Bahagi ng kaugalian at kulturang Pilipino ang konsepto ng hiya. Minsan ay nagiging kasangkapan ang pagpapahiya upang matuto sa mga pangyayari. Sa panahon ni Pangulong Duterte, nagiging kasangkapan ang pagpapahiya upang diumano’y madisiplina at ipakita na pangil ng administrasyon.

 

Ang Kawalang(Hiya) ng Pamahalaan:

“Ako po’y nagagalak na hindi tayo 100% nawalan ng trabaho kasi sa tagal po na naka-lockdown tayo, I’m still surprised at our resilience, at 45% pa lang po ang nawawalan ng trabaho. It could have been worse kasi nga po complete lockdown ang nangyari sa atin.”

  • Pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Agosto 17, 2020

“Naku, sa ikalawang beses lang po ‘no mukhang hindi po nagkaroon ng katuparan ang naging forecast ng UP-OCTA research team, ito po ay dahil sabi nila sa buwan ng Agosto ay magkakaroon tayo ng 250,000 cases ng COVID. Hindi po natin naabot ang 250,000 – 220,000 po ang naging kaso ng COVID, more or less.”

  • Pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Setyembre 1, 2020

Malinaw sa pahayag kung sino ang dapat mahiya. Hindi lamang dapat tingnan na isang numero o porsiyento ang nawalan ng trabaho. Higit pa sa pagkawala ng trabaho ang epekto nito sa nawalan. Maraming buhay ang umaasa sa mga nawalan ng trabaho at posibleng unti-unti na ring nasisira ang pinapangarap na pamumuhay. Malinaw na ang gobyerno ang dapat mahiya sa patuloy na paglobo sa bilang ng mga nawawalan ng trabaho, dahil obligasyon ng mga lider ang seguridad sa hanapbuhay, lalo’t ipinangakong napako ang pawawakas ng kontraktwalisasyon o endo ng pamahalaang ito.

Hindi tagumpay na 220,000 lamang ang kaso at hindi 250,000, lalupa’t umabot na sa 258,416 noong Agosto 30 ang nagpositibo sa COVID-19 habang 224,264 pa lamang ang nakumpirma ng Department of Health. Libu-libo na ang kaso araw araw, na dati’y bilang lamang ng kabuuang kaso. Sinasabing dahil daw ito sa pinalawak na testing ng gobyerno, samantalang wala pa nga ring mass testing at nahuli na’t kumalat na ang sakit sa buong bansa bago pa nito maisip na gawin ang malawakang testing.

Sa kabila ng pagpapaikot sa interpretasyon sa mga datos at sa mga bilang, napakaraming pangyayari ng pagpapahiya o pamamahiya ang ating naranasan at nasaksihan sa pamahalaang Duterte.

Nariyan ang mga mamamahayag na harap-harapang pinapahiya sa matatalas at bastos na pananalita ng pangulo. Ang pagpapahiya sa mga hiling ng mga health workers. Pagbibigay pokus sa pagtira at pagpapahiya sa pangalan ng senador sa gitna ng state of the nation address sa halip na ilatag ang plano at kasalukuyang kalagayan ng bansa. Pagpapahiya at pagbabanta sa mga lokal na lider na mas nagpapakita ng kahusayan sa pagresponde sa krisis pangkalusugan. Pananakot at pamamahiya sa mga negosyante na diumano’y kabilang sa mga oligarkiya ng bansa na mas nagpapahirap sa ekonomiya.

Hindi rin pinalampas ng administrasyon noon ang hangaring ipahiya ang isang babaeng senador na diumano’y may mga litrato at bidyo ng sexual activity. Ilan lamang ito sa kuwento ng pagpapahiya sa indibidwal at grupong nagiging banta o tumataliwas sa sistemang baluktot.

Sa kabilang banda, pagmumura at panghihiya lang ang nagagawa ni Duterte habang ‘di man lang makapagturo o makapagpangalan ng maysala sa malalang korapsyon sa PhilHealth, kahit pa sinabi nitong “whiff” o “whisper” lang ng korapsyon ay tatanggalin niya ang mga sangkot na opisyal. Nahayaan na maluwat na nakapagbitiw sa pwesto ang mga punong opisyal ng ahensya, na may pagsasabi pang hindi sila umaalis sa pwesto dahil sa eskandalo at imbestigasyon, kundi dahil sa mga personal na dahilan at mga matagal nang sakit. Ngayon pa kayo nahiya?!

 

Bakit Ako Mahihiya?

Walang hiya-hiya sa panahong nakalimutan tayo ng pamahalaan.

Walang piniling trabaho ang pandemya. Pinahinto nito ang mga drayber ng pampublikong sasakyan. Wala silang ibang naging rekurso kundi ang mamalimos. Ang dating hari sa kalsada ay nagbabalik sa kalsada hindi para pumasada, kundi para manghingi ng tulong. Pero iyong gobyerno na nagdulot ng kawalang kabuhayan at pagkawala ng kita na sinasabing umaabot sa P26,000 kada buwan sa loob ng limang buwan ay hindi na nahiya na hindi sila isinama sa ayuda, wala pang naibibigay at ngayon pa lamang naisip na magbigay. Halos kalahating taon na ang nakalipas at hindi man lang napansin ng mga nakaupo ang daing ng maraming kumakalam na sikmura ng mga drayber at pamilya nila, kasi makapal ang apog na naghihiwalay sa masa sa mga pinuno ng bansang ito.

Malaki ang paniniwala natin na basta’t marangal na trabaho ay papasukin ng isang nagigipit. Isang katangian ng mga Pilipinong, uunahin ang maging marangal kumpara sa pagkapit sa patalim para lamang mabuhay. Hindi natin maitatangging masipag ang mga Pilipino at hindi inutil. Malinaw para sa atin na gusto nating mabuhay at maipagpatuloy ang buhay sa gitna ng krisis. Pilit tayong tumatayo nang marangal habang patuloy tayong hinuhubaran ng dangal ng gobyernong pabaya.

 

Hiya Bilang Pagpapatibay ng Sarili

Naging kasangkapan ang hiya upang maging responsable sa mga gawain, tinuruan tayo ng pandemya na huwag ikahiya ang mga bagay na makaluluwag sa ating sitwasyon, dahil mas kahiya-hiya ang piliing hindi lumaban sa gitna ng kawalang plano.

Noong mga bata pa tayo, madaling palagpasin ang pagkapahiya. Mayroon sa ating mabilis makalimot sa kahihiyan, at kung titingnan mas madaling tanggapin na mapahiya sa mga panahon iyon. Ngunit habang tayo ay nagkakaedad, malaking usapin ang hiya. Tila kabuuan ng pagkatao natin ang nagugunaw, kahit simpleng bagay lamang ang naglagay sa atin sa kahihiyan.

Ngunit pinatibay nga ba ng hiya ang ating sarili lalo na sa panahon ng pandemya?

Nilayo tayo ng hiya sa ating mga sarili, kumapal lalo ang ating mukha maitawid lang ang kumakalam na sikmura at iba pang pangangailangan.

Pinatahimik ang mga entertainers sa telebisyon, tanghalan at club. Pinababa mula sa himpapawid ang mga flight attendants at piloto. Walang patong-patong na hugasan sa mga kainan. Nahinto ang matatayog na gusali at imprastraktura. At iba pang hanapbuhay na tuluyang pinadapa ng pandemya.

Nasaan na sila?

Ano naman kung nagluluto at naglalako ng lomi at pares ang isang flight attendant sa kalsada. Ano naman kung nag-online selling ng pagkain at gamit pampaganda ang isang entertainer. Ano naman kung service driver na ang dating may driver na artista. Ano naman kung labandera na ang dating takot sa tubig na kusinera o tagaluto. Ano naman sa iyo kung ganito at nandito na sila?

Nakahihiya man mula sa pagtingin ng iba, pikit mata itong hinaharap ng lahat ng mga manggagawang nakaapektuhan. Dahil ang kapalit naman nito ang pagnanais na may maiuuwi sa hapag.

Hinubaran tayo ng pamahalaang ito, nilayo tayo sa nakasanayang espasyo. Nag-iba ang daloy ng ating pamumuhay. Tinanggalan tayo ng tiwala sa ating mga sarili dahil sabi nila may plano sila, kailangan lamang sumunod at magtiwala. At sa panahong ito na walang katiyakan ang lahat– hindi na natin alam kung kailan muling hahawak ng manibela at maghahari sa kalsada ang ating mga drayber. Kailan kaya muling ngingiti at iingay ang mga manggagawa sa hapag. Kailan kaya muling madadampian at mabibihisan ng kolorete ang ating mga sarili.  Sa ngayon, patibayan muna tayo!

Pinatibay ng hiya ang loob at labas ng ating pagkatao.

Hindi masamang mapahiya o magsabi ng totoo may mapahiya man, basta’t may natututunan at nasa kaibuturan ay kabutihan ng iba ang layon. Masamang mamahiya kung alam mong sa sarili mo, na kulang ka rin at walang kakayanan. Nagiging maling gawain ang pamamahiya kung hindi ka nakapag-aambag sa kabuuang pagbabago ng kapwa.

At sa nangyayari sa ating bansa, walang karapatang manghusga at magpahiya ng Pilipino ang sinumang nasa posisyon sa pamahalaan dahil mas kahiya-hiya ang gawi ng mga namumuno ng bansa.

Nagsilbing tagapaggising ang mga karanasan ng pagpapahiya upang lumikha at kilalanin muli ang ating sariling kakayanan. Dahil sa panahong ito, wala tayong aasahan kundi ang ating mga sarili. May mga kuwento sa bawat pagkapahiya, at sa mga naratibong ito nasusundan natin ang ating pagkatao. Hindi lang tayo basta napahiya, hinuhubad nito at ginigising ang maling kamalayan at gawi, hindi ba’t ang paghuhubad ay isang nakahihiyang gawain ngunit nakararamdam tayo ng kaginhawaan? Pero sa mga pinuno ng pambansang gobyerno, matagal na silang nahuhubaran sa kanilang kainutilan at kapalpakan, pero hindi pa sila nahihiya.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here