Nagmartsa ang mga residente ng Area 17, Pook Aguinaldo, at Pook Malantik patungong Quezon Hall bilang protesta laban sa bantang demolisyon bunsod ng pagtatayo ng Sustainable Development Goals (SDG) Park na proyekto ng administrasyon ng UP Diliman noong Pebrero 5.

Tinatayang mahigit isanlibong (1000) pamilya ang maapektuhan ng nakaambang demolisyon gayundin ang mga sakahang higit 20 ektarya na gagamitin ng UP Diliman sa naturang proyekto. Kabilang ang Pook Aguinaldo, Area 17, Malantik, Libis, Pook Malinis, Marilag, at Lambak sa mga apektadong komunidad.

Ayon sa UP Office of the Vice President for Development – UP System, ang SDG Urban Farm and Wellness Park ay inaasahan maging living at learning space  ng mga estudyante at residente sa komunidad ng UP. Subalit, hindi ito ang sagot sa matagal nang pakikipaglaban ng mga residente para sa katiyakan sa paninirahan. 

Enero 31 nang maglunsad ng dayalogo sa pagitan ng administrasyon ng UP DIliman at mga residente.

“Pinagdidiinan ng UP admin na kailangan na mag-umpisa na sila ng project nila this February. Kaya ngayon nagugulantang ang mga tao. Noong kausap namin noong dialogue kung hanggang saan ang project nila, ang sabi ni Karen Jago-on, ‘lahat ‘yan, walang matitira diyan.’” ani Dong Ventula, residente at magsasaka sa Pook Aguinaldo. 

Anila, mula pa 2025 ay may nagsusukat na sa iba’t ibang apektadong komunidad. Nakapagtayo na rin ang administrasyon ng UP ng mga tent na pinupuntahan ng mga blue guards at nagsasarbeylans sa lugar. 

Noong nakaraang linggo lamang din ay naiulat ang paglapag ng mga kontraktor sa sakahan ng Libis para ipagpatuloy ang pagsusukat. Ani Ventula, nagsusukat ang mga naturang kontraktor para sa mga poste ng kanilang mga bahay.

“Puro sila panloloko e. Kasi ‘yung mga kontraktor, ‘pag kinakausap mo, [sasabihin na] widening lang o kalsada lang ilalagay, pero ‘yung mga marker nila, ‘yung [para sa] malalayo.”

Giit din ng mga residente ang binabanggit ng barangay na walang magiging demolisyon kaiba sa laging tugon ng administrasyon ng UP Diliman na magkakaroon ng relokasyon. Para sa kanila, hindi nila kailangan ng nasabing relokasyon. 

“‘Yung matatamaan, ililipat nila doon sa modular tent.. Pansamantala. Sila kaya ang patirahin namin doon lalo ngayong tag-init,” pahayag ni Ventula.

Kaisa ng mga residente ang mga estudyante na kinakaharap din ang kakulangan ng espasyo sa loob ng unibersidad. Kinwestyon nila pagbibigay pahintulot at prayoridad sa ambisyosong SDG Park samantalang hindi matugunan ang kakulangan ng pasilidad para sa pag-aaral ang mga estudyante. 

Sa kabila nito, patuloy pa ring ang pagiging mapangmatyag at militansya ng mga residente. Buo at tuloy-tuloy ang kanilang pagtindig laban sa anumang balak ng administrasyon ng UP. 

“Ngayon, solid na kailangan, sabi namin, magkaisa na ang lahat. ‘Di na biro, kasi andiyan na ‘yung kontraktor e. […] Kailangan mag-alsa talaga, kasi yung UP subok na ng magsasaka na manloloko ‘yan. Magmula noong 1970, ginago nila nang husto ang magsasaka,” pagtatapos ni Ventula.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here