Ang Brgy. Sauyo ay matatagpuan sa District 6 sa Novaliches, Quezon City. Ayon sa datos ng gobyerno, 76,000 ang populasyon ng barangay noong 2015 na may mahigit 15,000 households.

Iba iba ang hanapbuhay ng mga residente ng Sauyo, karamihan ay nasa uring anakpawis hanggang mababang-panggitnang uri. Maraming nagmamay-ari ng sari-sari store, puwesto sa talipapa, kumpunihan, patahian, computer shop, at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan.

 

Kuha ni JC Gilana

 

Kuha ni JC Gilana

 

 

Ang Proyektong NLEX Segment 8.2

Ang North Luzon Expressway (NLEX) C-5 North Link o Segment 8.2 ay planong expressway na magdudugtong ng C-5 Road at Commonwealth Avenue sa North Luzon Expressway (NLEX) sa pamamagitan ng Mindanao Avenue. Nakapailalim ito sa Build, Build, Build (BBB) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Visualization ng bahagi ng NLEX Segment 8.2 sa Regalado Interchange. Screencap mula sa video ng Manila North Tollways Corp.

 

Ayon sa DPWH, nasa 8.35 km (7.85 km ayon sa NLEX Corp.) ang haba ng Segment 8.2 na may apat na lane (2×2) at expandable hanggang anim na lane (2×3). Sasakupin nito ang Republic Avenue, liliko papuntang Luzon Avenue, at titigil sa Congressional Avenue Extension. Bahagi ito ng mas malaking NLEX Harbor Link Project, isang extension road na may habang 21.65 kilometro.

 

Master plan ng High Standard Highway Network sa Metro Manila na panukala ng DPWH at JICA

 

Nagsimula ang Segment 8.2 noong taong 2012. Nakaplano dapat itong simulan sa katapusan ng taong 2015 at matapos sa taong 2019 ngunit ito ay hindi naging posible dahil sa pagka-delay sa  pagkuha ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Right of Way (ROW). Ayon sa kanila, ang panibagong plano para sa proyekto ay ang makapagsimula ng konstruksyon sa 2019, pagkatapos ng eleksyon, hanggang sa taong 2023.

Ang mga pangunahing tagapagtaguyod ng proyekto ay ang gobyerno ng Pilipinas, lokal na gobyerno ng Quezon City, Department of Public Works and Highways (DPWH), at Manila North Tollways Corporation (MNTC) na pagmamay-ari ni Manny V. Pangilinan. Si Pangilinan o MVP ang malaking negosyante sa likod ng PLDT, Smart Communications, Maynilad, Manila Electric Company, Philex Mining Corporation, at iba pa.

 

“Kaunlaran sa iilan, Demolisyon sa karamihan?”

Sa isang malaking proyekto tulad ng NLEX 8.2 expressway, mayroon at mayroong trade-off na magaganap. Pero para kanino papabor ang proyekto ay malinaw na hindi para sa mamamayan.

Walong barangay ang madadaanan ng planong expressway. Sa Quezon City, ito ang Sauyo, Pasong Tamo, Culiat, Talipapa, Bagbag, Fairview, Matandang Balara, at Holy Spirit. Sa Valenzuela naman ay madadaanan ang Brgy. Ugong.

Maliwanag ang implikasyon ng pagtatayo ng daan: paggiba sa mga bahay at maliliit na negosyong nakatayo at pagpapaalis sa libu-libong pamilyang matagal nang nakatira sa mga urban na komunidad. Mahigit 50,000 pamilya ang maaapektuhan ng konstruksyon. Nariyan pa ang renters at sharers na nakikitira sa mga bahay. Maging ang mga simbahan at maliliit na negosyo ay apektado sa demolisyon.

 

Nagsimula na ang house tagging na isinasagawa ng National Housing Authority. Kuha ni Akira Liwanag.

 

Hindi ligtas ang mga maliliit na parokya sa demolisyon. Kasama na rin ang mga ito sa tagging ng NHA. Kuha ni Erika Cruz.

 

 

\Maraming sari-sari store at maging mga talipapa ang sakop sa konstruksyon ng proyekto. Kuha ni Akira Liwanag.Hindi na bago ang pagpapaalis ng mamamayan sa kanilang kabahayan upang maipatupad ang mga programa ng gobyerno.

Mag-iisang taon na mula nang giniba ang kabahayan ng halos 1,000 residente sa East Bank Road sa Floodway, Brgy. Santa Lucia sa Pasig dahil umano flood-prone ang lugar. Isang malaking kabalintunaan gayong itinayo ang Floodway para sa mismong rasong maiiwasan ang pagbaha. Nag-alok ang gobyerno ng pabahay sa mga residente sa tapat ng East Bank Road, ngunit sub-standard ang materyales na ginamit sa mga yunit. Dahil hindi sapat ang mga yunit sa medium-rise buildings na itinayo, marami sa mga residente ay inilipat sa relocation site sa probinsya. Karamihan ay bumalik sa Maynila dahil malayo ang relokasyon sa kanilang hanapbuhay at mga eskuwelahan.

Tila nauulit ang ganitong senaryo sa Brgy. Sauyo, kung saan may iilang residente na ang nag self-demolish upang lumipat sa relocation site sa Morong, Rizal. Disyembre 2017 pa noong lumipat sila, pero nagsibalikan na rin ang mga residente dahil sa kakulangan ng serbisyo at kawalan ng hanapbuhay sa Rizal.

 

Hindi maayos ang daan papunta sa relokasyon ng gobyerno sa Morong, Rizal. Aabot sa P200 ang pamasahe papunta kung manggagaling ng Quezon City. Kuha ni Sarah de Leon.

 

Malayo sa siyudad ang relokasyon kung kaya’t may distansya ang pinakamalapit na palengke, eskuwelahan, ospital, at simbahan. Kuha ni Sarah de Leon.

 

Tiwangwang ang mga pabahay ng gobyerno at walang pasilidad tulad ng tubig at kuryente. Kuha ni Sarah de Leon.

 

Nagkakahalagang P7 ang isang malaking lagayan ng tubig na iniigib pa ng mga residente ng Morong. Kuha ni Sarah de Leon.

 

“Pagdating namin wala pang pinto, wala pa bintana, wala pa lahat…” daing ni Roqueta Miano na isa sa mga napalayas na residente ng Sauyo.

 Ang kinukuhanan ng mga residente ng tubig ay sa baba pa ng bundok.Sa isang araw umaabot sa higit sa tatlong beses ang pagiigib ng ilang residente kaya’t nadaragdagan pa ang kanilang gastos. Sinisingil sila ng P7 para sa isang malaking balde ng tubig. Tinatiyaga nilang magtulak ng kariton upang iakyat ang mga balde sa bahay nila.

Ayon sa mga residente, ang mga may-ari ng bahay ay nakatanggap ng P10,000 at kaunting grocery galing sa NHA. Ang mga rumerenta naman ay nakatanggap lamang ng P5,000. Hindi naman sapat ang kanilang mga natanggap sa kanilang magiging buhay sa bagong nilipatan. Halos naubos din sa isang lingo ang pera na natanggap nila kaya’t ang mga kamag-anak ng ibang residente ay hindi na halos umuuwi sa kanilang mga tahanan upang kumayod para sa sa kanilang mga pamilya. Naningil pa ng P2,000 ang pinagkabitan nila ng kuryente dahil wala silang sariling linya. Disyembre pa lumipat ang mga nanggaling sa Sauyo ngunit hindi pa naaayos ng gobyerno ang kuneksyon sa kuryente at tubig.

 

Nakakabit sa iisang pinanggalingan ang kuryente ng mga residente ng Morong. Gumastos ang mga bagong lipat ng P2,000 sa pagpapakabit, habang nagbabayad naman sila ng P__ bawat kilowatt-hour. Kuha ni Sarah de Leon.

 

“’Yung asawa ko hindi nag-istay dito, syempre ang hanapbuhay niyan ay nasa Quezon City talaga, kapag may konting hanap-buhay siya, doon lang siya uuwi dito kasi ang layo, sobrang layo,” sambit ng asawa ng isang nag-relocate.

Tatlong oras ang byahe papunta sa relocation site mula sa Brgy. Sauyo. Pagdating ng mga residente ng Sauyo sa Morong, Rizal, ikina-dismaya nila ang kanilang naabutan.

Walong barangay pa na matatamaan sa kontruksyon ng Segment 8.2. Ilang pamilya pa ang mawawalan ng bahay at kabuhayan habang ang malalaking negosyo ay sadyang iniiwasan. Ang National Government ay hindi naman nagkakapagbigay ng estableng trabaho na may sapat na sweldo para sa isang pamilya.

“… kung hindi ako bababa, ano na lang ang kakainin naming doon…” sabi ni roger na nanggaling na dati sa bundok at pumunta lamang sa Quezon City upang makapagtrabaho. “Galing na ako bundok e, tatapon ako uli sa bundok…”

Kalakip sa pagpapaalis sa mga residente ang inihapag ng gobyerno na in-city housing alternative sa pakikipagkoopera sa Medium-rise Public Housing Program ng NHA. Inihayag na ang budget para sa relokasyon na gagawin sa mga resident ay nakasaad sa RA 7835 o ang inatawag na Comprehensive and Integrated Shelter Financing Act of 1994. Ito ay nangangahulugang hindi libre ang magiging pabahay. Ang pagbabayad ng mga residente ay idadaan sa loan o mortgage program kung saan ay huhulugan nila ang kanilang tinitirahan sa loob ng 20 hanggang 30 na taon.

 

Visualization ng resettlement na pinaplano ng National Housing Authority

 

 

“Build, Build, Build at kaunlaran para sa iilan

Hindi na nakagugulat na ang Build, Build, Build (BBB) ni Duterte ay nangangahulugan ng malaking kita sa gobyerno at pribadong negosyo kapalit ng batayang karapatan ng maralita.

Imbes na magsilbi ang modernisasyon sa kalsada at daan sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng nakararaming maralita, naging paraan ito upang mapabilis ang daloy ng komersyo at negosyo ng iilang mayayaman.

Dahil nga’y uutangin ng MNTC ang P10.5 bilyon para sa konstruksyon at walang ilalabas na pera ang negosyo, ang expressway ay hindi na libreng madadaanan. Ang pambayad sa inutang na P10.5 bilyon ay manggagaling na sa bulsa ng mga mamamayan sa tuwing daraan sila sa expressway sa pamamagitan ng pagbabayad ng toll fee sa susunod na 25-50 na taon.

Para namang ginigisa sa sariling mantika ang mga mamamayan na mapapalayas dahil kukunin umano ng gobyerno ang pangpondo sa mga proyekto sa BBB sa kita sa pagtataas ng buwis buhat ng TRAIN Law. Mula nang ipatupad ang TRAIN Law noong Enero 2018, sunod-sunod na taas presyo ng mga bilihin ang pinagdurusahan ng mga mamamayan. Ang BBB ang sinasangkalan ng gobyerno sa pagpapatupad ng TRAIN Law.

Ngayon ay nagsasagawa ang pangmasang organisasyon na pinapangunahan ng QC Urban Poor Network ng Awareness Campaign upang maipaalam sa mga maaapektuhan ang nakaambang demolisyon at kanilang mga karapatan.

 

1 COMMENT

  1. Thats been long delay! Tapos na dapat yan kung itinuloy ni pnoy ngunit sa kadahilanan alang gonawa kundi mamulitika. Ang highway na gagawin para sa mga nakatira diyan ay magdudulot sa kanila ng kawalan ng hanapbuhay at matitirhan pero itoy magbibigay naman Kaginhawaan at progresibong ekonomiya sa pangkalahatan in the long run.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here