Nagpahayag ng suporta ang grupong MANIBELA sa isinumiteng resolusyon sa Senado noong Miyerkules, Hulyo 31, na Senate Resoluton 1096 kung saan 22 mambabatas ang nagtulak na suspendihin ang Public Transport Modernization Program (PTMP) o mas kilala noon bilang Public Utility Vehicle Modernization Progam (PUVMP).
“There is an urgent need to thorougly review and reassess the impact of the program, to alleviate the fears of the drivers and transport operators who will be directly burdened by its implementation,” saad sa nasabing resolusyon.

“Nagpapasalamat tayo sa mga senador sa pagsususpinde sa PTMP, dahil ito sa problemang pinansyal, pagkalugi, at wala pang maayos na route rationalization kasabay ng pagsasamanatala at pagmamalabis sa sapilitang pagcoconsolidate dahil hindi na tayo makapagrehistro,” ani Mar Valbuena, tumatayong chairman ng MANIBELA.
Sa inilabas na resolusyon, may 36,217 units o 19% ng kabuoang jeepney ang hindi pumaloob sa konsolidasyon batay sa datos noong Abril 30 o ang araw ng deadline ng franchise consolidation.
Ayon kay Valbuena, dapat lamang suspendihin ang PTMP dahil sa pag-aapura sa mga maliliit na jeepney driver at operators ng traditional jeepney na magpalit ng modernized unit.
“Kung magmo-modernize man tayo, marami na sa atin ang nakasunod na traditional jeepneys pa rin ang itsura at nakasunod sa greenhouse emission, maaayos na rin ang mga makina. Kumbaga compliant na pero bakit hindi sinusuportahan ng LTFRB at DOTr? Wala tayong makitang inaprubahang tumatakbong gawang Pinoy, gawang lokal na modernized units,” dagdag ni Valbuena.
Nakasaad sa probisyon ng PTMP ang pagmomodernize ng mga traditional jeepneys. Ngunit ang ibinubukas sa mga jeepney driver at operators ang pagbili sa mga imported at airconditioned minibuses na nagkakahalagang 1.4 milyon kung cash o 2.8 milyon kung bibilhin sa utang.
Ayon sa mga maliliit na drayber at operator, lalo lamang silang malulugmok sa utang kung tatangkilikin ang polisiyang ninanais ng PTMP. Batay rin sa isang case study ng IBON Foundation ay kailangan ng mga P30,000 para sa buwanang bayarin ng bawat yunit ng modern jeepney.
“Suportado natin ang modernisasyon, yung makatwiran, makatao at walang mapagiiwanan. Hindi yong modernisasyon na iilan lamang ang makikinabang, iilang interes lamang ang mamamayani,” ani Valbuena.
Ngayong taon, ang PTMP ay pinondohan ng 1.6 bilyon ng administrasyong Marcos Jr. Ngunit batid ng mga grupo na higit pagtuonan nang pansin ang route rationalization o ang Local Public Transport Route Plan (LTPRP) kaysa itulak ang sapilitang pagmodernize ng mga traditional jeepneys.
Sa inilabas na resolusyon, mayroon pa lamang 174 o 11.05% sa 1,574 lokal na pamahalaan (LGU) ang may aprubadong LTPRP.
Para sa MANIBELA, hindi rin makatwiran ang binigay na deadline ng franchise consolidation noong Abril 30 samantalang sa 2026 pa maipipinal ng LGU at ng DOTr ang mga LTPRP sa buong bansa.
Tinuligsa rin ni Valbuena ang nakaambang tigil-pasada ng grupong Magnificent 7 na tutol sa resolusyon at itinutulak ang PTMP.
“Kalokohan ang sasama rito sa sumasangayon sa jeepney phaseout. Kung matutuloy po ang tigil-pasada ng Magnificent, hindi natin susuportahan ang panawagang jeepney phaseout. Tigil pasada para sa pagphaseout sa mga traditional jeepney, pagphaseout sa ating mga prangkisa. Bakit natin susuportahan ito?” ani Valbuena.

“Umaasa tayo na ang ating pangulo ay papaburan ito. Nawa’y pakinggan po ang senado, ang mamamayan, ito ay boses ng mga draybers at operator, boses ng ating mga mananakay. Pakinggan ninyo ang higit na nakararami laluna ngayon at may pasok na sa eskwela para di na rin masaktan ang ating ekonomya dahil sa mga tigil-pasada,” dagdag pa ni Valbuena.