all board para sa naghihikahos nating mamamayan bunga ng patuloy na pagmamanipula sa presyo ng petrolyo na higit na nakaaapekto sa mga presyo rin ng batayang bilihin,” pagpapatuloy pa ni Gutierrez.

Bagamat mayroong ulat ng rollback sa petrolyo para sa unang linggo ng Setyembre, pinasaringan ito ni Gutierrez at sinabing kabalintunaang maituturing na makagagaan ito sa bahagi ng tsuper at operator, maging sa mga pasahero at ordinaryong mamamayang mananakay.

Sa tala ng Department of Energy, noong Agosto ay ipinatupad ang P6.10 dagdag kada litro ng diesel at kerosene maging ang P1.40 dagdag kada litro ng gasolina. Ngayong Setyembre naman ang sinasabing bawas na P1.55 sa bawat litro ng diesel, P1.60 naman para sa bawat litro ng kerosene, at P2.60 para sa bawat litro ng gasolina.

Sa pagkukumpara, papalo pa rin sa P4.55 ang dagdag sa kada litro ng diesel at kerosene samantalang piso lamang o P1.2 ang naging bawas sa kada litro ng gasolina ngayong sinasabing “rollback” sa unang linggo ng buwan ng Setyembre

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here