Pinaputi na ng panahon ang mahabang buhok ng makata. Nangangailangan na rin ng kapirasong yantok, tungkod para sa paglakad ang mga paa nitong ‘di lang minsan bumagtas sa mga nayon sa bundok, parang at dalampasigan, at maging sa mga pagawaan sa mga lungsod upang makapag-ambag sa mahabang naratibo ng masang piniling lumaban. Suot ang asul na sweatshirt at maong na pantalon, aming nakapanayam ang makata at manunulat ng bayang lumalaban, si Gelacio Guillermo.

Kamakailan lang ay ipinagtapat ni Gelacio sa publiko ang kanyang nom de guerre sa kilusan- Kris Montanez, ang awtor at editor ng ilan sa mga pinakamahusay na nailimabag na kwento, antolohiya at kritikang panliteratura ng national democratic movement. Ilan sa naisulat niya bilang Kris Montanes ay ang The New Mass Art And Literature at Kabanbanuagan.

Si Gelacio Guillermo na tubong Hacienda Luisita, Tarlac ay ipinanganak noong 1940. Isa siya sa unang sumulat ng libro ng mga tula para sa mga magsasaka dito na pinamagatang Azucarera. Naging kalahok din siya sa International Writers Program sa Iowa University noong 1970-71. Noong nakaraang taon lang ay inilabas rin ng UP Press ang isa pa niyang libro ng mga tula na simpleng pinamagatang Mga Tula.

gelacio_addressing_crowd1
mula sa book launching ng librong ‘Mga Tula’ ni Gelacio Guillermo | Chantal Eco

 

Ang Pagbibinhi

mula kay Mon Ramirez
mula kay Mon Ramirez

Sa kabilang dulo ng radikalisasyon ng kabataan ay ang konserbatismong pinasusubo sa mga estudyante. Aniya, “noong 1960’s, malakas yung impluwensya ng art for art’s sake. Ang dinudiyos dito [sa UP] si Jose Garcia-Villa.

Pinatupad sa bansa ang witchhunt ng CAFA (Committee on Anti-Filipino Activities) laban sa komunismo. Aktibo sa kampanyang ito ang UPSCA(UP Student Catholic Action). At mula dito, sa pangunguna ni Prof. Jose Maria Sison, binuo naman ang SCAUP(Student Cultural Association of the University of the Philippines), isang pangkulturang organisasyon kinabibilangan ni Gelacio. Ito rin ang nagsilbing binhi ng marami pang organisasyong pambansa demokratiko.

Mula sa mga study circles ng SCAUP at demonstrasyon ng 5,000 estudyante ng UP laban sa kampanyang witchhunt ng CAFA, hanggang sa pagbuo ng Kabataang Makabayan (komprehensibong organisasyon ng mga progresibong kabataan), sumambulat ang mga pagkilos na nilahukan ng 50-100 libong tao linggo-linggo na ngayo’y kilala bilang First Quarter Storm (FQS).

Si Gelacio na madalas magsulat noon sa wikang Ingles, lalo pa’t isa siyang English Major ay nagsimulang kwestyunin ang kanyang panulat. Taong 1971, itinatag ang Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan o PAKSA. Ayon sa manipesto nito, layunin ng PAKSA na pagbuklurin ang mga manunulat na lilikha at magpapalaganap ng literaturang kakatawan, makikisangkot at mag-aangat sa adhikain ng aping sambayanan-ang adhikaing pambansa demokratiko.

“Basta ang malaking [suliranin] namin noon ay kung paano i-aayon ang panulat sa pangangailangan ng kilusan,”paliwanag ni Gelacio.

Ang Pangangailangan Maging Kris Montanez

Hindi na makapaghari sa dating paraan ang estado kung kaya’t noong 1972, idineklara ng noo’y pangulong Ferdinand Marcos ang Batas Militar. Pangunahing target ni Marcos ang mga progresibo at makabayan. Marami sa mga nahuling kasamahan ni Gelacio ang ikinulong, pinatay o kaya’y sapilitang dinukot at hanggang ngayon marami parin ang hindi natatagpuan.

“Ako I have to leave my work dito sa UP, at kumilos underground. May napunta sa countryside para sa armadong pakikibaka. Kami sa underground propaganda groups pero based sa cities” ang kwento ni Gelacio.

Naging limitado na ang pag-abot at paggamit nila sa mga ligal na publikasyon. Lumaganap naman ang paggamit ng mga simple ngunit mabisang paraan ng publikasyon gaya ng mimeograph at/o photo-stencil na mas kilala ng masa sa tawag na ‘hagod.’ Ayon nga kay Gelacio, malaki ang naitulong nito sa pagpapasigla ng mga panrehiyong publikasyon [ng kilusan]. Yumaman ang depositong pampanitikan ng kilusan, salik para mabuo niya ang iba’t ibang antolohiyang tulad ng Magsasaka: Ang Bayaning Di Kilala at Muog.

Bilang isang rebolusyonaryong manunulat, mahalaga sa kanya ang tumungo sa kanayunan, lalo sa mga sonang gerilya upang makita ang tunay na kalagayan at mabuo ang mga dyornal pangkultura gaya ng Ulos. Mahalaga rin ang paglubog sa mga manggagawa sa kalunsuran para malaman ang kanilang kalagayan.

“So kami nasa print publication, pero later on mangangalap rin kami ng mga trabahong galing sa kanila,” kwento ni Gelacio.

Sa pagsapul sa kalagayan, binago nila ang dating oryentasyong tutok sa kalunsuran. Mas binigyan na ng diin ang kilusang masa sa kanayunan.

Ayon kay Gelacio, “involve sa kilusang masa sa kanayunan yung armadong pakikibaka, yung rebolusyong agraryo, at saka yung pagbubuo ng bagong gubyerno.”

Isa rin siya sa nagpaunlad ng magasin para sa panggitnang uring sumisimpatiya sa rebolusyon, ang Dare To Struggle, Dare To Win na may Filipino at Ingles na salin.

Bagamat aktibo sa pakikibaka, masasabing maswerte si Gelacio kumpara sa ibang kasama. Ayon kasi sa kanya, “ang isa sa aking naging kapalaran, hindi ako nahuli, hindi ako nabilanggo, hindi ako nakubkob, hindi ako nabaril pero lahat tyansa-tyansa lang.”

Hindi ibig sabihin na hindi siya tinutugis ng kaaway ng panahon ng Martial Law. Sa katunayan ay madalas siyang ipagtanong ng militar sa mga nahuhuling kasama, kagaya nalang nang mahuli si Boni Ilagan (kasamahang manunulat at artista ni Gelacio). Kung kaya’t ganoon na lang ang respeto ni Gelacio sa mga kasamang nanatiling matapat at matapang sa harap ng torture at panggigipit ng kaaway habang bihag ng militar o pulis. At kaya rin madalas pag-alayan ng mga gawa ni Gelacio ang mga ito gaya ng tulang Wala Akong Binitiwang Salita na di Pabor sa Mamamayan.

Paano ba magsulat ang isang committed sa pakikibaka?

gelacio fb
mula sa FB ni Gelacio Guillermo

Ayon sa kanya, karamihan ng naisulat niya ay batay sa field exposure niya sa iba’t ibang bahagi ng kanayunan. Bago nga siya makasulat ng isang istorya, kailangan niyang makarinig ng maraming kwento mula sa mga mga kasama at masa. At mula sa mga naitala niya, doon niya bubuuin ang trabaho na pwedeng tulayan, pwedeng ikwento.

“Ibig sabihin hindi ka pwede magsulat kung wala kang alam,” pangangaral ni Gelacio.

At depende din sa materyal at layunin, pagpapasyahan niya kung anong porma ang gagamitin. Pwedeng tula gaya ng Azucarera, STR- Mga Tula ng Digmang Bayan sa Pilipinas. Pwede rin ang dagli at kwento gaya ng Kabanbanuagan at kung marami talaga ang materyal, maaring makasulat ng nobela. Matapos nito ay papasok ayon kay Gelacio “yung function ng imahinasyon, kailangan para maiporma yung mga raw materials na naipon mo. Lalagyan mo ng muscle yan. Isa itong mahabang proseso.”

“Pero kailangan maintindihan,” ang pagdidiin ni Gelacio.

Dugtong pa niya dito, “kasabay ng mahusay na pagdadala sa lenggwahe, sa porma, at sa tono.

Napakahalaga para kay Gelacio maintindihan ng mambabasa ang aral na dala-dala ng mga kwento at tula. Ayon nga sa kanya, sa ilang inilabas niyang antolohiya, payak at madaling intindihin ng masa ang mga kwento.

“Hindi naman pang contest, hindi pang Palanca kung baga. Mahalaga yung element ng pedagogy o yung indicational character ng trabaho.”

 

gelacio_addressing_crowd2

 

Ang Sigaw at Iba Pang Lenggwahe sa Panulat at Sining

Sa pagsusulong ng panulat at sining protesta, mahalaga ang pagsaalang-alang sa damdamin ng inaapi. At ang galit ng masa ay madalas maipakita sa sigaw. Mula sa tula, gaya ng Sigaw sa Balintawak, mga tula sa rali tulad ng maraming likha ng mga kabataan, hanggang sa mga dula, gaya ng teatro ni Boni Ilagan na maingay mula umpisa hanggang katapusan, litaw ang paggamit ng sigaw at iba pang ingay na naglalarawan sa pakikibaka. Hinalimbawa rin ni Gelacio ang dula kamakailan ni Floy Quintos tungkol kay Mabini. Aniya, mahusay nitong nagamit ang sigaw at ingay sa paglarawan sa tagpo nang pagkakulong kay Ricarte. “Ganoon ang kultura ng protest writing, yung shout o sigaw” ang paliwanang ni Gelacio.

Mahalaga rin ang eksperimentasyon sa pagsusulong ng literatura ng protesta tulad ng Bukambibig o spoken words na ayon kay Gelacio ay gumagamit ng tono at lenggwaheng karaniwan sa urban. Mahalaga rin ang paggamit ng irony. Nilinaw nga niya sa artikulong Espasol Vs Nilupak (Bulatlat noong 2003), isang anyo ng pyesta ng mamamayan para gawing ilihitimo ang paghahari ng mga naghahari-harian sa lipunan ang sabay na pagkamuhi at pagtatawa sa kanilang ugaling matapobre.

Ang Capsule Form na PSR.

“Madaling sabihin na yan ay kanta,” ang mabilis na tugon ni Gelacio nang aming tanungin kung ano ang pinaka epektibong porma ng literatura sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong kamalayan sa kanayunan.

Epektibo rin ang pagsanib ng luma o katutubong porma at bago o rebolusyonaryon nilalaman ng mga kanta tulad ng composo sa Negros at Panay. Ayon kay Gelacio, sa karanasan ay nagiging tipong newsform ito sa pamamagitan ng pagsasalin-salin ng kwento o pangyayari sa iba’t ibang distrito. Nasaksihan niya rin ang palitan ng sining at literatura ng iba’t ibang rehiyon, “minsan may porma ng musika ang Muslim Mindanao na maririnig mo sa Kordilyera at bise-bersa.”

Madalas ngang maging daan ang mga kanta para mamulat ang masa hanggang marekluta sa organisasyon.

“Kasi yung mga rebolusyonaryong kanta, parang DG eh (discussion groups), parang mga capsule form ng PSR (Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero),” ani Gelacio.

Dahil sa pagiging accesible at popular ng kanta, at sa kalagayang maraming masa ang hindi natutong bumasa at sumulat, tunay ngang napakalaki ng potensyal ng awit na makapagmulat.

Binanggit rin ni Gelacio na madalas magtanghal ng skit sa mga pulong masa sa kanayunan. Epektibo ang simpleng paghahalo-halo ng disiplina,na may bahaging tumutula, may kaunting kantahan, at maikling kwento sa pagpapaabot ng mensahe ng rebolusyon.

Walang Pinagbago

“Basically, nananatili yung mga basic problems ng Pilipinas, at lumalala,” ang sagot ni Gelacio kaugnay ng pagtingin niya sa administrasyon ni Benigno Aquino III. Bilang isang tubong Hacienda Luisita, madalas niyang paksain sa mga kwento at tula niya ang mga panggigipit sa mga magsasaka at manggagawang bukid dito.

Pagbabahagi niya, “everytime na magkampanya yung mga magsasaka at workers doon [sa Hacienda Luisita], pinapatay ang mga mass leaders; series yun.”

Malinaw sa kanya na ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa ay malaking hadlang para sa pag-unlad ng bansa tungo sa pambansang industriyalisasyon. Ayon pa sa kanya, kinalimutan na nga ang mga magsasaka at ang pagtatayo ng malalaking industriyang tulad ng steel (mga batayang industriya para mabuo ang iba pang industriyang kailangan ng bansa), ay binabago pa ang gamit ng lupa sa mga ‘di produktibong gamit gaya ng hotel, mall, pasyalan at real-estate.

Dagdag pa niya kaugnay ng problema ng bansa, “yung mga yumayaman yung mga nasa gubyerno-ang lalaki ng mga pondo pero yung para sa mga productive na enterprise para maka generate ng mga trabaho-wala. Still the same problem.”

Bilang isang makabayang manunulat naman, pagtatraydor sa wika ang CHED Memo Order 20 Section 13 na naglalayong tanggalin ang Filipino sa kurikulum ng Kolehiyo, ang pagkakasya nalang sa pagturo ng Filipino sa K-12.

“Sa ibang bansa tulad ng Japan, Sweden, China at Holland meron silang Ingles na itinuturo bilang foreign language. Dito ang gusto nila, gawing official language!” pagtutol ni Gelacio.

Kaugnay naman ng kasalukuyang ipinapalaganap ng ilan sa kabataan na Marcos revivalism at ang pagpalit ng P sa Pilipinas ng F. Isa lang ang tugon ni Gelacio sa dalawang magkaibang bagay, “may kani-kaniyang mga bataan yan eh. They create their own instruments para isulong yung kanilang makikitid na interes. Katulad halimbawa yung-‘make the Philippines a part of USA, o yung gawing santa si Cory Aquino [na may pananagutan sa Mendiola Massacre], mga ganyan. Pero mga packets lang yan.”

Dumadaloy Ang Bagong Henerasyon ng Manunulat

Noon pa man marami nang nagsusulat sa kilusan gaya nila Jose Maria Sison at Alan Jazmines, at ang daluyong ng panulat na tinahak nila at ni Gelacio ay hindi lang nagpapatuloy kundi mas dumarami, lumalawak at humuhusay. Kinilala ni Gelacio ang ilan sa mga bagong manunulat gaya nila Axel Pinpin, Ericson Acosta, Kerima Lorena Tariman, Rustom Casia, Richard Gappi at si Tom Agulto bilang mga tagapagpatuloy ng mapagpalayang panulat.

“Tumitingin sila sa mga matatanda, kami naman hinahangaan namin ang mga ganitong writers na kabataan,” ani Gelacio.

Ayon rin sa kanya, ang pagkakaroon ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS- isang samahan ng mga rebolusyonaryong artista at manunulat na kabilang sa NDF ), ng KM64 ( organisasyon ng mga progresibong makata), at ng pagkakaroon ng mga seksyon pangkultura ng mga progresibong publikasyon tulad ng Bulatlat at Pinoy Weekly ay garantiya na magpapatuloy ang ganitong tipo ng panulat.

Simple lang naman, at walang sikreto ang ganitong panulat.

Aniya, “I think kailangan laging nakatuon hindi sa sarili kung hindi sa ano ba ang kalagayan ng lipunan. Yun, basic question yun eh. Kailangan kilalanin mo ang mga problema ng lipunan. Therefore you will try to adjust yung gusto mong gawin para makatulong.”

Dagdag pa niya na ang mahalaga ay i-ugnay ang sarili sa lipunan ano man ang propesyon at/o kakayahan o kayang iambag sa pakikibaka.

Ang Pinagkakaabalahan Sa Ngayon

“Hindi na ako kasing aktibo ng dati” ang banggit ni Gelacio.

Nakwento niya na pana-panahon parin siyang nagsasalin ng mga akda tulad ng ginawa niya noon sa isinapilipinong Mga Tula ni Jose Ma. Sison. Sa Loob at Labas ng Piitan. Minsan napapakiusapang gumawa ng rebyu, nagbibigay ng interbyu sa mga kabataan, at minsan nag-aayos ng mga sinulat na pwedeng ilimbag.

“Kasi yung pagsulat ko, kailangan may urgency,” ang maikling paliwanag niya.

Madalas rin sa bahay lang si Gelacio, at gaya ng iba pang senior citizen ay nag ga-gardening, nagkukumpuni ng mga sira sa bahay at ng mga sirang gamit sa bahay. Paminsan-minsan nagluluto at madalas nagbabasa ng dyaryo at mga libro at nanonood ng balita.

Simbigat ng Sierra Madre

Hindi sa dami ng panalo sa mga timpalak at ng naibentang libro sa merkado, o sa pagkilala ng mga kritiko ng mga institusyong burgis sinusukat ni Gelacio ang kanyang panulat; ang tunay na sukatan ng bisa ng panulat ni Gelacio at ng mga tulad niya ay nakapaloob sa pagsulong ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang kalayaan laban sa imperyalismo, na may istratehikong pagtanaw sa sosyalismo.

Ang pagputi ng buhok at paghina ng tuhod niya ay hindi lang manipestasyon ng pagtanda, ito ay pruweba at saksi sa buong panahong pag-aalay at walang sukong paninidigan para sa bayan.

Sa panahon ng postmodernismo na kung saan mapanlansing itinatakda ng mga mapagsamantalang uri ang hangganan ng protesta at paglaban, mahalagang sariwain ang buhay at panulat ni Gelacio Guillermo.

 

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here