Lampas 500 miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) South Metro Manila mula sa iba’t ibang maralitang komunidad sa Pasay, Taguig, Parañaque at Muntinlupa ang nagrali sa labas ng punong tanggapan ng National Housing Authority (NHA) sa Lungsod Quezon, umaga ng Agosto 29. Pinoprotesta nila ang kabi-kabilang banta ng demolisyon at pagpapalayas sa kanilang mga komunidad.


Iba’t ibang dahilan ang ipinabatid sa mga maralita kaugnay ng mga nakaambang demolisyon at pagpapalayas. Mga proyektong pangkaunlaran ang nakaambang magpalayas sa mga maralitang nakatira sa baybayin ng Lawa ng Laguna, Barangay 184, Maricaban sa Pasay at mga komunidad sa estero sa Pasay, Taguig at Muntinlupa. Private claimant naman ang nagpapalayas sa deka-dekada nang naninirahang mga maralita sa Maysapang, Ususan sa Taguig, Sitio Fatima, Kawayanan sa Parañaque, at Severina Extension, Bagumbayan sa Taguig. May mga banta naman ng pagpapalayas sa mga relocation site ng mga dati nang na-demolish tulad ng Southville 3 at National Bilibid Prison Reservation Area sa Muntinlupa.
Nagpasa ng mga position paper sa NHA ang mga organisasyon ng mamamayan at asosasyon sa pabahay. Laman ng mga ito ang pagtutol sa mga nakaambang pagpapalayas at demolisyon ng mga kabahayan.
Nakipagdayalogo naman ang ilang upisyal ng NHA sa ilang kinatawan ng mga nagprotesta.
Pagbahahagi ni Vivencia “Beng” Soriano ng Kadamay South Metro Manila tungkol sa naging dayalogo, “ipaparating pa raw sa kinauukulan at pag-uusapan pa ng NHA ang magiging tugon sa aming mga panawagan.”
Sabi rin ng NHA, magpapadala na lang ng sulat matapos na makapag-usap ang ahensya at magsasaliksik din muna sila sa mga hinapag na usapin ng mga nagrali.


Hinaing ng mga maralita sa Southville 3
Na-demolish sa tabing riles ng Muntinlupa noong 2009 ang mga nilipat sa in-city relocation sa Southville 3. Hindi pa man umaabot ng isang dekada, nanganganib silang mapalayas sa kanilang mga tahanan.
Nanindigan ang mga residente ng Southville 3 na ipabasura ang Usufruct Agreement at i-award ang lupa at pabahay ng gobyerno sa mga relocatees dito.
Tumugon umano ang upisyal ng NHA na sobra ang kahilingang ipamahagi ng libre ang pabahay at maliit lamang ang binabayaran ng mga relocatees sa Southville 3.
“Makaabot man kami ng bayad ng 30 years, hanggang 50 years man ay lumalabas wala pa rin kaming magiging katiyakan sa paninirahan,” tugon ni Soriano.
Kasalukuyang nagbabayad ng P 200 kada buwan kada unit sa relocation site. Matapos ang limang taon, magiging P 400 na ang babayaran. Tataas muli ang buwanang bayarin matapos ang limang taon.
Maraming ibang dagdag bayarin sa relocation site ang dinadaing ng mga maralita.
Nilahad ng mga residente sa dayalogo na may bayad na P20 sa permit sa pagpasok ng mga kagamitan sa mga unit ng relocatees, bago man o luma ang mga kagamitang ito.
“Patung-patong na penalty at tubo ang binabayaran ng mga maralita kapag nahuhuli sa pagbabayad o hindi nakakapagbayad,” sabi ni Soriano.
Dagdag pa niya, wala raw katahimikan ang mga residente sa tuloy-tuloy na pananakot sa kanila na mapapalayas sila kapag hindi nakakabayad.
Para kay Soriano, kulang pa nga ang pagtugon ng gobyerno sa responsibilidad nito sa mamamayan.
Ani Soriano, “bukod sa pabahay, responsibilidad ng gobyerno na lumikha ng mga trabaho. Dapat trabahong may nakabubuhay na sahod. At dapat na magbigay ng sapat at de-kalidad na serbisyong panlipunan.”
Tugon naman ng NHA sa dayalogo na ang mga usapin sa Southville 3 ang kakayanin nilang maharap agad dahil nasa pangangasiwa nga nila ang Southville 3.




























