Walang pasada, walang kita, at hikahos sa paghahanap ng panggastos sa pang araw-araw. Pikit-matang nakikipagsapalaran ang mga jeepney drivers sa lansangan, at pilit na nilalabanan ang gutom. Marami sa kanila’y nasa kalsada hindi para mamasada, pero para humingi ng konting tulong mula sa mga nagdaraan.

Dahil sa lumalalang pagdami ng kaso ng Covid-19, nagpataw ng mga lockdown o community quarantine sa iba’t-ibang lugar ang gobyerno mula Marso 15 sa Kamaynilaan na nagdulot ng kawalang pasada ng mga jeepney drivers. Nangangamba rin sila dahil sa paparating na jeepney phaseout na ipapataw ng gobyerno.

Karamihan sa kanila ay nakaparada sa gilid ng kalsada at naglalabas ng mga panawagan na bigyan sila ng sapat na ayuda, at payagan na sila ng gobyerno na pumasada ngayong General Community Quarantine. Higit tatlong buwan na silang hindi nakakapasada. At sa bawat drayber na hindi nakakapasada, may mga pamilyang nagugutom.

Patuloy din silang umaasa na may magbibigay ng kahit na anong maliliit na tulong galing sa mga pribadong sektor at mga organisasyon.

Si Anselmo Morales, 26 na taon nang namamasada. Siya ay orihinal na nakatira sa Rodriguez, Rizal ngunit patuloy na nakikipagsapalaran sa lungsod dahil sa kawalan ng trabaho. Upang magkaroon ng panggastos para sa pamilya, siya ay namasukan bilang isang delivery guy.

Aniya, “Ginawa naman namin lahat, pinaayos at pinaganda naman namin ang mga jeep namin at nangakong susunod kami sa protocol na ipapatupad nila pero phinase out padin kami.”

Sila na mismo ang gumawa ng paraan para muling makapasada ngunit patuloy pa rin ang jeepney phaseout.

Ayon pa kay Tatay Anselmo, ilang beses na siyang lumapit sa Social Amelioration Program ng DSWD, ngunit lagi lamang sambit sa kaniya na maghintay nang maghintay. Walang kasiguraduhan kung makapapasok ba ang kaniyang anak sa darating na pasukan dahil sa kakulangan sa pera.

Si Roelio Baluyot naman, 61, at 30 taon nang namamasada. Simula 1980, siya ay isa ng jeepney driver at sa mahabang dekada ng kaniyang pagpasada, ngayon lamang niya naranasan ang ganitong kahirapan. Mayroon siyang dalawang anak, at tatlong apo na kailangang tustusan. Dahil sa kawalan ng panggastos, hindi na niya mabigyan ng panggatas ang kaniyang mga apo, at tanging am (sabaw ng bigas) na may asukal na lamang ang panghalili niya rito.

Aniya, hindi siya nakatanggap ng ayuda, at hindi rin sapat ang natanggap na relief goods mula sa gobyerno. Umaasa na lamang siya sa tulong ng mga pribadong sektor at iba pang organisasyon. Sinubukan niyang mamasukan bilang taxi driver, ngunit hindi siya pinalad na matanggap sa una niyang pinagtanungan dahil siya ay isang senior citizen. Sa pangalawang pagkakataon, natanggap siya na pumasada ng taxi, ngunit kumita lamang siya ng P60.

Ang panawagan lamang ni Tatay Roelio ay huwag ituloy ang jeepney phaseout, payagan silang pumasada, at bigyan sila ng sapat na tulong mula sa gobyerno.

Marami pang jeepney drivers ang katulad ni Tatay Anselmo, at Tatay Roelio ang nakikipagsapalaran upang magkaroon ng panggastos para sa kanilang pamilya. Dahil pa sa pangambang jeepney phaseout, patuloy silang mawawalan sila ng pangkabuhayan. Nananawagan ang Tulong Kabataan Metro Manila, Anakbayan Metro Manila, Anakbayan Litex Commonwealth at iba pang organisasyon na ibalik ang pagpasada ng mga jeepney, at huwag ituloy ang jeepney phaseout.

Noong Ika-27 ng Hulyo 2020, namahagi ang Tulong Kabataan Metro Manila, katuwang ang Anakbayan Litex Commonwealth na bahagi rin ng Anakbayan Metro Manila, sa mga jeepney drivers sa Roosevelt Avenue na pumapasada sa kahabaan ng Muñoz-Sta.Cruz-Vito Cruz.

Tuloy-tuloy pa rin naman ang pangangalap, at pagtanggap ng donasyon ng Tulong Kabataan Metro Manila upang maipamahagi sa mga taong nangangailangan. Para sa mga donasyon,  maaaring mag mensahe sa kanilang Facebook page.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here