Sa pangunguna ng Kadamay Malabon at ng housing association na United Peoples Democratic Organization, inilunsad sa Barangay Catmon, Malabon ang Malabon People’s Summit noong Abril 1 para magkaisang ipanawagan ang pagtutol sa demolisyon at negosyong pabahay.

Tinututulan din ng mga dumalo sa pagtitipon ang pagpapaloob ng kanilang mga komunidad sa sistemang Community Mortgage Program (CMP) ng gobyerno, na sinasabi nilang isang porma ng pagkatas ng kita mula sa mahihirap dahil pababayaran ang sukat ng lupang kinatitirikan ng kanilang mga barong-barong.

Sinabi nilang maraming karanasan ng CMP sa Malabon at karatig na mga siyudad ng Caloocan, Valenzuela at Navotas kung saan iyon na ang binigay na relokasyon o matama mang nagbayad ang mamamayan ng ilang dekada ay hindi pa rin mapupunta sa kanila ang lupang kinatitirikan ng bahay, gaya umano ng kinahaharap ng mamamayan sa Pangarap Village sa Caloocan. At kapag nagbago ang plano ng lokal o pambansang pamahalaan sa gamit ng lupa ay sila’y dinedemolis at itinatapon sa malalayong relokasyon na nakapaloob na naman sa negosyong pabahay, tulad ng nangyari sa North Bay Boulevard sa Navotas.

Binahagi pa nila na sa ilang pagkakataon, biglang nawawasak ng malalaking sunog ang mga komunidad ng maralita na may mga banta na ng demolisyon o mga sinasabing proyektong pangkaunlarang itatayo sa kanilang lugar, gaya ng nangyari sa San Roque at Sipac-Almacen sa Navotas.

Dumalo naman ang kalihim ng National Anti-Poverty Commission na si Liza Maza sa pagtitipon. Ipinaliwanag ni Maza sa pagtitipon ang mandato ng opisina ng NAPC.

“Ang Kadamay ang gusto nila ng pangmasang pabahay na libre o kung may bayad ay abot-kamay ng mahihirap. Pangalawa, no demolition without relocation. Pangatlo, huwag gipitin ang mga komunidad. Pang-apat, bigyan ng mga karampatan na serbisyo ang mga mahihirap tulad ng ilaw, tubig at kaayusan sa mga lugar kung saan andiyan ang mga mahihirap na komunidad,” ani Maza.

“Kung mayroon mang relokasyon, dapat on-site o in-city. Dahil halimbawa ang mga komunidad na iyan ay binabaha o sa mga waterways, ang mga relokasyon ay hindi dapat tinatapon sila sa impyerno. Walang tubig, ilaw, walang trabaho. Ito yung mga nilabas na kahingian ng mga komunidad ng mahihirap, kung kaya’t ito ang programang dala ng NAPC,” dagdag ni Maza.

Sinabi ni Maza na unang tutugon sa ganitong suliranin ng mamamayan ang mga lokal na pamahalaan.

“Yung patuloy pa ring pag-abot sa inyong LGU. Ang problema ay nasa inyong LGU level, kailangan makipag-usap, patuloy na makipagdayalogo kay mayor, kahit sa inyong barangay,” abiso niya.

“May karapatan tayong mag-organisa, may karapatan tayong magsalita, mag-rally, may karapatan tayong kumilos para sa pagsusulong ng ating interes bilang mahihirap,” pagpapaliwanag ni Maza.

Nitong nakaraang taon, sunod-sunod ang pagkilos ng mamamayan sa Malabon sa harap ng tangkang demolisyon o re-blocking sa lugar.

Nakaranas ng harassment sa opisina ng Kadamay Malabon at mga lider mula sa komunidad ng Catmon noong Nobyembre 2016 na iniuugnay nila sa kanilang paglaban sa demolisyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here