“Maaari kayong tumanggi sa bahay-bahay na drug test,” payo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) NCR sa isang pahayag para sa mga residente sa mga komunidad na maaaring magpatupad ng random drug testing ang kapulisan.

Dagdag pa ni NUPL NCR Secretary General Atty. Kristina Conti, “Hindi pwedeng gamitin ang pagtanggi [ng mga tao] para idawit sila sa mga kaso o imbestigasyon ng tokhang, lalo na kung walang ibang ebidensya. Pinakamahusay na sitwasyon kung tumanggi ang buong komunidad.”

Tumanggap ng mga ulat sa mga kliyente ng NUPL NCR mula sa Scout Tuazon, South Triangle and Brgy. Payatas sa Lungsod Quezon na nagsasagawa ang Philippine National Police (PNP) ng house-to-house survey at agarang drug testing kaugnay umano ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Ang napaulat na nagpapatupad ng survey at random drug testing ay mga opisyal at tauhan ng Quezon City Police Station 10 sa South Triangle at Station 6 sa Payatas.

Ibinahagi ng isang kliyente ng NUPL ang isinasagawang house-to-house survey at drug testing sa Payatas: Mangangatok sa bahay ang mga pulis at magpapasagot ng survey form. Ipapatawag ang mga nagsumite ng form. Papaihiin sila sa cup sa loob ng CR. Pipila ang mga naglagay ng urine sample sa cup na hawak nila sa harapan nila. Hindi pwedeng bitawan ang cup pagkaihi dahil baka umano magkapalit. Walang takip ang mga cup na may lamang ihi. Pagdating sa harap ng pila, ibababa ang cup sa table at doon isasawsaw ang stick. Hindi alam ng mga taong ineeksamen ang ihi kung paano nalalaman ang positive at negative at kung anong test ang gamit. Iginugrupo magkahiwalay ang mga nag-positive at nag-negative. Kapag nag-positive, kakausapin ng pulis at sasabihin magreport sa Barangay Anti-Drug Abuse Council para sa counseling.

Buo-buong pamilya o kabahayan ang pinasasailalim sa drug testing kasama ang mga menor de edad, at liban na lang sa mga bata at sanggol.

Labag sa karapatang pantao

“Ang “drug test” na ngayo’y isinasagawa ng kapulisan, katulad ng kanilang ginawa sa Payatas, Quezon City ay malinaw na labag sa batas at sa ating karapatang pantao. Pakakatandaan na protektado ng ating Saligang Batas ang karapatan ng bawat mamamayan sa kanilang pansariling pribasiya at maging ligtas sa kanilang mga tahanan. Tayo rin ay may karapatan na maipalagay na walang sala. Sa,” payo ng NUPL NCR.

Dahil dito, ayon sa NUPL NCR, hindi maaaring ipilit ng mga pulis na sumailalim sa “drug test” sa pamamagitan ng pagkatok sa mga pintuan. Hindi rin pwedeng pumasok sa mga tahanan ng walang pahintulot ng may-bahay, at ng walang “search warrant.”

“Anumang ebidensya na kanilang makukuha sa kanilang pagbabahay-bahay ay di maaaring magamit sa anumang kaso laban sa mga isinailalim sa random drug test,” sabi ng NUPL NCR.

Walang nakuhang kopya ng written order mula sa pulis o malinaw na direktiba na pinanggagalingan ng pagsasagawa ng house to house survey at drug testing, samantalang nakakuha naman ng kopya ng survey ang NUPL.

Nagpadala ang NUPL ng demand letter sa PNP nagsasabing agad na itigil ng kapulisan ang house-to-house survey at drug testing o anumang katulad na operasyon. Naka-address ang sulat kay PNP-NCR Police Director Oscar Albayalde at pinadalahan ng kopya si PNP Chief PDG Ronald Dela Rosa, PNP QC Chief Guillermo Eleazar, gayundin ang mga pinuno ng PNP QC Station 10 and 6, PSupts Pedro Sanchez at Lito Patay.

“Maaaring mapanagot sa mga kasong administratibo, sibil o criminal ang mga responsable sa pagsasagawa ng house to house survey at drug testing para maprotektahan ang interes at karapatan ng aming mga kliyente, pero mas importante sa ngayon na mapatigil ang ganitong praktika,” ani Atty. Conti.

Kinukumpirma pa ng NUPL NCR kung ginagawa rin ito sa Bagong Silangan sa Quezon City at sa Marikina.

 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here