Setyembre 30, muling nagkasa ng isang pambansang tigil-pasada ang mga drayber ng dyip sa pangunguna ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at iba pang mga grupo sa ilalim ng No to Jeepney Phase-out Coalition. Tutol ang mga grupo sa patuloy na pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program na para sa mga drayber ay simpleng pag-phaseout sa mga dyip.

Ito ang unang tigil-pasada na inilunsad ng mga drayber sa taong 2019. Kung babalikan, nagkaroon na rin tigil-pasada noong taong 2017 at 2018 pagtutol pa rin ng mga tsuper sa phaseout.

Giit na paglilinaw ng mga tsuper na hindi ang modernisasyon ang tinutulan nila, kundi ang malaking halaga na kailangan na ilabas ng mga operator na hindi naman kaya bayaran ng maliliit na operator.

Programa sa Welcome Rotonda

Paliwanag ni Mody Floranda, Pambansang Tagapangulo ng PISTON, “Yung class A na sinasabi nila na nagkakahalaga ng P1.6 million, yung class B na P1.9 million, yung class C mula P1.9 million hanggang P3.2 million yung halaga, yung pangatlong nilalako nila ay yung coaster van na kung saan hindi talaga kakayanin ng ordinaryong drayber. Kaya nga sabi ng mga drayber, patay na sila pero hindi pa bayad ang dyip nila.”

“Kaya ito ang dahilan kung bakit nagsama-sama ang iba’t ibang alyansa para iparating kay Pangulong Duterte na ang sektor ng transport ay hindi kontra sa modernisasyon. Ang nilalabanan namin ay ‘yung pamamaraan na ginagawa ng DOTr at LTFRB bakit absolute at sapilitan na kailangan namin magbuo kami ng korporasyon, ng base management o kooperatiba, bakit namin kailangan bumili ng mga bagong sasakyan na hindi naman afford ng mga maliit na operator,” dagdag ni Floranda.

Aniya, hindi pa rin isinasaayos ang mga ruta at hindi pa rin naisasaayos ng gobyerno ang mass transport sa bansa para maibsan ang trapik at mas mabilis ang pagbiyahe sa Kamaynilaan, kundi bebentahan lang sila ng mga bagong unit ng dyip ng mga kakontrata ng gobyerno kalakhan mula sa ibang bansa.

Transport strike sa Alabang

Ayon din sa grupong PISTON, ang kinasa nilang tigil-pasada ay hindi lamang para sa mga drayber kundi para sa iba pang pampublikong transportasyon. Anila may mga iba pang pampublikong transportasyon na may bantang tanggalin kagaya ng UV Express, kaya naman hinihikayat nila magkaisa ang mga pampublikong transportasyon upang madinig ng pamahalaan ang kanilang mga panawagan.

Sa kabila naman ng pahayag ni Metro Manila Development Authority Assistant Secretary Celine Pialago na hindi tagumpay ang tigil-pasada, taliwas ito sa tingin ng mga nag drayber na nagkasa ng tigil-pasada.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here