Dumalo ang iba’t-ibang sektor sa ginanap na martsa mula Commission of Human Rights (CHR) hanggang sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, Quezon City upang gunitain ang ika-50 anibersaryo ng pagpapatupad sa malagim na batas militar na idineklara noong Setyembre 21, 1972 ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Sa protesta, iba’t-ibang mga likhang sining at mga litrato ng mukha ng mga bayaning martir na siyang nagbuwis ng buhay at lumaban sa batas militar ang bitbit ng mga lumahok sa martsa. Kasama rito ang mga kabataan, manggagawa, taong simbahan, artista, health workers at ang mga naging biktima ng batas militar.

Ayon sa mga sektor kailangan alalahanin at alamin ang Martial Law upang hindi na muling maulit ang pang aabuso sa karapatang pantao na nangyari noon, tumindig at lumaban sa kabila ng patuloy na pagwarak at pagbabago sa mga dokumento at iba pa na nagpapahayag ng katotohanan.

“Kami bilang mga artista ay mayroong integral na parte lalo’t ang nakaupo ngayon ay Marcos ulit na nasa kanila ang lahat ng kapangyarihan para baloktutin yung kasaysayan at ‘yun yung integral na parte ng mga artista na isiwalat yung katotohanan sa pamamagitan ng Sining kasi yun ang mas abot ng masa, katunayan na hindi totoo yung Golden Age na ang Martial Law maraming pinaslang noong panahon na ‘yun.” ayon kay Levi Lazarte miyembro ng Sining Laya.

Marcos, Tuta, Diktador, Pasista

Ang iba’t ibang organisasyon ay dumalo hindi para ipagdiwang ang Martial Law nang maganda kundi para makiisa sa  pag-alala sa naging mapait na yugto ng kasaysayan kasama ang mga bayani na matapang na nakipaglaban sa diktaturang Marcos Sr.

Ang kanilang pakikilahok ay paraan para supilin ang pagbabaliktad ng bagong administrasyon sa kasaysayan at ituloy ang pagpapahayag sa tunay na nangyari noong Martial Law.

“Dapat nating alalahanin itong Martial Law kasi laganap ngayon ang history distortion ‘yung pagbaluktot sa kasaysayan. Lalong lalo na sa mga kabataan ngayon na laging nanonood ng mga youtube kung saan doon pinapalaganap ang fake news.” saad ni  Ophelia Tabacon miyembro ng Alliance of Concerned Teachers.

Marapat lang na ang kasaysayan ay dapat malaman ng masa lalo na ang mga kabataan dahil ito ay alay para sa mga bayani, kasama at mga rebolusyonaryong nakiisa sa paglaban sa Martial Law na nagpahirap sa sambayanang pilipino. Ang madilim na yugto ng Pilipinas ay nagpapatunay na hindi puro kasaganahan at kaginhawaan ang umiiral noon at nakikita na na uulit ulit ito sa bagong administrasyon.

Sa pagtatapos ng programa, ipinaalala ni Renato Reyes Jr., Secretary-General ng Bagong Alyansang Makabayan, ang paglalarawan sa pagkatao ni Marcos Sr. na sa ilang dekadang taon na ring ginagamit ng mga progresibong grupo na siya ang tunay na ‘tuta’, ‘diktador’, at ‘pasista’.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here