“Mariing kinukundena ng Bahaghari ang iligal at marahas na pagbuwag sa mapayapang kilos-protestang isinagawa ng mga LGBT at mga kaalyado nito kaninang umaga sa Mendiola bilang paggunita sa ika-51 taon ng Stonewall Riots bitbit ang panawagang pagbabasura sa Anti-Terrorism Bill,” anang grupo na nag-organisa ng martsa-protesta tungong Mendiola sa Maynila.

Sa 20 inaresto, 10 ang myembro ng Bahaghari, apat na myembro ng grupo para sa karapatan ng bata na Salinlahi, tatlong myembro ng Gabriela, 1 myembro ng Gabriela Women’s Partylist at dalawang drayber.

Ani Rey Valmores Salinas, tagapagsalita ng Bahaghari, hinuli sila dahil sa paglalabas ng kanilang hinaing—isang batayang karapatang pantao at karapatang kinikilala sa Konstitusyon ng bansa.

“Nakikita ng lahat, nakikita ng media na mag-observe kami ng social distancing, biglang hinuli ang mga kasama naming doon nagkagulo. Malinaw na ito ay mapayapang programa, in-interrupt ng dose-dosenang pulis,” ani Salinas habang nasa sasakyan ng pulis.

Nang tanungin ang pulis na nakaupo katapat niya kung anong kaso o kung mayroong nilabag, ang sinagot nito ay dadalhin sa istasyon at mayroong nilabag.

Tinangka ring hulihin at isakay sa sasakyan ng pulis ang manunulat at intern ng Manila Today na si Habagat Farrales. Matapos niyang kumpirmahing estudyante siya ng UP, hinablot siya ng pulis at tinulak papunta sa sasakyan, pilit na binubuhat na isakay dito. Iginiit ng mga kasamahan sa midya na naroon na palayain si Farrales kaya ito hindi na tuluyang naaresto.

Mariing panawagan ng grupo ang pagpapalaya sa 20 na hinuli.

Giit ng Bahaghari, karapatan ng mamamayan ang magprotesta, gayundin ay paso na noong Lunes ang Bayanihan Act to Heal as One (Bayanihan Act o RA 11469), o ang batas na nagbigay ng tatlong buwang dagdag kapangyarihan ng pangulo. Ginamit ito at iba pang batas noong panahon ng lockdown na batayan sa pag-aresto sa paglabag sa social distancing, mass gathering o quarantine, kung saan umabot sa 180,000 ang hinuli. Ngunit dati nang iginiit ng mga grupo ng abogado na walang pag-aresto o pagkulong na nakasaad sa Bayanihan Act at Mandatory Reporting of Notifiable Diseases o ang RA 11332.

Dinala ang mga inaresto sa Manila Police District (MPD). Ani MPD Chief Police Brig. Gen. Rolly Miranda, walang permit ang rally at paglabag daw sa umiiral na general community quarantine.

Illegal assembly o paglabag sa Batas Pambansa 880 at paglabag sa RA 11332 ang maaaring ikaso sa mga inaresto ayon sa MPD Public Information Office.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here