“Tatlong araw kaming naghanap ng mga ospital para sa dialysis niya, pero lahat kami tinanggihan.”

Ito ang daing ni Joanna Sia ng People’s Care dahil sa sinapit ng kanyang ina na si Mary Ann na dating outpatient ng Philippine General Hospital (PGH).

Kwento ni Joanna, pumunta ang kanyang pamilya sa PGH noong Marso 5 para sa dialysis ng kanyang ina. Sa loob ng tatlong araw mula ng kanilang pagpunta sa PGH, sa wheelchair lamang nakaupo at natulog ang kaniyang ina dahil sa matinding kawalan ng sapat na pasilidad at mga kagamitan sa ospital. Pagkatapos ng iba’t ibang mga laboratory tests, saka pa lang nabigyan ng kama ang kaniyang ina at napa-dialysis.

Pagkaraan ng ilang araw, pinayuhan ng doktor ang kaniyang pamilya na kinakailangan ni Mary Ann magpa-dialysis kada linggo. Na-discharge agad ang kaniyang ina mula sa PGH noong March 11.

Dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, isa sa mga estratehiya ng Department of Health (DOH) at mga direktor ng ilang ospital sa tangkang pagpapatigil ng paglaganap pa lalo ng virus ay ang pagtatalaga ng mga ospital na tututok sa pagsasawa ng tests at pagpapagamot sa mga bagong kaso ng COVID-19. Ayon sa DOH, kung ipagpapatuloy ang pagtanggap ng ospital ng mga COVID-19 at non-COVID-19 patients tulad ng buntis o may cancer, may pagkakataong makokompromiso ang oras ng mga frontline healthcare workers sa pag-aasikaso at paggamot sa parehong mga pasyente.

Simula ngayong linggo, magiging COVID-19 referral hospitals na ang Lung Center of the Philippines sa Quezon City, Dr. Jose M. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan, at ang PGH sa Maynila na pinapangasiwaan ng University of the Philippines Manila. Ibig sabihin, mag-uukol ng malaking pansin ang mga nasabing ospital ang paggamot sa mga COVID-19 patients at iiwas muna sa pagtanggap ng non-COVID 19 na mga pasyente at outpatients tulad ni Mary Ann na isang dialysis patient.

Sa gitna ng problema sa kalusugan ng ina ni Joanna, ang kanya namang asawa na si Banjo Cordero ng BAYAN Quezon City at ang grupo niyang People’s Care ay regular na namamahagi ng relief goods sa mga maralitang pamilya sa Quezon City. Lingguhan ang kanilang ginagawang pamamahagi ng nasa 200 relief packs. Namamahagi rin sila ng hanggang 250 lutong pagkain kada Lunes, Miyerkula at Biyernes sa mga mamamayang walang tirahan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at iba pang mayor na kalsada sa syudad. Namahagi rin sila ng mga nakalap na donasyong tinapay sa mga frontliner sa mga ospital sa Quezon City.

Nang kinailangan na ulit ni Mary Ann magpa-dialysis, humingi ng tulong ang pamilya ni Joanna sa kanilang barangay upang makahiram ng isang ambulansya na magdadala sa kanila sa PGH. Ngunit pagdating nila rito ay tumanggi na ang PGH na i-admit pa si Mary Ann para sa kaniyang dialysis at ni-refer na lamang sila sa Quezon City General Hospital na tinanggihan din sila. Dumiretso sila sa National Kidney and Transplant Institute, ngunit nabigo lamang sila dahil hindi nakaabot ang pamilya niya sa polisiya ng ospital na 100 na pasyente lamang ang tatanggapin nito.

Kahit buong araw na raw sila nasa labas para lang maghanap, sinubukan pa rin nila Joanna pumunta sa iba pang ospital tulad ng East Avenue Medical Center at Providence Hospital pero maging ang mga ito ay tinanggihan sila.

Pagkatapos ng tatlong magkakasunod na araw na walang ospital ang nagnais na tanggapin si Mary Ann para sa dialysis niya, umuwi na lamang ang pamilya ni Joanna dahil na rin sa pagod.

Sa kasamaang palad, hindi na rin kinaya ni Mary Ann ang ilang araw na hindi siya napa-dialysis. Noong Marso 29 ng hatinggabi, binawian siya ng buhay habang hirap na hirap ang kaniyang pamilya na mag-isip kung saan pang ospital ang papayag na tumanggap sa kaniya para sa kaniyang dialysis.

Ayon din kay Joanna, humingi na lamang sila ng tulong sa barangay para makahanap agad ng punerarya. Noong Lunes ng gabi nagsimula ang burol ng kaniyang ina at tatagal daw ito hanggang Biyernes. Dahil sa patuloy na Enhanced Community Quarantine, ang kanilang pamilya at kaunting mga kamag-anak lamang ang nakapunta sa burol.

Hirap din ang pamilya ni Joanna sa pang-araw-araw na gastusin sa bahay pati na rin sa iba pang kailangan sa burol ng kaniyang ina tulad ng mga bulaklak at kaunting pakain sa mga bisita dahil simula ng pinatupad ang lockdown sa buong Luzon, nag-”work from home” na lamang si Joanna at ang kanyang asawa.

Ang nangyari sa ina ni Joanna na si Mary Ann ay isa lamang sa maraming katulad na kwento sa kasalukuyan.

Malungkot at mapait na sinapit ng mga may karamdaman na hindi kayang kasabay na mapangalagaan sa hinaharap ng bansa na paglaganap ng COVID-19 ang lalong paglala ng kanilang sakit o ‘di kaya’y kamatayan.

Ang ganitong sitwasyon ang lalo lang nagpapakita sa hindi kahandaan at malaking kakulangan ng sistemang pangkalusugan ng bansa sa gitna ng pandemya. Marami na ring katulad na kaso noon, pero lalo pang matingkad sa kasalukuyan kung saan, hindi maiwasan, hindi man sadya, napipili ng mga ospital kung sino ang isasalba at isasantabi.

Pero kung sa pambansang pamahalaan, sila ang dapat na magtiyak na walang buhay ang maisantabi.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here