“Tulog ang Manila Harbor pagdating sa safety o kaligtasan ng mga manggagawa nila,” singhal ng mga manggagawa.

Galit at dismayadong nagtungo ang mga manggagawa ng Harbour Centre Port Terminal Inc. sa pangunguna ng Unyon ng mga Manggagawa ng Harbour Centre (UMHC) sa Department of Labor and Employment National Capital Region upang kundihahin at igiit ang higit isang taong kawalan ng aksyon ng ahensya maging ng kumpanya sa desisyon ng Korte Suprema na ibalik sila sa trabaho.

Ika-28 pa ng Hunyo noong nakaraang taon nang pinaboran ng Korte Suprema ang mga manggagawa laban sa HCPTI. Sinubukan pa ng kumpanya na maghain ng motion for reconsideration ngunit hindi ito kinatigan ng korte.

Gayumpman, sa kabila ng tagumpay na ito ay nagpapatuloy ang kalbaryo ng mga manggagawa hinggil sa regularisasyon, kabayaran sa kanilang mga separation pay, at ang pagpapanumbalik sa higit 378 na iligal na tinanggal na manggagawa ng kumpanya noong Enero 2020.

“Binibigay ko ang aking saloobin upang magising sila sa aming mga hinaing. Dahil ako ay isang manggagawa din na nangangailangan ng tulong ngunit walang napala,” hinaing ni Reynaldo Lalada, manggagawa ng Harbour Centre.

Si Lalada ay kabilang sa mga manggagawang naaksidente habang nagttrabaho buhat ng kawalan ng kagamitan para sa kaligtasan o sakaling magkaroon ng sakuna.

“Inutusan po ako ng isang foreman. Dahil leadman lang po ako at mas mataas ang katungkulan niya, sumunod po ako bilang pagrespeto. Sa pagbaba ko po ay patuloy akong nalaglag at nawalan ng malay. Mga kapwa ko trabahador ang tumulong lang din po sa akin,” dagdag ni Lalada.

Sa muling pagtungo ng mga manggagawa sa DOLE NCR ay daing na nila ang higit tatlong taong kahirapan at kagutuman, na pinalala pa nang dumating ang pandemya magpahanggang ngayon na si Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na ang namamalalakad sa gobyerno ng bansa.

“Unang una ay dismayado na kaming mga manggagawa. Mismo sa State of the Nation Address, iniisip namin na mabibigyan niya ng pansin ang mga problema at masulusyunan ang mga problema ng mga manggagawa. Wala kaming nakita noong SONA,” ani Francisco Manaog, pangulo ng UMHC.

Sa pagdinig sa departamento ng mga manggagawa at ng HCPTI, tinalakay ang usapin ng separation pay. Ayon pa kay Manaog, inurong muli ang pag-uusap sa ika-10 ng Agosto upang pinal ng HCPTI ang lahat ng kabayaran ng ahensya sa mga manggagawa.

Kung hindi pa rin sumunod ang HCPTI ay itutulak na nang husto ng unyon ang laban sa regularisasyon mula rin sa ibinabang desisyon ng korte.

“Mahabang panahon na ang problema ng mga manggagawa at marami ng presidente ang nangako. Hanggang ngayon wala kaming nakikita na pagbabago. Kaya kung gusto natin ng pagbabago, tingnan natin ang ating mga batas na walang pangil at binababoy lang ng mga kapitalista,” dagdag ni Manaog.

Sa kabilang banda, banggit ni Manaog na hindi titigil ang laksa-laksang pagkilos ng mga manggagawa para sa kanilang panawagan.

“Mahabang panahon na ang aming tiniis para lang makuha ang desisyon ng Supreme Court. Kaya lalaban kami hanggang sa huli. Kahit manawagan pa kami sa mga lansangan. Para maipakita sa mga kapwa ko manggagawa na ganito ang nangyayari sa atin dito sa Pilipinas. Walang pangil ang batas,” ani Manaog.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here