Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas, umabot na sa 34 ang inaresto na mga sasali dapat sa protesta ngayong araw.

“Sa North naman sa Caloocan City, mayroong 5 ang nahuli doon, jeepney ulit, tapos may mga placards, may mga leaflets, may mga sign ng protest, kaya nasita sila sa checkpoint po. Ngayon andyan sila sa Caloocan Police Station, iniimbestigahan pa po sila. So lima sa Caloocan City, 24 kasama ng driver sa Marikina at lima sa Quezon City, ang total na na-apprehend namin 34,” anunsyo ni Sinas sa media.

Nasita ang mga hinuli dahil nakita sa kanila ang mga plakard at iba pang bitbit para sa protesta ngayong araw.

Bago pa magsimula ang protesta, limang miyembro ng grupong PISTON na sakay ng jeep patungo sa protesta ay inaresto dahil umano sa pagwagayway ng bandila at plakard habang bumabaybay sa Quezon Memorial Circle. Nang klaruhin kay Sinas anong kaso, aniya pinapaubaya na niya sa mga abogado ang kasong isasampa sa mga ito.

Dinala sila sa Camp Karingal at ani Sinas, “Hindi sila papakawalan para hindi makabalik.”

Sinabi rin niya na hindi nila pakakawalan ang mga mahuhuli na wala silang kaso.

Idinaos ng mga progresibong grupo ang protesta kasabay ng State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng UP Diliman mula ika-9 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali. Maikli ang programa kaysa dati para maiwasan na rin ang mas matagal na pagka-expose ng mga dadalo.

Mamaya pang ika-4 ng hapon magsisimula ang talumpati ni Duterte, na inaasahang magdidiin sa plano ng gobyerno sa pagharap sa pandemya.

Matapos naman ang protesta, ipinabatid ni Sinas sa media na umabot na sa 34 ang inaresto: lima sa Quezon City, lima sa Caloocan at 24 sa Marikina.

Hinuli naman ang mga galing Marikina na sakay ng jeepney na walang permit at ‘nahulihan ng mga plakard.’

Ipinagbawal din ng NCRPO ang mga traditional jeepney na wala sa ruta ngayong araw at hindi rin nagbigay ng ‘special permit’ ang Land Transport Franchising and Regulatory Board para sa mga bibyahe labas sa ruta nito.

Nang tanungin ulit si Sinas hinggil sa paglabag ng mga hinuli, sinabi nitong ipinauubaya niya ito sa mga imbestigador at legal officers nila.

Kinundena naman ng PISTON ang pag-aresto at pagdetine sa lima nilang myembro na matapos ang anim na oras ay hindi pa malinaw kung ano ang kaso.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here