Tinatayang aabot sa 8,000 hanggang 15,000 pamilya ang nanganganib maapektuhan sa nakaambang demolisyon sa walong komunidad sa Maynila; kabilang ang Baseco, Katuparan, Aroma, Happyland, Upper Smokey Mountain, Marala Street, Laguna Extension, at Mayhaligue Extension.
Sa pangunguna ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Upper Smokey Mountain – KADAMAY (SMUSM), muling naglunsad ng kilos-protesta ang mga residente sa harap ng Manila City Hall upang igiit ang pakikipagdayalogo kay Manila City mayor Francisco ‘Isko’ Moreno bunsod ng nagaganap na pagdedemolish sa kanilang komunidad. Ito na ang ikatlong beses na nagtungo ang mga residente sa city hall matapos ang kanilang liham noong Setyembre 4 na hindi tinugunan ng alkalde.
Matatandaan noong Setyembre 4 ay nagsumite ang SMUSM ng liham kay Moreno, subalit; anila, sila ay idinerehe lamang sa iba’t ibang departamento at ahensya ng city hall.
“Imbes na harapin ang mamamayan, inuna niyang makipagpulong sa DPWH Unified Project Management Office – Bridges Management Cluster upang pag-usapan ang proyektong Lambingan Bridge at North-South Harbour Bridge na wawasak din sa napakaraming bahay ng maralita!” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan – Manila (BAYAN Manila)
Ngayong araw din ay nakipagpulong si Moreno sa mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna ni Bridges Management Cluster Division Director Rodrigo Delos Reyes, hinggil sa Lambingan Bridge Project sa Sta. Ana, Manila. Kabilang din sa mga tinalakay ang status ng North-South Harbor Brige at Palanca-Villegas Bridge.
Ang Lambingan Bridge Project ay isa sa mga priority project ng Metro Manila Priority Bridges Seismic Improvement Project (MMPBSIP) na popondohan ng Japan International Corporation Agency (JICA) sa halagang P3 bilyon. Samantala, tinatayang nasa P7.7 bilyon ang kabuoang pondo para sa MMPBSIP ayon sa datos ng DPWH.
Bansang Japan din ang proponent, co-investor, at technology provider hinggil sa proyektong waste-to-energy incinerator sa Smokey Mountain na may pondong P26.6 bilyon. Katuwang sa proyektong ito ang Manila LGU at PHILECO na pagmamay-ari ni Reghis Romero.
“Hindi sapat ang pagpapasa sa amin sa iba’t ibang departamento. Harapin mo kami, Mayor Isko! Bigyan mo naman ng prayoridad ang mamamayan na maapektuhan sa mga proyektong ito na sumisira sa aming tahanan at kabuhayan,” ani Anora Madrid ng SMUSM.





























