Larawan mula sa Defend Jobs Philippines

Ito ang panawagan ng pamilya ng mga bilanggong pulitikal na mga organisador sa paggawa sa pagsasama-sama nila bilang paggunita sa Araw ng mga Ama, ika-20 ng Hunyo 2021, sa harap ng Commission on Human Rights.

Inilunsad ng ‘Free Our Unionists Network’ ang pagtitipon ng mga pamilya ng mga bilanggong pulitikal na mga unyonista, kabilang sina Joel Demate, Mark Ryan Cruz, Bob Reyes, Pol Viuya, Maoj Maga, Oliver Rosales, Adelberto Silva, Dennise Velasco, Renante Gamara at Ferdinand Castillo.

Ibinahagi ng mga kapamilyang dumalo ang mga kuwento kung paano inaresto ang kanilang mga asawa o tatay.

Ferdinand Castillo

Inaresto si Ferdinand Castillo noong ika-12 ng Pebrero ng taong 2017. Siya ay isang peace consultant at campaign officer ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Metro Manila. Bagaman protektado ng Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees, siya pa rin ay inaresto matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang terminasyon sa usapang pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front.

“This year po, apat na taon na po siyang nakakulong, hinihiling po rin po namin na mapalaya na sila. Napakamasalimuot po ang kondisyon sa loob ng kulungan, siksikan po sila doon at bukod po don ay sobra rin ang kanilang kalungkutan dahil mahigit isang taon na namin silang hindi nabibisita dahil sa pandemya,” ani Bel Castillo, anak ni Ferdinand.

Marklen “Maoj”  Maga

Inaresto si Maoj Maga sa isang basketball court matapos niyang ihatid ang kaniyang anak sa paaralan sa isang subdivision sa San Mateo Rizal noong ika-22 ng Pebrero taong 2018. Staff siya ng Kilusang Mayo Uno sa pambansang opisina nito at matagal na panahong nag-oorganisa ng mga manggagawa sa pier. Tumulong din siya sa paglulunsad ng mga transport strike ng mga jeepney drivers bago tuluyang hulihin at sampahan ng gawa-gawang kaso.

“Malinaw na sinasampahan ng gawa-gawang kaso ang mga unyonista para mapatigil sila sa pag-oorganisa ng mga manggagawa. Malinaw na isang political persecution ang ginagawa ng rehimen na ito.” Ani Eleanor de Guzman, asawa ni Maojo Maga.

Juan Alexander ‘Bob’ Reyes

Si Bob Reyes ay organisador ng mga manggagawa sa mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recogniton and Advancement of Government Employees (COURAGE) at convenor ng Defend Jobs Philippines at Sandigan ng Manggagawa sa Quezon City bago siya arestuhin noong ika-2 ng Hunyo taong 2018.

“Apat na taon na po na nagce-celebrate ang asawa ko ng Father’s Day na hindi niya nakakapiling ang kaniyang pamilya. Gawa-gawa lang ang lahat ng kaso sa kaniya, kasama ang kasong isinampa sa kaniya sa isang lugar na kailan man ay hindi niya pa napupuntahan,” giit ni Meri Reyes, asawa ni Bob Reyes.

Human Rights Day 7

Si Mark Ryan Cruz at Joel Demate ay mga unyonista at dalawa sa tinaguriang Human Rights Day 7 na inaresto noong ika-10 ng Disyembre noong nakaraang taon.

“Bilang tatay, nais niyang magkaroon ng magandang kinabukasan ang kaniyang anak. Nais niyang hindi maranasan ng kaniyang anak ang patuloy na kontraktuwalisasyon at kawalan ng seguridad sa trabaho,” paglalahad ni Ella Durana, kabiyak ni Mark Ryan Cruz, habang katabi ang sampung taong gulang nilang anak na lalaki na si MJ.

“Halos lahat ng mga pamilya ay nagce-celebrate ngayon pero kami ay nandito hinihingi ang katarungan para sa aming pamilya. Hindi po sila terorista o gun runner na sinasabi, unyonista lang po sila. Sana po makita ito ng kinauukulan dahil sila ay walang kasalanan. Sana sa susunod na Father’s Day ay makakapiling na po namin sila,” hiling ni Cora Demate, kabiyak ni Joel.

Nagtapos ang programa sa pagsasalo-salo ng pamilya ng mga bilanggong pulitikal sa mga handang bitbit nila bilang paggunita sa Araw ng mga Ama at protesta sa agarang pagpapalaya sa kanilang mga asawa at ama.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here