Matapos makalikom ang Thai BL (Boys Love) series na 2Gether ng malaking bilang ng mga manonood sa Pilipinas,  nagsimula na ring lumikha ng Filipino BL series ang mainstream o malalaking media outlets sa bansa. At kasabay ng hype sa BL genre sa international audience, hindi naman kataka-taka na yayakapin ito ng mga malalaking produksyon sa Pilipinas, isang bansa sa Timog Asya kung saan namamayani pa rin ang malabnaw na diskurso hinggil sa pagbawi at panggigiit ng makabuluhang identidad ng mga bakla at ng buong komunidad ng LGBTQ+. 

Hindi naman dapat pang patagalin, alam natin ang pangunahing motibasyon dito: mayroong signifikanteng merkado, mayroong tubo.

Kung kaya’t nagkaroon agad ng tatlong series ang TV5, ganoon din ang iba’t-ibang outfits na dati’y nagpapakilala bilang bahagi ng independent filmmaking. Naglabas din ang Blacksheep productions at IWant TV na parehong hawak ng ABS-CBN Corp., ganoon din ang iba pang outfits na mayroong adbentahe pagdating sa resources. 

Kung tutuusin nga naman, sa isang bansa na mayroong relatibong konserbatibong kultura, maaaring ituring na pag-abante ang pagpapaplabas ng naratibong itinatampok ang mga kasariang matagal nang itinuturing na salot o ‘di kaya’y sampid sa lipunan. Marahil mas totoo ang ganitong palagay kung pagbabatayan ang listahan ng mga tekstong midya na naging pugad ng mga istoryang limitado sa usaping “straight” o heterosekswal. 

Totoo naman na namamayani ang heteroseksismo sa industriya ng midya, at lalong totoo na dapat itong bakahin sa pamamagitan ng paghahain ng at pagpapakilala sa mga naratibo o istorya at usaping queer. 

At habang totoo na nagbibigay ang BL genre ng kilig, entertainment sa gitna ng lockdown na pinalala ng state-sanctioned poverty at misery, hindi dapat ipagkipit balikat ang ilan sa mga aspeto nitong problematiko, tulad ng tila pagtanggi sa pagapalalim ng usapin at diskurso hinggil sa mga kagyat na mga pangangailangan at karapatan ng komunidad at sa paglaya nito sa kaapihang nakabatay sa kasarian, gayundin sa uri.  

Sa ganang ito, nakatuon ang kritisismo sa kabuuan ng BL genre. Hindi naman magiging ganap na genre ang isang konsepto o inisyal na ideya kundi ito magkakaroon ng tuloy-tuloy na daloy ng produksyon. 

Ruta ng rasyunalisasyon

Maipapalagay na mayroong tiyak na formula ang BL genre: mayroong dalawang karakter na hinubog ng gandang nakabatay sa pamantayan (industrial requirements) ng industriya ng advertising o ng midya; maaaring mayroong isang homosekswal at straight na tila kinakailangang paaminin at maging sentro ng pagnanasa; at nararapat na matali ang buhay ng isang homosekswal na karakter sa kaniyang iniirog, sapagkat kung hindi, sino pa ang paaaminin? At kung hindi, bakit pa kinailangan magkaroon ng panibagong episode?

Malinaw naman ang mga culture critics na sina Theodore Adorno at Max Hokheimer pagdating sa culture industry: kinakailangan ng repetitive na produksyon ng isang obra upang i-semento ang audience sa status qou at kalaunan ay magkaroon ng social valuation o petisismo rito (Blunden, 1998).

Hindi isang malaking debate na mayroong pagtatangka ang ilang filmmakers sa bansa na bigyan ng espasyo sa filmscreen ang isang homosekswal na karakter upang magkaroon ng explorasyon hinggil sa kaniyang identidad at magkaroon ng pagmumuni-muni hinggil sa kaniyang social existence. Ngunit dahil business as usual o pagsasalba sa kapital ang sandigan ng malalaking outfit, mananatili ang pagkaudlot ng pagtatangkang bigyang ng makabuluhang kahulugan sa filmscreen ang pagiging bakla at kabaklaan sa lipunan. 

National libidinal drive at ang gay cinema

Tematiko ang BL, ngunit nakapaloob pa rin ito sa mas malaking genre: gay cinema. 

Sa pagsipat sa queer representation sa gay cinema, nararapat na balikan kung papaano naging decisive ang role ng ekonomiya sa paghubog ng culture industry ng bansa at kung ano ang humubog sa diskurso ng kabaklaan sa cinema at maging sa telebisyon. 

Taong 1965 hanggang 1980, sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, naging pangunahing sangkap ng national development ang institusyonalisasyon ng labour export (O’Neil, 2014). Sa ilalim ng patakarang ito, malaking bahaghadan ng populasyon ang ikinalakal palabas ng bansa in service of international capital. Kung kaya’t sa panahong 1960s, tinatayang nasa 10 porsyento ng mga Pilipino ang naging overseas contract workers (OCWs) bilang bahagi ng patakarang pagde-deploy ng “at least one million people” sa ibang bansa kada taon . 

Sa backdrop ng state-sanctioned poverty, naging bahagi ang mga kababaihan— na nag-assume ng vaginal role sa demand ng service sector— sa mga katawang ikinakalakal sa labas ng bansa: maaaring domestic helpers o sex workers (Tolentino, 2015)

Sa backdrop ng state-sanctioned poverty na tinangkang lutasin sa pamamagitan ng labour export policy sa dikta ng International Monetary Fund  at World Bank na parehong nasa kontrol ng White House, nagpatuloy at lalong namayagpag ang pananatili ng military bases ng mga tropang Kano sa bansa. Bilang panibagong solusyon sa laganap na kahirapan, naging laganap ang pagsisilbi sa lumbay ng mga dayuhang militar (Evans, 1990). Ang kanayunan, kung saan mayroong stronghold ang tropang Kano, ay naging mailaw: nagkaroon ng mga cabaret at bahay aliwan. Naging pormal ang sex work industry, sa kabila ng mapagpanggap na moralidad ng rehimeng Marcos. 

Ang neoliberal na trajectory ng rehimeng Marcos marahil ang isa sa mga nagbigay daan sa libidinal drive sa kabuuan ng cinema. Yumabong ang bomba films bilang artikulasyon ng estetika at pulitika ng exportation ng feminized labour at namumuong vaginal economy, at namayagpag ito. (Tolentino, 2015). 

Matapos ang EDSA 1, nagpatuloy ang mga palisiyang US-Marcos. Naging katuwang pa rin ng bansa ang IMF-WB sa pagpapatakbo ng ekonomiya at paglalatag ng mga palisiyang neoliberal upang mapanatili ang pagganyak ng neokolonyal na bansa sa kapital ng dayuhan at maging bukas ito sa labas-masok na pangangamkamkam ng mga likas na yaman. 

Sa pamamagitan ng structural adjustment programs ng rehimeng US-Ramos noong 1990s at sa pagtatangka nitong gawing “newly industrialized country” ang Pilipinas sa taong 2000, mas lalong nagkaroon ng intensifikasyon sa liberalisasyon ng ekonomya (Bello, 2019). Naging all-out din ang paglipana ng wellness at recreational facilities, tulad ng hotel, spa, casino, atbp., kasabay ng todo-todong military presence sa bansa .

Ang neoliberal na doktrina sa merkado na nagtutulak ng depolitasasyon ng kultura ay naging batayan sa pag-iral ng bomba. Hindi kwestyunable kung exploited ang kababaihan, dahil after all libog ang panandaliang aliw sa gumuguhong kaayusang panlipunan. 

Natapos ang rehimeng US-Marcos, ngunit nagpatuloy ang mga palasiyang ito. Mas solido na ang vaginal economy at as expected, fantasy pa rin ang katawan ng kababaihan sa heterosekswal na bomba. Ngunit ‘di naglaon, ang heterosekswal na babae at lalaki na nagtatagpo sa recreational spaces sa mga pelikula ay napalitan na, mayroon na ring panibagong audience ang unti-unting nagbagong bomba (Atienza, et al., 2020). 

Sa pagpasok ng 2000, nawala ang mga pelikula na sa huling tatlong dekada ay bumuhay sa pelikulang Pilipino at nag-enganyo sa pagpapalakas ng night life at recreational spaces. Sa era na ito, homosekswal na lalaki na ang pumalit sa heterosekswal na karakter ng bomba. May panibago ng audience ang nai-tranformang bomba, kasabay ng lalong pagyakap ng neokolonyal na bansa sa market-oriented gay lifestyle. 

Speaking of market orientation, naging target market ng expansion ng service economy at aggression ng ideolohiya ng individualismo ang pink community. At speaking of films, tila naging pamamaraan ang metrosexuality para i-validate ang existence ng isang bakla sa kaniyang lipunan. Kung bakla ka, at pangit ka (batay sa industrial requirements) at hindi kayang mag-flex ng muscles at the same time, may instant assignment sa iyo ang gay film: try and try, otherwise grinder peeps won’t accept you.

More repercussions: naiwan ang naratibo ng baklang magsasaka. 

Sa loob at labas ng pelikula, naging makipot ang espasyo para sa diskurso ng kabaklaan. Sa pag-usbong ng digital cinema sa taong 2000s, naging stand alone ang gay cinema at humalili ito sa heterosekswal na bomba. Ngunit sa halip na mas mapag-usapan ang mas politikal na aspeto ng pagpapalaya sa kaapihang nakabatay sa kasarian, uminog ang mga naratibo ng gay films sa hotels, motels, spa, gyms,at iba pang recreational hubs na nagsulputan sa sentrong lungsod. Kung kaya’t sa mga taong ding ito, naging decisive ang three point lighting sa gay films upang susugan ang libog ng merkado. 

Furthermore, ang bading ay naging dependent sa straight character. In short, hindi buo ang naratibo kung walang bakla at straight male na magtatagpo sa pamamagitan ng cash economy. Naging tali ang diskursong kabaklaan sa dikta ng machismo.

Ang gay cinema ay naging reverse ng heteroseskwal na bomba at ito ay ginawa para i-titillate ang pink market. Ang formula: isang bading, at least isang gwapong lalake na may magka-ibang estado ang magtatagpo at magtatalik. Sa huli, matingkad ang exploitative na elemento.

Tulad sa gay cinema, foregrounded ang sexuality ng bakla sa BL series. Kung kaya’t ang sexualized na identidad ng isang homosekswal o bakla na namamayani sa cinema ay ito ring identidad na pilit na idinidikit sa mga karakter ng BL genre. Ngunit rito, mas kinakailangan ng kilig.

Bukod dito, mahalagang sangkap din sa BL genre ang straight acting ng lalaking aktor (na maaaring anti-effeminate) na ang identifikasyon, sa labas at maging sa loob ng pelikula, ay heterosexual. At mas intense ang karnehan galore sa pamamagitan ng identifikasyon ng effem sa  maskulado o karakter na may namamayagpag na pagkalalaki, kahit hindi lantad at performatibo na lamang ang heterosexualidad.

Hindi kataka-taka na madaling niyakap sa Pilipinas ang BL genre. Kung tutuusin, ang formula nito ay nasa bakas pa rin ng sexualized na gay films. Kapuwa mayroong itong exploitative na elemento at nawawalan ng kapasidad na pagladlarin ang mga karakter sa mas malaking kahon ng lipunan.

Maaaring ituring na pag-abante ang pagkakaroon ng BL genre sa industriyang pinamumugaran ng naratibong heterosekswal. Isa itong pag-abante sa field ng coming-out bilang isang pulitikal na hakbang upang magladlad pa sa mas malaking lipunan at tanganan ang magkakaugnay-ugnay na pakikibaka laban sa isang kaayusang nagdidikta ng mga mapagsamantalang pamantayan sa lipunan.

Ngunit kakayanin bang tumayo ng BL, bilang bahagi ng mas malaking genre, kung kakawala ito sa pormulang itinatakda ng merkado? 

Kung sa bagay, hindi naman aasahan sa mainstream na midya na itampok ang mas malalim na kahulugan ng identidad ng mga bakla. 

Meanwhile, sa mismong araw ng pagtatapos ng isang BL series ng Globe Studios, nagkaroon ng contract signing si Manny Pacquiao, isa sa mga malaking sagabal sa pagsasabatas ng same sex union at SOGIE bill, sa Globe Telecom. 

Kung sa bagay, sa ilalim ng neoliberal na kaayusan, walang personalan: ang pelikula ay pelikula.

What’s to be done

Isang painstaking struggle sa komunidad ng LGBTQ ang paglaladlad sa sarili, pamilya, at labas ng tahanan. Isang mahalagang tuntungan ang story of coming out para lagpasan ang existential crisis at suungin ang paghahanap sa mas makabuluhang social existence. Ang paglaladlad ay isang pulitikal na hakbang tungo sa mas malawak na pakikibaka laban sa patriyarkiya, seksismo, at naaagnas na kaayusang panlipunan. 

Mahalaga ang criticism at self criticism sa mga manlilikha ng BL series at ng mga pelikulang bakla. Habang dapat na ituring na advancement ang ilang BL series sa bansa na nangunguwestyon sa patriarchal norms, mahalagang magkaroon ng re-evaluation sa filmic subjugation sa identity at body politics. 

Mananataling hamon sa mga manlilikha ng BL films at series ang paglihis sa dikta ng market economy at neoliberalismo. 

Kung sa neoliberal politics tayo tina-transforma para maging ‘di ganap na tao, tiyak na sa pagbalikwas din dito natin mababawi ang tunay na lalim ng ating identidad. Nalagpasan na natin ang hamon na magpatampok ng coming-out story sa pelikula, at kakayanin din natin ang pagbalikwas sa mas malaking kahon ng lipunan. 



===

References:

Adorno, T., Horkheimer, M. (1944). The Culture Industry: Enlightenment as Mass Deception. Retrieved from https://marxists.org/reference/archive/adorno/1944/culture-industry.htm?fbclid=IwAR2Egc_cG9jOm9Svk-fwOJjUu0NC3MCDISQ2NWTS6Wigra50QiboHZmZMNU

Atienza, K. et. al (2020). PRIDE IS PROTEST: A Critical Analysis of Gay Cinema in the Philippines. Department of Communications. Far Eastern University, Manila City. 

Bello, W. (2019) Neoliberalism as Hegemonic Ideology in the Philippines: RISE, APOGEE, AND CRISES. Deglobalisation, Philippines, Trade and Investment.

Tolentino, R. (2011) VAGINAL ECONOMY: Cinema and Globalization in the Post-Marcos Post-Brocka Era. Quezon City, Philippines: Ateneo de Manila University Press.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here