Nagsagawa ng victory picket ang mga manggagawa ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) Department of Labor and Employment (DOLE) National Capital Region at iginiit ang agarang paglalabas ng Motion for Execution matapos ang tagumpay sa pinal at paborableng desisyon ng Korte Suprema nang i-deny ang Motion for Reconsideration ng management ng HCPTI.

Natanggap ng Unyon ng mga Manggagawa sa Harbour Centre (UMHC), grupo ng mga manggagawang kontrakwal at nagsampa ng reklamo, ang desisyon ng mataas na korte na sinasabing wala nang sapat na dahilan o ‘substantial argument’ ang HCPTI laban sa mga manggagawa nitong ika-28 ng Hunyo taong kasalukuyan.

Matatandaang umapela at naghain ng sinasabing Motion for Reconsideration at Temporary Restraining Order ang management ng kumpanya na pagmamay-ari ni Reghis Romero II sa Court of Appeals na kinatigan ang naging desisyon ng DOLE noong ika-30 ng Agosto 2017 kaya umakyat pa ito sa korte suprema.

Aabot sa 4,000 ang mga manggagawang kontraktwal sa HCPTI nang iligal na tanggalin ang higit 300 manggagawa noong ika-6 ng Enero 2020.

Patunay ang tanggalan na hindi sumunod ang HCPTI sa kabila ng naging desisyon ng DOLE noong ika-30 ng Agosto 2017 na sila ay gawing regular kasabay ng pagbibigay ng kanilang karampatang money claims.

Matatandaang napatunayan din ng DOLE na sangkot at dapat managot ang management sa paggamit ng hindi rehistradong manpower agency na Grasials Corporations kung saan nakapailalim ang mga manggagawa.

Higit apat na taon inabot itong pinakahuling ligal na pakikibaka ng mga manggagawa laban sa malawakang kontraktwalisasyon, masahol na kondisyon sa pagawaan, at pananakot na dinanas nila mula sa management ng HCPTI. Ngunit pinasan na nila ang ganitong kalagayan sa loob ng aabot sa 30 taon.

“Apat na taon naming tiniis sa legal na pamamaraan at kami ay nanalo. Hindi na ginalang ni Reghis Romero ang mga desisyon ng DOLE, Court of Appeals, at ngayo’y Supreme Court na hanggang ngayon ay hindi namin makamit ang hustisya kung sa kabila ng lahat ng pagkapanalo naming mga manggagawa sa lahat ng proseso,” ani Francisco Manaog, tagapangulo ng UMHC.

Dagdag ni Manaog na sinasabing mayroon pang iaapela ang HCPTI noong magharap ang mga legal counsel ng manggagawa at ng management ni Romero.

Pahirap sa manggagawa

“Wala pa ang mga lockdown noong tinanggal kami at sa ngayon ay mahirap na talaga ang sitwasyon namin,” pagbabahagi ni Dovelle Ragay, manggagawang estibador ng HCPTI.

Taong 2000 pa nang magtrabaho si Ragay sa HCPTI. Dagdag pa niya, nitong pumasok ang pandemyang COVID-19 ay naging mahirap ang kanyang paghahanap ng bagong tranaho at tanging sa pagtatalop nalang ng bawang ang nagsilbing raket o sideline niya para sa pantustos ng pang-araw-araw nilang pamilya.

“Wala na akong mapakain sa mag-ina ko. Kinakapalan ko nalang ang mukha ko sa paghingi ng tulong sa magulang ko. Doble-doble ang hirap na nararanasan namin na tinanggalan na nga ng trabaho na sabayan pa ng mga lockdown,” ani Ragay.

Bagaman nakatanggap ng ayuda ang pamilya ni Ragay ay giit niyang hindi ito nakasasapat o makabubuhay. Halagang P500 ang binabadyet sa pang-araw-araw ng pamilya, labas pa rito ang bayad sa kuryente at tubig maging ang pangangailangan sa online learning ng kanyang 10 taong gulang na anak nasa ikalimang baitang.

“Para sa pamilya ko, sa mag-ina ko ang kaya ako nagpapatuloy pakikipaglaban. Sana Reghis Romero, gawin ninyo na kaming regular sa mahigit sampung taon na naming pagttrabaho. Mayroon nang desisyon ang korte. Nagkamali ang kumpanya, kaya’t magpapatuloy kami sa paglaban at pakikibaka para sa hangad naming regularisasyon at karapatan sa trabaho,” saad ni Ragay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here