“Sinalubong po tayo ng mga pamamaril sa pangunguna na mismo ng mga ahente ng gobyerno,” salaysay ni Kyle Salgado, tagapagsalita ng KARAPATAN Southern Tagalog.

Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang maupo sa kapangyarihan ang administrasyon ni Marcos Jr. ngunit magkakasunod na pamamaslang sa mga inosenteng mamamayan at tumitinding militarisasyon na ang nararanasan ngayon sa Timog Katagalugan.

Inulat ng KARAPATAN ST ang pagpatay sa dalawang inosenteng Batangueño sa bayan ng Taysan at Calaca, Batangas nitong buwan ng Hulyo 2022.

“Marami na ang naging biktima na sibilyan,” saad ni Salgado.

Noong ika-18 ng Hulyo, pauwi na sana ang pamilya ni Kyllene Casao, siyam na taong gulang kasama ang kaniyang tatay at kapatid mula sa pagpapastol ng kambing sa Taysan, Batangas.

Nang makasalubong ng mag-aama ang apat na tropang militar mula sa 59th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA), tinutukan at kinasahan ng baril si Benie Casao, ama ni Kyllene, at pinaratangang kasapi ng New People’s Army (NPA). Dulot ng takot, kagyat na itinaas ng ama ang kamay at mariing itinanggi ang paratang.

Ngunit sa halip na hayaang makauwi nang ligtas at payapa ang pamilya, nagpaputok nang dalawang beses ang mga militar. Bagaman nakatakbo si Tatay Benie at anak na lalaki, napahandusay at natamaan ng bala ang siyam na taong gulang na biktima.

“Batay po sa nakalap naming datos, walang engkwentro ng time na ‘yon. Kasi ang putok ay nanggaling sa isang bahagi [sa Sitio Amatong, Brgy. Guinhawa]. Sa mga time na ‘yon, kahit po sa buong area ng bata ay laging nandoon ang 59th IB at ang mga sirkumstansya ay nagpapatunay na biktima si Kyllene ng tahasang pamamaril,” dagdag ni Salgado.

Nagkampo rin ang tropang militar sa Brgy. San Marcelino, Taysan, Batangas kung saan nakalibing ang labi ni Casao samantalang binabantayan at mistulang itinatago ang ama ng biktima.

Sa bahagi ng Calaca sa parehong lalawigan, biktima rin ng pamamaril ng militar ang 50 taong gulang na magniniyog na kinilalang si Maximino Digno nitong ika-26 ng Hulyo. Batay sa pamilya ni Digno, nag-ani lamang ang matanda ng niyog para ibenta at makabili ng pagkain ngunit hindi na ito nakauwi kinagabihan.

Katulad ng naunang naratibo, iniulat ng tropang militar na nasawi si Digno sa isang engkwento at pinagbibintangan na kasapi ng NPA. Taliwas ito sa salaysay ng mga lokal sa komunidad dahil

dumadanas ang matanda ng sakit sa pag-iisip.

“Pinapalabas nila na NPA itong si tatay at pinapalabas na may engkwentro na naganap whereas wala naman talaga dahil isa o iilan lamang ang putok na narinig or wala talagang narinig,” giit ni Salgado.

Mariing pinasubalian din ng KARAPATAN ST ang nilulubid na kuwento ng 59th IBPA na “lehitimong engkwentro” ang naganap sa parehong insidente. Katulad sa kaso ni Casao, napakalayo ng Sitio Amatong, gaya ng binabanggit ng militar para makaabot ang bala sa sentro ng barangay kung saan naganap ang insidente.

Kultura ng impyunidad sa Timog Katagalugan sa ngalan ng mga huwad na proyektong pagpapaunlad

Kasabay ng pagkakampo ng tropang militar sa ilang bayan ng Batangas at karatig na probinsya sa Timog Katagalugan, ipinamandila nito ang mga huwad na operasyong kontra-insurhensya. Bukod sa Taysan at Calaca, militarisado na rin ang komunidad sa Nasugbu, Lobo, at San Juan, Batangas.

Nangangahulugan din ito ng serye ng harassment, pang-aaresto, at pamamaslang sa hanay ng mga progresibong organisasyon at inosenteng mamamayan.

Sa mismong araw ng SONA ni Marcos Jr., naghasik ang tropang militar ng pananakot at mistulang magsasampa ng kaso sa mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang-pantao at residente ng Brgy. Malapad na Parang, Lobo, Batangas na pinaghihinalaang “NPA sympathizers”.

Sinalakay rin ang bahay ng mga miyembro ng Bakasan at Lakas ng mga Magniniyog sa Batangas (BALAYBAY) noong ika-21 ng Hunyo, 2022. Alas-kwarto ng madaling araw nang pinuwersang pinasuko ang mga magsasaka bilang rebelde at tinaniman ng matataas na kalibre ng baril.

Gayundin, ang ligalig na nararanasan ng mga Batangueño at kamay na bakal ng mga berdugong sundalo ay gumapang din sa probinsya ng Quezon.

Ilan dito ay ang walang-awang pamamaslang at pantotoryur sa dalawang mangongopra na sina Arnold Buri at Jorge Coronacion sa Sampaloc, Quezon noong Nobyembre 2021, at pamamaril ng sundalo kay Jayr Lasquites, dalawampung taong gulang mula sa Mauban, Quezon City.

Binati lamang ng binata ang sundalo subalit tatlong putok ng baril ang isinagot ng utak-pulbura at lasing na sundalo sa biktima.

“Nagsagawa po kami roon ng imbestigasyon at kinausap namin ang mga pamilya. At kilala po talaga ang mga lokal na ito dahil mismong si Mayor ang magpapatunay na itong magsasakang ito ay mga tauhan niya mismo,” ani Salgado.

Hindi rin makalilimutan ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang madugong masaker na kumitil sa siyam na aktibista na tinaguriang “Bloody Sunday” noong Marso 7 nang nakaraang taon.

Bahagi ito ng serye ng search and seizure operations ng Philippine National Police-Crime Detection Investigation Group (PNP-CIDG) Region IV-A laban sa mga progresibo sa Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang panawagan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) para sa hustisya at pagpapanagot sa mga taong sangkot sa pagpatay sa mga biktima ng Bloody Sunday.

“Ibig sabihin nito na hindi lamang iisa ang pamamaril ng 59th IB kaya sa amin po ang gusto po talaga namin ay mapalayas ang mga militar dito,” giit ni Salgado.

Sa likod ng walang habas na karahasan ng tropang militar, iniraratsada ang mga mapangwasak at huwad na proyektong pagpapaunlad sa probinsya ng Batangas tulad ng pagtatayo ng Calaca Coal-Fired Power Plant ng Semirara Power habang ang pagmimina at pagkwa-quarry ay ginagalugad sa ibang bayan.

Walang ibang dulot ito kung hindi pagkasira sa kabuhayan, kalikasan at kalusugan ng mga residente.

House Resolution No. 125, inihain ng mga mambabatas ng Makabayan Bloc

Hinimok ng mga mambabatas ng Makabayan Bloc ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na usigin ang kaso ng pagpaslang ng 59th IBPA sa mga inosenteng biktima na sina Casao at Digno mula sa probinsya ng Batangas.

Kagyat ding inihain ng Makabayan bloc ang House Resolution No. 125 na naglalayong imbestigahan ang naging paglabag sa karapatang-pantao at tumitinding militarisasyon ng Philippine Army sa Timog Katagalugan upang mabigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima at komunidad na apektado sa patuloy na panliligalig at pananakot ng mga militar.

Samantala, ipinakita ng mga progresibong grupo ang suporta nito sa inihaing resolusyon sa paglulunsad ng kilos-protesta sa tapat ng Batasang Pambansa, Quezon City.

Nagtungo rin sa Commission on Human Rights ang mga organisasyon upang hamunin ang institusyon na seryosong tutukan ang mga nangyayaring karahasang-militar sa Timog Katagalugan.

“Right now, nakapagpasa na po kami ng sulat para magkaroon ng independent investigation tungkol sa mga nangyaring insidente na walang awang pamamaril sa mga inosenteng biktima,” ayon kay Salgado.

Nitong ika-1 ng Agosto, matagumpay din na nakipagdayalogo at nakakuha ng suporta at tulong ang KAPAPATAN Southern Tagalog at mga samahang nagtatanggol sa karapatan kay Batangas Governor Hermilando Mandanas tungkol sa pagtutulak ng imbestigasyon ng lokal na pamahalaan at pagpapanagot sa mga maysala.

“Panawagan namin ay palayasin na nang tuluyan ang 59th IB sa Batangas at Quezon. Panagutin sila sa lahat ng mga krimen,” saad ni Salgado.

Hinihimok din ng KARAPATAN Southern Tagalog na sama-samang tumindig at kumilos upang mapalayas ang mga militar at protektahan ang mga komunidad sa kasalukuyang ligalig na bumabalot sa probinsya ng Batangas at buong Timog Katagalugan.  

(Basahin ang pahayag ng KARAPATAN Southern Tagalog dito: https://www.facebook.com/STKarapatan/posts/pfbid02CHAJgdF8326CRobFsbBYyuvzFSZeHVaXYtnLVju6nbZbUi766r6gyUgN7fRYxgHwl)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here