LITTLE MARITIME INCIDENT

Maalat pa sa tubig-dagat
Ang balitang pumapailanlang sa hangin
At nahagip ng mga taingang
Nagbingi-bingihan sa sumbong
Ng tripulanteng nagpalutang-lutang
Sa rabaw ng alon.

Salaysay ng kapitan: ‘kamiy binangga,
Pinalubog aming bangka,
Saka lumisan barkong pandigma
Nitong dayong singkit
Ni habag ay wala’.

Wari’y mga basang sisiw
Na lulutang-lutang,
Sa kadiliman ng laot
Nagmistulang sampid
Sa sariling nasasakupan.

Sa kawalan, isang maliit na bangka
Ng dayuhang Vietnamese
Na bukas-palad na kumupkop
Sa bente-dos na Pilipinong
Nanginginig sa lamig ng karagatan.
Nakabalik nang buhay sa bansang Pilipinas.
Nang idulog sa himpilan,
Sa palasyo ng Malacañang,
Asin sa alat ang lasa ng katotohanan–
Kinampiha’y hindi kababayan.
Pumanig sa lapastangan na dayuhan
Ang administrasyon;
‘Maliit na insidente lamang ito’,
Tugon ng taksil sa sumbong ng maliit,
Sa mga mata nila’y bakas ang hilam
Ng tubig-alat sa danas na sinapit,
Ah, bayan ay isinasangla! Ikinakalakal!
Bayan ay gulanit! Ginagahasa! Isinusugal!

Si Paulo Rico de Lara ay isang makata at manggagawa. Kasalukuyang nagtatrabaho sa isang planta ng salamin sa Bulakan bilang isang glass cutter/artist.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here