juanthologies
graphics by Max B. Santiago

Kilala sa kanyang lantad na kabubdan ang UP Oblation. Matikas na nakatindig, nakadipa ang mga braso, at bukas ang mga pala–tila laging handang ialay ang sarili. Sintigas (at singseksi) ng rebultong ito ang abs ng mga kalalakihan at kababaihang rumampa sa katatapos lamang na “The Naked Truth” fashion show.

Gaya ng Oblation, lantad din ang katawan ng mga babae at lalaking modelong nagpasikat sa “The Naked Truth.” Makukulay at maninipis na panloob lamang ang suot nila. Tila ulam para sa mga mga matang gutom sa laman ang kanilang inihain. Matapos ang palabas, sunud-sunod na batikos ang ipinukol sa mga nag-organisa nito. Kinuwestyon ng marami kung ano ba ang tunay nitong layunin.

Bago ang batikos, pinagpyestahan na sa internet ang sandamakmak na topless 6-pack ng mga kilalang artista’t atleta, nagseseksihang pigura ng mga babae at lalaking celebrity. At siyempre, sino ba naman ang makakalimot sa agaw-eksenang pwet ni Jake Cuenca at waxed toot-toot ni Tom Rodriguez?

Bukod sa mga inirampang underwear at denim, bukod pa pa sa pinagpyestahang kahubdan, mabentang paksa sa maraming umpukan ang pangkalahatang tema ng naturang fashion show.

Sa katunayan, ilang araw bago pa man magsimula ang fashion show ay usap-usapan na ang mga naglipanang billboard sa EDSA, naglalaman ng mga black and white na larawan ng mga cuts na pinaghirapang ma-achieve ng mga modelo sa pamamagitan ng paspasang penitensya sa gym. Sinumang mapadaan sa EDSA ay tiyak na mapapalingon at masasabing “Wow, Art! Pare, sexy! OMG… laglag-panty!”

Maging sa newsfeed ng popular na social networking site ay tumatabo ng atensyon ang mga mala-Adonis na pigura ng mga modelo ng Bench. Talaga bang interesado ang mga netizen sa mga larawang lumalabas sa kanilang newsfeed at mga billboard na bumabati sa kanila sa tuwing bibyahe sila sa EDSA? O mayroon ba talaga tayong choice?

Imaginin natin: paano kaya kung ganito kalaki ang atensyong ibinibigay sa mga artista ng bayan at sa mga sining na kanilang nililikha, (kung ganitong atensyon kaya ang naibigay kay Lav Diaz, halimbawa, na siyang nag-uwi ng pinakamataas na parangal sa paggawa ng pelikula, ang Golden Leopard sa 67th Locarno International Film Festival)? O paano kaya kung mga makabuluhang kultural na pagtatanghal (tulad ng MAL ni Vlad Gonzales, o Kleptomaniacs ni Layeta Bucoy, o kaya’y ‘yung mga teatrong bayan ng mga aktibista) ang palaganapin ng mainstream media sa halip na mga dekadenteng pagtatanghal tulad ng sa Bench?

Kung gaano katiting ang badyet at atensyong ibinibigay sa mga makabulugang larangang pansining, ganoon naman kalaki ang natatanggap at napapakinabangan ng pribadong proyektong pangkalakal kagaya ng “The Naked Truth.” Ano bang klase ng katotohanan ito? O mas tiyak, anong tipo ng katotohanan ang gustong ipangalandakan ng Bench?

Makabuluhan ba ang take-off ng fashion show? Sa wakas, masasabi na ba nating kahit-paano ay may tangkang magmulat sa katotohanan ang fashion show ng Bench?

Isa sa mga inulan ng batikos ang larawan ni Coco Martin na balot na balot at pormal ang postura, habang hila-hilang parang aso ang modelong babae na nakasaplot naman nang manipis. Lalaki akong nakaramdam ng harrassment habang pinanonood ito.

Sa ganitong lagay, malinaw na pinapanatili pa rin ang kaisipang pyudal-patriyarkal na angat ang lalaki sa lipunan. (Angas mo tsong!) Na ang babae ay mahina at nakatali pa rin sa (sosyo-ekonomik na) kapangyarihan ng lalaki. Tila larawan ng bidang babae sa isang porn movie ang postura ng babaeng modelo sa fashion show ng Bench. At gaya rin sa porn, bagamat fabulous ang hitsura, alipin pa rin ang turing sa kanya–tulad ng maraming babaeng dumaranas ng iba’t ibang porma ng kaapihan sa lipunang malakolonyal-malapyudal.

Objectified rin at feminisado ang katawan ng mga kalalakihan sa fashion show ng Bench, at hindi ito nangangahulugan ng pagbaliktad sa pyudal-patriyarkal na kaayusan/kaisipan sa lipunan. Kung tutuusin, labas pa sa pagganti ng kababaihan ang kailangan, kundi pantay na pagtingin sa larangang pangkultura at patas na pagbibigay ng mga batayang ekonomikong pangangailangan at oportunidad. Hindi ‘yung tipong pagkakaitan ka ng trabaho o mataas na sahod dahil lang babae ka.

Nagsilbi sana ang “The Naked Truth” bilang tagapagpamandila ng katotohanang may mali sa lipunan, at nakapaghayag ng alternatiba para mabago ang baluktot na gawi at kaisipan. (Wow, taas ng pangarap!) Hard to believe? Malamang sa ngayon, oo. Pero posible bang naging mas makabuluhan ang tema? Pwedeng-pwede!

Magandang hakbang sigurong maituturing ang pagrampa ni Geena Rocero, isang advocate ng transgender rights. Pero gaya nina Coco Martin, Solen Heussaf at ng iba pang mga artista at modelog rumampa, objectified rin ang peg ng Bench para kay Geena. At batid pa rin sa palabas ang tila di-pagtanggap sa homosexual na turingan ng mga lalaki. Halimbawa, posible naman talagang maghalikan ang Tom-Den, di ba? Pero alang-alang sa neoliberal na konserbatismo pinaiiral sa ating lipunan, hindi ito pinahintulutan. Samantala, pinayagang maghalikan ang mga babaeng modelo–tulad uli ng karaniwang nangyayari sa mga eksenang itinatanghal sa pornograpiya.

Masasabi nating nagpakita nga siguro ng “katotohanan” ang palabas na “The Naked Truth.” Kaso, pinili ng palabas na ipakita ang di pagkapantay-pantay. Ang katotohanan na nangingibabaw pa rin ang kalalakihan sa lipunan at isang negosyo ang pagbabalandra ng katawan sa publiko. Pero ang higit na dapat batikusin ay ang pagtapon sa pagkakataong ipakita, sa pamamagitan ng isang engrandeng produksyon, na maaaring baguhin ang mga di-patas na katotohanan sa lipunan.

Nakakaawa rin ang mga artistang binabatikos kung tutuusin. Dignidad nila, o ang kawalan nito, ang pinagpyepyestahan sa halip na ang sistemang pampolitika at pang-ekonomyang kinapapalooban nila ang sisihin at usisain. Sa huli, mga manggagawa lang rin ang mga artista’t modelo na nakapaloob sa spektakulo at negosyo ng entertainment media; ang ikinaiba lang, inuulan sila ng mas maraming pasahod kumpara sa iba pang kontraktwal na manggagawa kagaya ng mga factory at construction worker.

[quote_center]Kung tutuusin, sa realidad ng masang Pilipino, hindi kulay ng underwear ang dahilan kung bakit kumakayod sila araw-araw, sa halip, naghahanap-buhay sila para mabigyang-kulay ang kanilang mundo. Ito ang “naked truth” para sa maraming Pilipino: na kung hindi sila magtratrabaho nang doble, walang makakakain ang kanilang pamilya.[/quote_center]

Kung tutuusin, sa realidad ng masang Pilipino, hindi kulay ng underwear ang dahilan kung bakit kumakayod sila araw-araw, sa halip, naghahanap-buhay sila para mabigyang-kulay ang kanilang mundo. Ito ang “naked truth” para sa maraming Pilipino: na kung hindi sila magtratrabaho nang doble, walang makakakain ang kanilang pamilya.

Mga kababayan, last time na may sikat na hubad akong natatandaan, kay Oblation ko pa ‘to nakita, pero balita ko, simbolo daw ito ng pag-aalay ng sarili sa bayan at pagtuligsa sa pambubusal, sa ekspresyon ng malayang kaisipan na maaaring makapagpabago ng lipunan.

Totoo nga bang nagbago na ang panahon? Mukhang mas relevant na yata ngayon ang design ng briefs mo brad. Makapaghubad na nga lang rin, nag-iinit na rin kasi ang dugo ko.

 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here