Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Gabriela Women’s Partylist mula sa T.M Kalaw patungo sa US Embassy upang igiit ang mariing pagtutol sa nalalapit na pagbisita ni US President Donald Trump sa darating na ASEAN Summit na gaganapin sa Nobyembre 16-18.

Tampok sa kanilang panawagan ang pagbasura sa Pax Silica initiative, pagsasabatas ng Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression (SOGIE) Equality bill, pagpapaalis sa mga tropang Amerikano, at pagbuwag sa kanilang base-militar sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Bagamat hindi nakarating sa tarangkahan ng US Embassy, itinuloy ng grupo ang kanilang maikling programa sa Kalaw Avenue.

Iginiit ng mga nagprotesta na hindi hiwalay ang laban ng mga kababaihan sa iba pang usaping panlipunan at pampolitika, kabilang ang karapatan ng LGBTQ community. Binigyang-diin nilang magkakaugnay ang pagsusulong ng karapatan ng kababaihan at LGBTQ, lalo na sa gitna ng mga kasunduang gaya ng Pax Silica at patuloy na pagkabinbin ng SOGIE Equality Bill sa Kongreso. 

“’Yong Pax Silica pipirmahan siya sa ASEAN Summit, habang ang SOGIE Equality bill ay matagal nang nakabinbin sa Kongreso. Mahigit dalawang dekada na siyang nakabinbin sa Kongreso, habang ang Pax Silica agad-agad siyang pipirmahan sa darating na ASEAN Summit, makikita natin ang interes na pinagsisilbihan ng gobyerno ay hindi ang mamamayan kundi ang dayuhang interes,” pahayag ni Faith Delos Santos mula sa Bahaghari. 

Bago matapos ang taon, inaasahang mapipirmahan ang framework agreement ng Pilipinas at US para sa Pax Silica, isang inisyatibang pinangungunahan ng US na naglalayong palakasin at tiyakin seguridad ng pandaigdigang supply chain ng semiconductors at artificial intelligence (AI).

Sa ilalim ng inisyatiba, planong itatag ang isang advanced manufacturing hub sa New Clark City sa Capas, Tarlac kung saan 1,620 ektarya ng lupa ng magsasaka at katutubo ang sasaklawin ng proyekto. 

Bukod sa pagtutol sa panukala, ibinahagi din ng grupo ang patuloy na epekto ng militarisasyon at mga operasyong militar sa kanilang mga komunidad, partikular sa mga lugar na kinaroroonan ng mga EDCA sites at nagsasagawa ng Balikatan exercises. 

“Nandito kami to represent ang mga kapatid naming mga Moro at mga katutubo na tumututol sa Pax Silica, pero bukod doon naging biktima ng matinding militarization and bombing because of the setting up of EDCA sites at balikatan exercises na ginagawa dito sa aming mga probinsya, triple ang kinakaharap ng kababayan nating moro at katutubo,” saad ni Amirah Ali Lidasan mula sa Moro-Christian People’s Alliance. 

Sa ilalim ng EDCA, pinahihintulutan ang mga puwersang militar ng US na gumamit ng mga itinalagang pasilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagsasanay, pagpapatayo ng mga imprastraktura, at pag-iimbak ng mga kagamitang militar. 

Mula sa dating limang lokasyon, umabot na sa siyam ang EDCA sites sa bansa noong 2023 kasunod ng pagdaragdag ng apat na lokasyon. Sa kabila ng layunin nitong palakasin ang ugnayan ng pandepensa ng dalawang bansa, may pangamba ukol sa pagkabahala sa mga lupain at komunidad. 

“Ikalawa, para mawala ang resistance at forcibly displaced ang mga kababayan natin dahil doon ginagawa ang mga balikatan exercises at itinayo ang mga EDCA sites, these three things na nagpapakita ng talagang subservient ang Philippine government under BBM at interes ng US sa war at plunder ang nangunguna kaysa sa interes ng kababayan niya talagang maghahanap ng hustisya ang mga kababayan natin para dyan, that’s the reason why Trump out kami,” dagdag pa ni Lidasan. 

Samantala, nanawagan din ang grupo ng pakikiisa mula sa hanay ng mga kababaihan upang tutulan ang pagbisita ni US President Donald Trump sa bansa. 

“Importante ang araw na ito para  sa mga kababaihan na nagproprotesta dahil sa pagdating ng number one terrorist na si Trump, ang kasalukuyang pangulo ng Estados Unidos, na alam na alam natin na war criminal at war mongerer at matindi ang war-record lalo na sa laban ng kababaihan. Kaya ang panawagan natin ay si Trump ay kaaway ng kababaihan, kaya marapat lang na ang kababaihan ay magkaisa na patalsikin sya sa November 17-18,” ani Arlene Brosas, National President ng Gabriela Women’s Partylist. 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here