Muling nilunsad ng Sining Bugkos ang Bawiin, o Bayan Wika Ipaglaban Natin, upang ipanawagan ang pagtanggol ng wikang pambansa at pambansang soberanya sa kanilang forum sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.

“Kailangan nating tuloy-tuloy na magtipon, kailangan nating tuloy-tuloy na magtalakay hinggil sa usapin na ito. Dahil ipinalilimot sa atin ang ating wika, ipinalilimot sa atin ang ating pagka-Filipino,” ani Abi Estacio ng Musicians for Peace, miyembrong organisasyon ng Sining Bugkos.

Tinalakay ni Estacio ang kolonyal na katangian ng edukasyon at paano nakakaapekto ang CHED Memo 20 of 2013 o ang memo kung saan ginawang opsyonal ang asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo kaugnay na ito ay atake sa kulturang Pilipino.

“Sagka ang pagiging makabayan natin, ang pagmamahal sa wika at bayan, ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa, kung saan magdudugtong ang ating dadaming pambansa, sa interes ng dayuhan at sa agenda ng gobyerno tungo sa pagbubukas ng bansa sa interes at negosyo ng dayuhan na laging laman ng mga panukalang Charter Change,” dagdag ni Estacio.

Karugtong nito, usaping pambansang soberanya ang paksa na ibinahagi ni Franco Trazo ng Sining Bugkos.

Ang talakayan ay nilugar sa kasalukuyang kontekstong nag-aagawan sa teritoryo, at pakinabang sa ekonomya, pulitika at kultura ang dalawang mga dayuhang entidad na US at Tsina, patuloy na pagtugon ng mga nakaupong pangulo sa interes ng dayuhan at panawagang igiit ang pambansang kalayaan at soberanya.

“Kung bakit hindi na rekisito ang Filipino, mula pa Education Act of 1982 ay nakadisenyo na ang terisyaryong edukasyon sa bansa kung saan makakalikha sana ang bansa ng kanyang mga dalubhasa na maging pribelihiyo na lamang at hindi karapatan. Habang ang batayang edukasyon naman ay tungo sa paglikha ng semi-skilled workers laan sa negosyo ng dayuhan sa loob at labas ng bansa, na alinsunod sa mga structural adjustment program at iba pang mga kundisyon sa pautang na binibigay ng mga dayuhang bansa sa atin,” ani Trazo.

Nag-alay din ng tula si Nicole Corpuz ng Liga ng Kabataang Propagandista.

Hinihikayat ng Sining Bugkos na mag-ambag ng mga likha sa wikang Filipino na maaaring ipadala sa kanilang Facebook account o magpalaganap ng mga likha sa Filipino gamit ang #WikaHuwebes.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here