“Ang magsasaka ay hindi na po tinatawag na magsasaka kundi magsasako nalang,”

Dumagundong ang nagngangalit na tinig ng mga magsasaka mula Timog Katagalugan at Gitnang Luson at mga tagasuporta nito sa kahabaan ng Recto Ave. sa Maynila upang isagawa ang kilos-protesta sa buwan ng mga pesante para ang ipanawagan ang usapin sa lupa, ayuda, at hustisya.

Tampok sa protesta ang palaban at militanteng diwa ng mga magsasaka at manggagawa sa agrikultura bitbit ang mga placard at balatengga na naglalaman ng kanilang panawagan. Iba’t ibang mga mga kultural na pagtatanghal din ang natunghayan ng mga lumahok sa protesta.

Itinalaga ang ika-21 ng Oktubre bilang Araw ng mga Pesante upang sariwain sa isip ang Presidential Decree (PD) 27 kung saan ipinangako at ipinasa mismo ng dating dilktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang pagpapamahagi ng mga lupa sa mga magsasaka na nagbubungkal sa palayan at maisan.

Limampung taon na ang nakalilipas nang ipasa ang PD 27, isang buwan din halos matapos ideklra ang batas militar, ginugunita ito ng mga magsasaka bilang ikalimampung anibersaryo ng huwad na reporma sa lupa ni Marcos Sr sa nagpapatuloy na kawalan ng panlipunang hustisya, kagutuman, at panunupil sa taumbayan.

Realidad sa ilalim ng PD 27

Inilahad sa paunang pangungusap ang layunin ng PD 27 kung saan dapat tugunan ang marahas na tunggalian at panlipunang ligalig sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa ng mga iilan.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), siningil mula sa PD 27 ang amortisasyon at 6% taunang interes ng mga magbubukid samantalang binabayaran naman ng kompensasyon ang mga nagmamay-ari ng lupa.

Naging laganap ang kawalan ng lupa sa mga magsasaka na dumoble mula 31% taong 1966 hanggang 61% pagsapit ng 1980.

“Walang nabigyang lupa sa ipinagmamalaking PD 27 ni Marcos Jr.,” mariing singhal ni Jerry Luna, tagapagulo ng KASAMA TK.

Aniya, ang PD 27 ay sumasaklaw lamang sa lupang maisan at palayan na ang tanging tinamaan lamang ng programa ay ang mga mayayamang magsasaka at haciendero.

“Ang mga panginoong may-lupa, nagpalit lamang sila ng tanim. Mula sa mais at palay ay tinaniman naman nila ito ng tubó para hindi na maging saklaw ng programa,” dagdag ni Luna.

Ang lupang sinaklaw ng PD 27 ay katumbas lamang ng 14% ng kabuoang lupang agrikultural at 17% ng lahat ng manggagawang bukid. Dagdag pa rito, mula sa pagiging lupaing agricultural ay itinatransporma rin ang ito upang gawing pang-hayupan.

“Subukan ninyong umakyat sa Cagayan Valley, makikita ninyo roon ang maraming maisan, palayan, pero mapapansin ninyo na mas maluwang ang inookupa ng bakahan. Maraming pastulan ng baka na mainam at dapat sanang ipinamamahagi itong mga nakatiwangwang na lupan sa mga magsasaka ng Cagayan,” ani Benjamin Cardenas, tagpagsalita ng Danggayan Cagayan Valley.

Ayon pa sa KMP, patuloy na minumulto ng PD 27 ang mga magbubukid magpahanggang sa kasalukyan kung saan ang oyentasyong pangmerkado nitong modelo ng amortisasyon sa magsasaka at kumpensasyon sa panginoong maylupa ay ipinagpatuloy lamang sa ilalim naman ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng sumunod na administrasyon ni Cory Aquino.

Pinaigting na militarisasyon sa kanayunan

Nagpapatuloy ang malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka ng Timog Katagalugan at Gitnang Luson.

Ayon kay Luna, ang mga lupaing may kasalukuyang laban tulad ng lupang Aguinaldo sa Silang, Cavite; lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite, lupang Ramos sa Kapdula; maging ang mga mangingisda sa babaying dagat mula Bacoor hanggang Naic, Cavite ay nagpapakita ng buo at determinadong pakikibaka ng mamamayan ng Timog Katagalugan.  

Perwisyo rin ang mga minahan partikular sa Gitnang Luson tulad ng Golden Summit Mining Corps (GSMC).

Agosto 2014 pa nang bigyan ng cease and desist order ang GSMC ng Mines and Geosciences Bureau bunsod ng laksa-laksang protesta at petisyon ng mamamayan ng Isabela. Ngunit hanggang sa kasalukuyan at nagpapatuloy pa rin ang nasabing minahan ng nagtitibag na ng ikatlong bundok sa bayan ng Cordon, Isabela ayon kay Cardenas.

Banggit ng mga magsasaka sa protesta, sa bawat lundo ng kanilang pag-aaklas ay ang pagpupog ng mga kapulisan, militar, at paramilitar kasapakat ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang man-redtag ng mga lider-magsasaka at ordinaryong mamamayan.

“Sa bawat magsasaka na mawawala ay daan-daan ang magiging kapalit dahil marami na tayong itinanim. Ang pagpatay o pagkulong sa mga lider ay hanggangan ng ating hidwaan, nagkakamali kayo, lalong mas dumadami ang katulad naming na mananawagan at lalaban,” ani Cardenas.

Totoong prayoridad?

Sa unang 100 araw ng administrasyon ni Marcos Jr., batid ng mga magsasaka na pinatutunayan lamang ng bagong pangulo at kasalukuyang Kalihim ng Department of Agriculture ang kahibangan at pagkainutil nito.

“Hibang sa sarili niyang katotohanan si Marcos Jr. Sa halip na pakinggan ang mga konkretong panawagan ng masa at mga mungkahing solusyon sa krisis sa pagkain, mas pinili niyang kausapin ang Private Sector Advisory Council at makipag-party muli sa mga mayayaman sa Masskara Festival,” pahayag ng KMP.

Mismong sa pahayag din ng Office of the Press Secretary binabanggit na pagdalo ni Marcos Jr. dito ay isang patunay umano ng kanyang “pangako sa pagtataguyod ng lokal na turismo sa hangaring buhayin ang industriya ng turismo sa bansa sa gitna ng mga hamon na dala ng pandemya ng COVID-19”.  

Kung kaya’t sa usapin lamang ng pangako at praroyidad ay hinihimutok ng mga magsasaka, mangingisda at manggagawa sa agrikultura ang nagpapatuloy at hindi nito pagbasura sa mga polisiya gaya ng RA 11203 o ang Rice Liberalization Law maging ang RA 8479 o ang Oil Deregulation Law.

Ipinasa ang batas na ito noong administrasyon pa ni Rodrigo Duterte taong 2019. Nagdulot ang RLL ng pagbaha ng mga imported at mahal na bigas sa mga pamilihan. Umasa ito nang husto sa importasyon ng mga produktong bukid at mga inputs tulad ng pestisidyo at abono.

Sa kabilang banda, sumasaliw ang krisis na ito sa hindi maampatang pagtaas ng presyo ng produkto ng petrolyo dahil sa patuloy ring pagpapataw ng patung-patong na buwis sa bisa ng deregulasyon sa langis.

“Dahil sa taas ng presyong produktong pangsaka, ang magsasaka ay hindi na po tinatawag na magsasaka kundi magsasako nalang. Dahil pagkatapos ng ani, sako na lamang ang naiiwan sa mga magsasaka. Dahil sa taas ng mga bilihin wala na, pati sako ay wala na. Wala nang natiitira para sa mga magsasaka,” ani Cardenas.

Kung sa perpsepktiba ng magsasaka pagkatapos ng anihan kung saan inilalako pa nila ito sa mga mamimili, pati sako ay sadyang kinukuha na rin at tanging dayami at listahan na lamang ng utang ang naiiwan sa kanilang mga kamay.

Dagdag pa ni Cardenas, madali na lamang sana gawin ng gobyernong ipamahagi ang mga prontrera at lupang nakatiwangwang sa mga magsasaka.

“Kasi kung tayong mga magsasaka ay may lupa, mayroong itatanim, mayroong ibebenta, mayroong mabibili, mayroong iaambag na buwis para sa gobyerno na ipasasahod sa mga empleyado at gobyerno,” dagdag niya.

“Pero tandaan ninyo mga kasama, hindi lamang sa tunay na reporma natatapos ang ating pakikipaglaban. Ito ay hanggang sa mapalaya natin ang sambayanang Pilipino sa pagsasamantala,” pagbibigay diin naman ni Luna.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here