Ang Pilipinas ang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo. Nagsisimula ito sa pagpasok ng “ber” month o simula ng Oktubre at natatapos sa Enero 6 o sa Pista ng Tatlong Hari. Ang mga palamuti na kinabit para sa kapaskuhan ay maaari pang magtagal hanggang Enero o lampas pa.

Bago pa sumapit ang ber-month, abala na ang karamihan sa pagbili ng iba’t-ibang palamuti at mga regalo sa mga mall para sa darating na Kapaskuhan. Siksikan sa halos lahat ng pamilihan.  Maingay, magulo, at nakakahilo man sa dami ng tao, nakababawas ng stress ang maririnig mong Christmas carols habang ikaw ay namimili ng iyong bibilhin, dagdagan pa ng makikita mong nakangiting  iba’t-ibang  size na mga figurine ni  Santa Claus at nagsasayawan na makukulay na Christmas lights. Ordinaryo  o mayaman man na pamilya, iisa lang ang  hangarin- ang ipagdiwang ang Araw ng Pasko kasama ang mga mahal sa buhay. 

Pero paano nga ba ipagdiriwang ng pamilyang Pilipino ang nalalapit na Kapaskuhan, gayong humaharap pa ang ating bansa sa matinding banta ng Covid-19?

Ang Bilang ng Covid-19 na Kaso sa Bansa

Ayon sa pagtatala ng Department of Health o DOH noong Nobyembre 4, umabot na sa 388,137 sa kabuuan ang nagpositibo sa Covid-19 sa bansa,  7,367 dito ang namatay, at sinasabing 349,091 naman ang gumaling sa naturang sakit. Ayon sa ahensya, kung susuriin, ang bilang ng kaso sa Covid-19 sa bansa ay patuloy na bumababa kung ikukumpara sa mga nakaraang buwan.

Ayon naman kay Dr. Guido David ng UP-Octa Research Team noong Oktubre, kakikitaan ng pagbaba ng kaso ng Covid sa bansa simula ng buwan ng Setyembre kung saan nakapagtatala ng 3,000 na kaso araw-araw kumpara sa 4,000 na bilang sa kalagitnaan hanggang katapusan ng Agosto. Ganoon pa man, mahigpit siyang nagbigay ng babala sa publiko na huwag masyadong maging kampante dahil posibleng lumobo muli ang bilang ng kaso sa bansa kung ilalagay ang Metro Manila sa mas maluwag na kuwarentena.

Dumagdag pa sa krisis na dala ng Covid-19 ang mga sakuna’t nagdaang bagyo na dumating sa huling bahagi ng taon at puminsala sa maraming bahay, kabuhayan at buhay laluna sa ating mga kababayan mula sa Bicol at Timog Katagalugan.

Ang Pasko at ang Kawalan ng Trabaho ng Maraming Pilipino

Isa na marahil sa pinakamalungkot na epekto ng nararanasan na pandemya ay ang mas kawalan ng oportunidad  ng maraming Pilipino para sa pagkakaroon ng trabaho. Ayon sa isinagawang survey ng Social Weather Stations o SWS na sinimulan noong buwan ng Hulyo, umabot na sa 27.3 milyon ang bilang ng mga taong walang hanapbuhay sa bansa.  Ayon sa grupo, ang mas lalong  pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang hanapbuhay ay bunsod na rin ng pagsasara ng maraming negosyo dahil sa nararanasang Covid-19 sa bansa.

Ang pagkakaroon naman ng maluwag na uri ng kwarantina sa mas maraming lugar sa Pilipinas,  ayon sa acting  Secretary ng Socio Economic Planning na si Karl Kendrick Chua, ay naging dahilan upang makabalik na ang  7.5 milyon katao sa kani-kanilang trabaho.

Ganoon pa man, hindi maaalis ang katotohanan na mas higit pa rin ang bilang ng mga Pilipinong umaasang magkaroon ng hanapbuhay o pagkakakitaan lalo’t higit nalalapit na ang Kapaskuhan. Ang mairaos ang simpleng Noche Buena sa hapag-kainan ngayong panahon ng pandemya ay maituturing nang isang malaking biyaya ng isang ordinaryong pamilyang Pilipino.

 Ang Pasko ngayong 2020 ay magiging higit na kakaiba kumpara sa nagdaang mga taon.

Bagama’t makakakita pa rin ng iba’t-ibang palamuti sa mga establisyemento, magkahalong saya’t lungkot na ang maibibigay nitong pakiramdam lalo na sa mga taong nawalan ng minamahal dulot ng Covid-19. Hindi na magiging matao sa mga mall. Marahil kakaunti na lang din ang bibisita sa bahay-bahay dahil iniiwasan pa ang malalaking pagtitipon.  At habang ang ilan naman ay mananatli pa ring abala sa pag-iisip kung saan at paano sila magdiriwang ng Pasko, ang karamihan ay bitbit-bitbit pa rin ang matinding pangamba’t takot hindi lang dahil sa nakamamatay na virus, kundi lalong higit dahil sa kumakalam na sikmura at walang kasiguraduhan na bukas.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here