Naglunsad ng malawakang pagkilos ang iba’t ibang sektor mula sa kabataan, kababaihan, manggagawa, at mga residente sa iba’t ibang komunidad sa National Capital Region ngayong Biyernes, Setyembre 12.

Dumagundong ang panawagang “Lusob kontra korapsyon” sa isinagawang serye ng mga Black Friday Protests para kundenahin ang lumalalang katiwalian sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., partikular na ang maanomalyang flood control projects.

UP Manila: Lusob mula sa hanay ng kabataan

Mahigit 600 estudyante kabilang ang mga propesor at staff ng UP Manila ang nakiisa sa pagkilos. Sinuportahan ang naturang pagkilos ng administrasyon ng unibersidad na naglabas din ng pahayag para sa transparency at accountability hinggil sa mga proyektong pang-imprastruktura.

“We are in solidarity with the UP Manila community in taking part in this collective action against corruption and impunity. We are for a transparent and accountable government,” pahayag administrasyon ng UP Manila.

Sa isinagawang martsa ng mga estudyante, binigyang-diin nila ang kakulangan ng espasyo at matitinding budget cuts sa edukasyon.

Ayon sa 2026 National Expenditure Program, aabot sa P21 bilyon ang kakulangan sa kabuoang badyet ng unibersidad mula sa orihinal nitong panukala. Matatandaang higit P2.076 bilyon naman ang natapyas sa badyet ng unibersidad ngayong 2025. Ayon sa mga estudyante, ito na ang pinakamalaki sa nakalipas na dalawang dekada.

Tampok din sa kanilang protesta ang pagkondena sa matagal nang pagkaantala ng P30 milyong renobasyon sa Rizal Hall sa ilalim ng St. Timothy Construction Corporation ng pamilyang Discaya noong 2022 na inilipat naman sa Centerways at FS&Co ng pamilyang Lubiano at Co noong 2024.  Kabilang ang mga kontraktor na isinasangkot sa mga kontrobersya hinggil sa flood control projects ng DPWH.

Ayon sa mga estudyante, mahigit anim na taon na ang lumipas ngunit nananatiling tambak pa rin ng mga construction debris at hindi tapos ang nasabing proyekto.

Nagbuo naman ng human chain sa Kalaw Ave. ang iba’t ibang estudyante sa ilalim ng One Taft Alliance. Binubuo nasabing alyansa ng mga estudyante mula De La Salle University, UP Manila, Adamson University, Technological University of the Philippines at Philippine Normal University.

Kinondena nila ang represyon sa loob ng unibersidad gayundin ang bilyon-bilyong pisong nilustay para sa mga ghost flood control projects.

Kababaihan: Lusob laban sa tiwaling pamahalaan

Kinalampag ng mga kababaihan at kabataan sa pangunguna ng Gabriela National Capital Region ang kahabaan ng Rizal Ave sa bahagi ng Carriedo sa Quiapo, Manila.

Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, hindi nagpatinag ang mga kababaihan bitbit ang mga placard at nagpaingay gamit ang plastic bottles sa daan. Anila, dapat managot ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno na nagpapakasasa sa “luxurious” at “lavish lifestyle.

Nanawagan din ang Gabriela Women’s Party sa agarang proklamasyon nito bilang tunay na representate ng mga kababaihan at maralitang sektor bunsod ng diskwalipikasyon ng Duterte Youth noong Agosto 29.

Mga komunidad: Lusob sa gitna ng ulan

Hindi rin naging sagabal ang malakas na ulan sa paglahok ng mga kabataan at residente ng Minipark, Taguig sa isinagawang serye ng mga protesta. Anila, higit na mas malaki at matindi ang pinsalang dulot ng korapsyon sa mga komunidad.

Sa Quezon City, binigyang diin ng mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-Quezon City ang higit 250 flood control projects  na pinondohan ng DPWH sa lungsod habang dalawa lamang dito ang aprubado. Anila, sa halip na makamit ang solusyon, mas tumindi lamang ang pagbaha sa kanilang mga komunidad.

Hindi rin nagpahuli ang mga grupo ng kabataan, kababaihan, at manggagawa sa Alabang Junction kung saan sabay-sabay nilang ipinanawagan ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng anomalya sa flood control projects at mga mandarambong sa kaban ng bayan.

Sa kahabaan ng Monumento, nagtipon naman ang Defend CAMANAVA kasama ang Bayan-Caloocan at iba pang progresibong grupo para ipinanawagan ang pagpapanagot sa administrasyong Marcos Jr. hinggil sa malawakang korapsyon at paglulustay ng pondo.

Lusob laban sa burukrata kapitalismo

Ayon kay Ruben Gabas, tagapagsalita ng Alyansa ng mga Kabataan Kontra Korapsyon (AKSYON), hindi simpleng kaso ng “kasakiman” ang usapin kundi manipestasyon ng isang bulok na sistemang nakaugat sa burukrata kapitalismo.

“Ito ay lantarang manipestasyon ng burukrata kapitalismo kung saan ginagawang negosyo ng mga pulitiko kasama ang kanilang mga kroni tulad nitong mga kontraktor at nagpapakasasa sa kapangyarihan at kaban ng bayan,” ani Gabas.

Aniya, ang naturang pondo ay mainam sanang ilagak para sa batayang serbisyo ngunit napupunta lamang sa bulsa ng iilan.

“Habang nagbubulsa sila ng bilyon, milyon-milyong Pilipino ang nagdurusa sa baha, sa kakulangan ng paaralan, ospital, at pabahay,” dagdag pa niya.

Mula sa Maynila hanggang Muntinlupa, umalingawngaw ang panawagang “Lusob!”

Para sa kabataan, kababaihan, manggagawa, at komunidad, malinaw ang kanilang panawagan. Ito ang higit na pangangailangang kumilos, magpakilos, at maghanda para sa paglusob laban sa sistematikong pandarambong, singilin ang mga nasa kapangyarihan, at igiit na ang badyet ng bayan na dapat ilaan sa serbisyong panlipunan at pangangailangan ng mamamayan.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here