Makapal ang kalyo sa mga palad ni Tony Panganiban, 40, nang kinamayan ko siya sa una naming pagkikita. Labing-isang taon na siyang manggagawa sa Regent Foods Corp. (RFC), pero simula noong tumungtong siya ng 16 anyos ay nagtatrabaho na siya.

Ani Tony, iba’t ibang hanapbuhay ang napasukan niya para makapagtapos sa high school ang apat niyang kapatid sa probinsya. Namasukan na siya bilang construction worker, all-around sa isang stall sa palengke, tagalako ng isda at gulay, tagagawa ng kulambo, at tagahalo ng semento.

Ngayong gradweyt na ang kanyang mga kapatid, inilalaan naman niya ang kanyang pagsasakripisyo sa kanyang asawa at mga anak. “Sa halip na umuwi ako sa Batangas, nandito ako,” aniya.

Kung pagpipiliin raw siya, mas gugustuhin niyang umuwi at maging magsasakang nagtatanim ng mais, saging, mangga, at nag-aalaga ng mga hayop sa maliit na lupa ng mga magulang niya.

“’Yun nga lang,” sambit ni Tony, “Mahirap magsaka kung mahal ang mga kagamitan at input sa bukid.”

Natalaga sa warehouse at distribution section si Tony sa RFC. Sa mga panahong ang primaryang gawain niya ay sa paglo-load ng mga produkto sa mga trak, dirediretso ang trabaho mula 5 nang gabi hanggang 3 nang madaling araw. Umaabot sa 50 trak ang kinakargahan niya at ng mga kasamahan niya sa bawat shift.

Kung nakatalaga naman sa kanya ang pagiging pahinante, isang diretsong tatlo hanggang pitong araw siyang bumibiyahe patungong Tuguegarao, Sorsogon, Masbate, Romblon, o Marinduque.

Minimum lang ang arawang kinikita ni Tony para sa mahabang oras na paggawa at mas mahaba at mapanganib na mga biyahe. Ang masaklap pa, katumbas sa sampung oras lang ang ibinabayad ng kumpanya para sa overtime.

“Nagbibingi-bingihan ang management sa pagharap ng aming mga kahilingan,” kuwento ni Tony.

Taong 2017 pa lang ay binuo na ng mga manggagawa ang Regent Foods Workers Union (RFWU) upang kolektibong maisulong ang mas maayos na kalagayan sa paggawa. Hindi ito kinilala ng RFC bagkus ay ibinuhay ulit ang pekeng unyon na itinayo ng management sa pagtatangkang maikutan ang mga pagsisikap ng RFWU sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Maghahating-gabi ng Oktubre 16, ipinutok ni Tony at ng kanyang mga kasamahan ang welga sa Gate 5 ng RFC sa Tipas, Taguig. Sa dalawa pang gate (isa rin sa Tipas at isa pa sa San Joaquin, Pasig) idineklara rin ng mahigit 300 manggagawa ang istrayk.

“Sagad na ang abusong ginagawa ng kumpanya,” ani Tony, na ibinahagi rin ang pagtatangka ng kumpanyang mag runaway shop o paglipat ng operasyon ng pagawaan sa ibang lugar na walang pahintulot mula sa mga empleyado nito. Bukod sa isyu ng mababang sahod at abuso sa paggawa dulot ng kontraktuwalisasyon, ang pagpaplano ng RFC na mag-runaway shop ang nagtulak sa mga manggagawang iputok ang welga.

Para kay Tony, ang manggagawa ang mapagpasyang puwersa sa loob ng pagawaan. “Hindi naman gumagalaw mag-isa ang mga makinang ‘yan. Hindi kinakarga ng mga produkto ang sarili nila tungo sa trak, tungo sa iba’t ibang lugar. Kung wala kami, walang kayamanan ang kumpanyang ito.”

Tinatansya ng mga manggagawa na milyun-milyon ang nawawala sa RFC sa bawat araw na tigil ang paggawa. Sa isang linggo mula nang nagsimula ang welga, nananatili ang tatag ni Tony at mga kapwa niya manggagawa.

“Naniniwala akong mananalo kami,” aniya.

Malaki ang ngiti ni Tony nang kinuhaan ko siya ng litrato sa picket line na nakataas ang kamao, na tila bang hindi napapansin ang mga kalyo sa palad, na tila bang tiyak na ang kanilang tagumpay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here