Hindi natuloy ang demolisyon ng tinatayang 1,000 bahay sa kahabaan ng Floodway sa Barangay Sta. Lucia, Pasig noong Agosto 31. Pero nagpatupad pa rin ang mga pulis ng marahas na dispersal sa nagbarikadang mga residente, kung saan agad na nahuli ang 29 katao lampas alas-dos ng hapon.

Pagdating ng madaling-araw ng Setyembre 1, umabot na sa 41 ang hinuli ng kapulisan ng Pasig, kasama ang 10 menor de edad, bunsod ng hot pursuit na isinagawa ng mga pulis, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Metro Manila at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) Pasig.

Gabi bago ang inaasahang demolisyon, namataan na ng mga residente ang ilang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) SWAT na nakakubli sa katapat na gusali ng kubol na sentruhan ng mga nagpoprotesta at paulit-ulit na nagroronda ang mobil ng pulis sa komunidad.

Alas siete ng umaga noong Huwebes, araw ng nakatakdang demolisyon, nagsagawa ng barikadang bayan ang mga residente ng East Bank Floodway. Bandang alas-otso ng umaga naokupa na nila ang kaliwang bahagi ng East Bank Road. Dumating ang mga pulis ng umaga, kasama na rin ang trak ng bumbero.

Nagbarikada ang mga residente na maaapektuhan ng demolisyon. Kuha ni Sarah De Leon.
Nagbarikada ang mga residente na maaapektuhan ng demolisyon. Kuha ni Sarah De Leon.

Nakipag-usap sa mga nagpoprotestang residente ang mga pulis na itabi ang barikada. Ngunit kinalaunan ay may mga pulis na nakaabang malapit sa kanilang barikada at dumaan na din ang mga miyembro ng SWAT. Kaya’t nag pasya na humanay muli ang mga residente sa kanilang barikada. Hinarangan na nila ang magkabilang linya ng kalsada.

Paulit-ulit sinasabi ng kapulisan sa mga ulat sa mainstream midya na walang mangyayaring demolisyon sa araw na iyon. Pero taliwas ito sa notice na pinaskil sa komunidad na binigyan sila ng taning ng paninirahan sa lugar hanggang katapusan na lamang ng Agosto.

Hiniling naman ng mga residente na makipagdayalogo sa alkalde ng siyudad na si Roberto Eusebio para makatiyak na hindi nga isasagawa ang demolisyon. Bandang ala-una ng hapon ay isinasagawa ang Local Housing Board Committee meeting sa city hall kung saan napabalitang pinag-uusapan ang relokasyon para sa mga residente ng Floodway. Hindi naman hinarap ng alkalde ang mga residente.

Nagkaroon ng huling negosasyon ang pulis at mga nagpoprotestang residenteng miyembro ng Balikwas Kadamay, grupo na binuo sa Floodway para sa pagtatanggol sa paninirahan. Pumayag naman ang mga residente na tanggalin ang barikada, basta’t aalis din ang mga kapulisan. Ngunit hindi naman pumayag ang mga pulis at sa halip ay pinalapit na ang mga trak ng bombero at sinimulan bombahin ng tubig ang mga nagbabarikada.

Binomba ng tubig mula sa trak ng bumbero ang mga nagbarikadang residente. Kuha ni Sarah De Leon.
Binomba ng tubig mula sa trak ng bumbero ang mga nagbarikadang residente. Kuha ni Sarah De Leon.

Nakarinig ng mga putok ang mga residente kung kaya’t nagtakbuhan ang mga ito. Dito na nabuwag ng pulis ang harapan ng barikada.

Nagsimulang manghuli ang mga pulis ng sinumang maabutan nila. Inabot ng palo at suntok ang mga hinuhuling residente.

Ang sinasabing dahilan kung bakit may gagawing demolison ay dahil daw nasa danger zone ang kanilang komunidad na nasa tabi ng Ilog Pasig.  Matapos ang bagyong Ondoy noong 2009 ay pinaalis ang mga residente at dinala sa relokasyon sa Calauan, Laguna. Kasabay nito, nalaman ng mga tao na may ‘development project’ na balak itayo sa kanilang lugar at magpahanggang ngayon ay balak pa rin ng lokal na pamahalaan na ituloy ang proyekto sa Floodway. Marami sa mga na-relocate ay nagsibalikan sa Floodway dahil sa kawalang-hanapbuhay sa relocation site.

Inaasahan sana ng mga residente na sa halip na palayasin muli ay tugunan na ng lokal na pamahalaan ang kalagayan ng mga maralita at i-award na sa kanila ang kinatitirikan ng kanilang bahay.

Naniniwala ang Balikwas Kadamay na mayroong interes ang lokal na pamahalaan sa Floodway kaya sila nais paalisin sa kanilang paninirahan at maaaring dry-run pa lang sa demolisyon ang ginawang dispersal o pagpapadulas sa balak na demolisyon ang ginawang maramihang panghuhuli at hot pursuit ng kapulisan.

 

(Video ng Tudla Productions sa nangyaring protesta at dispersal)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here