Kasaysayan na ang nagpatunay na walang makakatalo sa pinagsama-samang pwersa ng mamamayan, at tila ang kasalukuyang panggigipit sa kabataan ay hinahamon na muling magkaisa ang mga kabataan.

Noong Biyernes, Agosto 16, madarama ang galit mula una hanggang ika-anim na palapag, at abot ang sigaw mapasaang sulok man ng Pamantasan ng mga iskolar ng bayan sa loob ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Kamailan lamang, nagkaroon ng sunod-sunod na protesta hinggil sa rebisyon ng student handbook, kung saan mariing kinondena ang mga mapanupil at anti-estudyante na  mga probisyon. Nakapaloob dito ang (1) pagpapataas ng GWA na kailangan maabot upang magkaroon ng Latin honors; (2) dress code at (3) ang mandatory random drug testing.

Sa pamamagitan ng pinagsama-samang pwersa ng mga estudyante ng pamantaasan, ay napabasura ang naka-ambang pagpapatupad ng dress code sa pamantasan.

Ngunit, hindi pa rito natapos ang kalbaryo ng mga estudyante.

Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng mandatory random drug testing na sinimulan noong Biyernes sa mga estudyante mula sa College of Engineering.

Nagkalat din ang mga pulis sa loob ng pamantasan na nagbigay ng takot sa mga estudyante. Ayon sa Prudente-Ramos Accord, ang mga pulis ay dapat nasa layong 50 metrong mula pamantasan.

Sa isinagawang mandatory random drug testing, bigla na lang hinahatak ang mga estudyante mula sa kanilang silid-aralan, kung sila ay isa sa mga napili ng dekano ng kanilang kolehiyo.

Ayon sa isang saksi, mayroong isang kaklase na umalma ‘pagkat hindi raw siya pinayagan ng kanyang magulang. Ang estudyanteng ito ay linapat agad ng kwarto upang i-interrogate raw ng mga pulis at tawagan ang kanyang magulang. Hindi sapat ang panahon na ibinigay nang inanunsyo ang pagsasagawa ng mandatory drug testing na kailangan maipaabot sa mga magulang ng mga estudyante.

Ang mga ganitong hakbangin ng kapulisan at ng administrasyon ay mapanganib sa mga estudyante, hindi lamang takot ang kaya nitong idulot, mas malala pa rito.

Sa araw ng pagsisimula ng mandatory random drug testing sa PUP ay kasabay ng ikalawang taon mula nang mapatay sa Oplan Tokhang ang 17-anyos na estudyanteng si Kian Loyd Delos Santos. Hindi makakalimutan ang pagpapakaawa niyang pauuwiin siya dahil may pagsusulit siya kinabukasan, ngunit walang habas siyang pinagbabaril at sinet-up ang bangkay niya ng mga nag-operasyong pulis ng Caloocan para palabasing armado at ‘nanlaban’ ito.

Libu-libo na ang mga inosenteng pinatay sa Oplan Tokhang, kasama ang higit sa 74 na menor de edad na hindi na lamang “collateral damage” o “shit happens” gaya ng tatlong taong gulang na si Myka Ulpina ngunit bilang mismong mga target gaya nina Kian, Carl, at Reynaldo. Dahil diyan, walang kumpiyansa ang mga kabataan na ang pagsasagawa ng mandatory random drug testing sa mga paaralan ay para at tutungo sa pagsolusyon ng problema sa droga sa bansa. Dinadala ng patakarang ito ang karahasan ng Oplan Tokhang sa loob ng mga pamantasan.

Kaya, upang kondenahin ang nasabing patakaran, nagkaroon ng protesta ang iba’t-ibang organisasyon sa loob ng PUP. Nagkaroon ng snake rally ang mga estudyante mula ika-anim na palapag upang hikayatin ang mga estudyanteng makiisa. Kasabay rin nito ang room-to-room discussion at pagbibigay-kaalaman sa nabanggit na isyu. Nangapangalap na rin ng pirma upang tutulan ito.

Pagkatapos umikot, tumungo ang mga estudyante sa opisina ng pangulo ng pamantasan, ngunit hindi sila hinarap nito at hindi rin tinanggap ang nakalap na pirma ng mga estudyante.

Habang umiikot ang PUP SAMASA, nagsasagawa rin ng protesta sa Pop-eye ang mga estudyante mula sa hanay ng PUP SPEAK. Nagtipon sa Pop-eye ang iba’t-ibang progresibong organisasyon, bitbit ang kanilang mga panawagan at mga nag-aalab na damdamin laban sa kahindik-hindik na pagpapatupad ng mandatory random drug testing.

Sa gitna ng programa, nagkagulo ang mga estudyante dahil sa pagdating ng dalawang van na lulan ang mga pulis. Sa gitna ng galit ng mga estudyante, tangka nilang lokohin ang mga iskolar ng bayan sa paggamit ng mga dahilan na kaya lamang may pulis sa loob ng PUP dahil may sinundo itong anak at iba pang maraming ‘di kapani-kapaniwalang dahilan.

Patuloy na magkakaisa ang mga estudyante laban sa mapanupil at represibong mandatory random drug testing. Hindi mapapagod sumigaw hanggang sa tuluyan nilang marinig ang mga hinaing at magising mula sa kanilang kahibangan. Patuloy na “manlalaban” ang mga iskolar ng bayan!

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here