Mula sa nag-viral na video sa Youtube na “Jowable” sa channel na Vincentiments, ang pelikulang ‘#Jowable’ sa panulat at direksyon ni Darryl Yap ng Vincentiments din mismo ay kuwento ng isang babae na naghahanap ng kasagutan sa tanong na bakit wala pa siyang jowa mula ipanganak (#NBSB or no boyfriend since birth). At ng jowa mismo.

Walang pakundangan, prangka at bulgar ang mga dayalogo ng mga karakter sa pelikula—marahil nakakapanibago pareho sa mga pino at korni na dayalogo sa mga pelikula sa una, at sa mga palabas sa telebisyon sa huli. Mananawa ang manonood sa sigawan, mura, ‘bayag,’ at iba pang salita na maaaring doon lang madalas marinig sa pelikula. Marahil nagpapakita lang din naman ng grupo o personahe ng mga tao na hindi madalas itampok sa mga pelikula kung kaya’t maaaring nakakapanibago, pero maaari ring makatotohanan para sa iba.

Kakaiba at bago rin na ibang pangunahing aktres ang bumida sa pelikulang ito, hindi tulad ng mga nakasanayang malalaking pangalan ng Star Magic, Viva at iba pa.

Nakaangkla ang anumang tagumpay ng pelikulang ito sa husay ng pagganap ng mga karakter dito.

Mahusay na ginampanan ni Kim Molina ang karakter niyang si Elsa Mangahas, isang 30-year old na alcoholic na event organizer kasama ng barkada niya mula elementarya at nadedesperado na sa paghahanap ng boyfriend. Anak siya ng isang “mama” ng mga “GRO” sa Subic na kasama niyang nakatira sa kanilang bahay.

Maraming mga eksenang nagpamalas sa galing ni Kim Molina sa komedya, na naipamalas na rin niya sa pagganap sa bidang karakter na si Aileen sa dulang ‘Rak of Aegis’ ng Philippine Educational Theater Association o PETA. Mahusay din ang interaksyon ni Kim sa kanyang mga kasama sa pelikula, gaya ng eksena nila ni Candy Pangilinan na gumanap bilang isang madre, ng kanyang nanay na si Kakai Bautista nang iniwan ang huli ng kanyang bagong nobyo, at ni Cai Cortez na kanyang matalik na kaibigan nang sabihin ng huli na nag-alok na ng kasal ang matagal nitong nobyo.

Tila naman pinagtahi-tahing pampatawa ang kada eksena na matatapos sa isang punchline. Ang isa sa mga pinakainaabangang eksena sa pelikula ang eksena sa loob ng simbahan ng lasing at tumutungga pa ring si Elsa habang nakikipag-usap sa Diyos at nahimay-himay niya ang kahulugan ng pinausong terminong ‘jowable.’ Hindi na natin makikilala ng mas malalim pa si Elsa, labas sa naunang sketch sa kanya at sa kanyang idadaldal sa simbahan; sayang, dahil wala rin namang duda na ‘jowable’ nga siya—maaaring tulad ng iba pa na nais mahanap ang kasagutan sa kaparehong tanong ni Elsa.

Kulang naman ang kulog at kidlat sa pantastikong resolusyon sa masidhing nais ni Elsa sa bandang dulo ng pelikula. Pero nagsikap naman itong tahiin ang eksena ng guro niya sa simula ng pelikula, ang payo ni Candy at ibubunyag din ni Kakai sa dulo kung saan magkakatulad ng sinapit ang nanay at anak. Sa suma, nagsimula sa paghahanap ng jowa, at doon na iinog ang kwento.

Hindi man para sa lahat, may mga nakakaantig at nakakatawang eksenang dinala ng mga pangunahing tauhan ng pelikula.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here