Pansamantalang napigil ng mga maralitang residente ang demolisyon sa Pitimini Street corner Gomez Street sa Barangay Paltok, Agosto 29 ng umaga.  Naglunsad ng barikada ang mga residente katuwang ang Quezon City Urban Poor Coordinating Council (QCUPCC)  at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).

Bahagyang naggiba ang mga bahay. Aabot sa 100 pamilya ang apektado sa demolisyon.

Limang dekada nang naninirahan ang mga residente sa komunidad. Nagulat na lamang sila na may biglang sumulpot na nagngangalang Allan Sy Angala na umaangkin sa lupang kinatitirikan ng mga bahay at sinabing nakabili sa lupa. Sinilbihan ang mga residente ng eviction notice ng Sheriff Gerald Ocampo noong Hulyo 22. Nakasaad sa eviction notice na dapat na lisanin na ng mga residente ang kanilang mga bahay pagdating ng Agosto 22.

Nakapagsumite ang mga apektadong residente ng motion for reconsideration noong Agosto 24, upang pansamantalang mapigilan ang mga pulis at demolition team. Subalit pagdating ng Agosto 30, sapilitan pa ring giniba ang mga bahay ng maralita.

Nagbanta pang muling babalik ang demolition team kinabukasan upang tuluyang wasakin ang kanilang mga tahanan. Nananawagan naman ng tulong at suporta ang QCUPCC at KADAMAY para mapigilan ang demolisyon ng mga tahanan ng mga taga-Pitimini.

Wala namang inilaang tulong o relokasyon para sa mga apektadong pamilya, taliwas sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte at paulit-ulit na dinedeklara ng Presidential Commission on the Urban Poor na walang magaganap na demolisyon kung walang relokasyon.

Walang tugon sa usapin ng kahirapan

Para sa Kadamay Metro Manila, hindi sapat ang pag-aalok ng relokasyon, at madalas pa nga’y walang tulong o relokasyon na binibigay ang lokal o pambansang pamahalaan o ang private claimant. Dahil rin sa kawalang-hanapbuhay sa mga relokasyon, paulit-ulit lang na nagbabalikan ang mga maralita sa sentrong lungsod o ‘di kaya’y lalo pang nakararanas ng kagutuman.

“Pambubusabos sa maralita ang mga demolisyon, lalo itong nagpapahirap sa kanilang buhay. Pangunahing nagsisilbi ang mga demolisyon sa mga may interes sa lupang kinatitirikan ng bahay ng mga maralita,” pahayag ni Danmer De Guzman, Pangkalahatang Kalihim ng Kadamay Metro Manila.

Ani De Guzman, kailangan ng pangkalahatang pagtugon sa usapin ng kahirapan, kasama na ang malalang kawalan ng pabahay at ang kalunos-lunos na kalagayan ng tirahan ng mga maralita, kawalan ng hanapbuhay at kasalatan ng serbisyong panlipunan.

“Walang makabuluhang tugon o plano ang administrasyong Duterte para sa mahihirap,” saad ni De Guzman.

 

Malaganap na pagpapalayas sa maralita

Tinukoy din ng Kadamay Metro Manila na paparami ang mga demolisyon at nakaambang demolisyon sa mga komunidad ng maralita sa buwan ng Agosto, kabilang na ang demolisyon sa Sitio Fatima, Kawayanan sa Parañaque at ang nakaambang demolisyon bukas, Agosto 31, sa Manggahan Floodway sa Pasig.

Dumarami ang mga private claimants na nagsulputan at nabibigyan ng paborableng desisyon ng pamahalaan, gaya sa Paltok sa Quezon City, Maysapang, Ususan sa Taguig, Laperal Compound sa Makati at marami pang iba.

Marami ring nakaambang demolisyon ng mga maralitang komunidad sa ngalan ng pribatisasyon at mga proyektong pangkaunlaran, tulad ng sa Barangay 184 Maricaban sa Pasay, mga estero sa Muntinlupa, Taguig at Pasay at mga nakatira sa paligid ng Lawa ng Laguna.

Dumarami rin ang mga nakaambang demolisyon sa maralitang dati nang na-demolish at na-relocate gaya sa Southville 3 at National Bilibid Prison Reservation Area sa Muntinlupa at Manggahan Floodway sa Pasig.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here