Ang pagkamulat daw sa lipunan ay matutunghayan pagdating mo sa totoong pakikipagsapalaran sa buhay. Karamihan yun ang karanasan. Subalit sa isang tulad kong mag-aaral, una kong natutunan ng lubos ang realidad ng lipunan sa Politeknikong unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa aking Propesor na si Arlan Camba.

Minulat niya ako sa totoong kalagayan ng lipunan. Hinikayat niya ang isang tulad ko na gamitin ang aking kakayahan para sa paglilingkod sa bayan.

Unang taon ko sa kolehiyo naging propesor ko si Sir Camba sa Retorika (Masining na Pagpapahayag). Hindi siya tipikal na guro na maraming dala-dala sa klase ‘pag magtuturo. Ang tanging dala niya lamang ay isang whiteboard marker, ang kanyang sarili, paninindigan, paniniwala, at adbokasiya.

Mahusay siyang magturo hindi lamang sa mismong asignatura, pero maalam din siya sa kalagayan ng lipunan. Binuksan niya ang aking isipan at ng marami pang mag-aaral sa pag-aambag para sa tunay na pagbabago.

Si Sir Camba sa loob ng PUP. Larawan mula kay Marhiel Garrote.
Si Sir Camba sa loob ng PUP. Larawan mula kay Marhiel Garrote.

Hindi ko malilimutan ang huling SONA ni Noynoy noong 2014. Inimbita kami ni Sir na dumalo sa pagkilos upang obserbahan at makinig sa mamamayang magpoprotesta sa araw na iyon. Hindi niya pinilit ang klase. Sa pagkakataong iyon, hindi na ako nagdalawang isip na makiisa. Ang iba kong kaklase ay takot kaya bandang huli ay apat lang kaming dumalo at nakiisa sa tinaguriang SONA ng Mamamayan. Narinig ko ang hinagpis ng masa. Ang mga ama’t inang nakikibaka para sa kanilang pamilya. Mga anak na nakikibaka para sa kinabukasan. Hindi man alam ni Sir Camba subalit sa pag-imbita niya sa akin sa SONA ay tumagos sa buong sensibilidad ko ang bawat hinagpis, poot, at galit ng sambayanang matagal ng nasasadlak sa dusa.

Matapos ang isang linggo, nagklase muli sa amin si Sir Camba. Hindi ko malilimutan ang lungkot sa kanyang mga mata nang malamang hindi dumalo ang kalakhan sa amin sa rally. Subalit hinding-hindi ko makakalimutan ang kanyang sinabi ng araw na iyon.

“Ang pinakamadilim na bahagi ng impyerno ay nakalaan para sa mga walang pinapanigan.”

“Walang neutral. May magagawa ka pero hindi mo ginawa.”

Ang bawat linya na iyon ang tumagos sa aking puso’t isipan. Pagkaraan ng klase nagdesisyon na akong sumapi sa isang organisasyon ng manunulat.

“Hindi sapat na mag-aral ka lamang sa paaralan. Mas matutunghayan mo ang aral ng buhay sa labas. Sa mga nakakaranas.”

“Hindi tiket ang diploma para sa tagumpay. Walang kasigurahan ang maalwan na buhay sa lipunang kinokontrol ng iilan.”

Kaya ngayong araw ng mga guro, isang taas kamaong pagpupugay para kay Propesor Arlan Camba isang dakilang guro ng bayan. Isang gurong mapagpalaya at makabayan. Isa kang inspirasyon sa marami. Ang pagmumulat mo sa maraming mag-aaral sa tunay na kalagayan ng lipunan ay isang adhikain na walang kapantay. Patotoo ka na ang guro ay hindi lamang nagtuturo ng mga lessons o syllabus subalit tinuturuan rin niya ang kanyang mga mag-aaral para manindigan at lalong mas mahalin ang kapwa, ang iba, ang bayan.

Maligayang araw ng mga guro sa mga guro ng bayan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here