Aabot sa 2,000 ang nagtipon na mga tsuper, UV express drivers at operators kasama ang mga sumusuportang grupo mula sa iba’t ibang sektor sa kahabaan ng Monumento para muling idagundong ang panawagan laban sa nakaambang jeepney phaseout sa tabing ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Higit 800 na dyip din ang bitbit ng mga nagprotesta at ibinalagbag sa kahabaan ng nasabing rotunda.

Pinangunahan ng grupong PISTON at MANIBELA ang nagpapatuloy nasabing kilos-protesta. Disyembre 20 nang ianunsyo ng dalawang grupo ang paglulunsad muli ng pambansang tigil-pasada para sa Disyembre 21 at 22 matapos maghain ng temporary restraining order sa Korte Suprema para sa pagpapatupad ng franchise consolidation sa Disyembre 31.

Iba’t ibang ruta ng jeep sa Metro Manila ang lumahok sa ikalawang bugso ng tigil-pasada. Nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad tulad ng paglulunsad ng misa, pamamahagi ng polyeto sa mga nagdaraan, pagbubukas ng mga diskusyon at talakayan sa kapwa-drayber at opereytor hinggil sa epekto ng PUVMP at iba pang tampok na usapin bukod pa sa karaniwang mga pagbabahagi ng iba’t ibang mga drayber at operator sa programa.

25% pa lamang ang nagpakonsolida

Disyembre 12 nang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos na hindi iuurong ang deadline at itutulak pa rin ang pagkakaroon ng franchise consolidation. Dito rin niya ibinahagi na may 70% umanong nagpakonsolida na ng nasabing mga prangkisa.

Agad naman itong pinabulaanan ni PISTON chairperson Mody Floranda at binanggit muli ang mga katagang “makamandag, manipulative, best liar” ang pangulo.

Pagpapaliwanag ni Floranda, aabot pa lamang sa 25% ang nagpapakonsolida sa bahagi ng jeepney operators samantalang 36% naman sa UV express.

Sa National Capital Region, aabot sa 55,000 ang kabuoang jeepney units kung saan 20,000 pa lamang ang sinasabing bahagi ng nagpakonsolida ng mga prangkisa. 7,870 naman ang kabuoang UV express na mayroong 2000 na bilang ng nagpakonsolida.

“Ibig sabihin nito sa kalakhan, individual pa rin ang nagmamay-ari ng kani-kanilang mga prangkisa,” ani Floranda.

Modern jeepneys sa wangis pa rin ng tradisyunal

Sa higit 800 jeepneys na nagbalagbag sa Monumento, tampok din ang ilang unit na dinebelop o in-upgrade sa wangis pa rin ng traditional jeepneys.

Ayon kay Tatay Romeo Paypa, isa sa mga nagmamay-ari o operator nito, ang Glorious motors na yaring Batangas ang naging katuwang niya sa pagdebelop ng kanyang dyip na higit 23 taon na niyang pinapatakbo sa rutang Pasay-Alabang.

Aniya, wala namang pinagkaiba ang makina nito sa traditional jeepneys. Sadyang ginawang maluwag at naging mataas ang kisame o bubong nito para makaagapay sa mas marami pang pasahero na kayang tumayo sa biyahe. Kasya rito ang aabot sa 50 pasahero, 30 ang nakaupo habang kaya naman ang 20 taong nakatayo.

Ang kanyang bersyon ng traditional jeepney ay nagkakahalagang P600 libo kumpara sa higit P1.4 hanggang P1.8 milyong airconditioned e-jeepneys.

“Minodernize na namin kasi nung umupo si Duterte, nagsabi siya na ang mga jeep na kaladkaran ay kanyang hahatakin. Nagbigay naman siya ng guidelines na nakatayo ang tao sa tagiliran ng pinto,” pagdedetalye ni tatay Romeo.

Ang dating pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagsabi na simula Enero 1, 2018 ay guguyurin na o hahatakin niya ang traditional jeepneys. Sinegundahan din ito ng pahayag ng dating DOTR Sec. Thomas Orbas kung saan tatanggalin na ang mga traditional jeepneys alinsunod sa utos ni Duterte.

“Ang problema noong pinresenta naman namin na doon sa Deparmnet of Transportation (DOTr), noong tinanong nila kami kung magkano ang costing at sinabi kong P600 libo, eh biglang sabi na agad sa akin wag iyan, wag iyan ifocus sa midya dahil walang kikitain diyan, maliwanag na sinabi sa akin iyan (ng DOTr),” paglalantad ni tatay Romeo.

Ayon sa kanya, ang P600 libong iyon ang masasabing abot-kaya na sa bahagi nilang mga indibidwal na operator.

Pinabulaanan din ni Tatay Romeo ang sinasabing 70% nagpakonsolidang operator kung sa bahagi ng kanilang JODA na wala pang 100 ang nagpakonsolida sa higit 3,000 na jeepney units.

“Hindi nagsasabi nang totoo ang Land Transportation and Franchise Regulatory Board (LTFRB). Sa hearing ni Grace Poe, pilit na pinapatupad ang deadline, samantalang ang binigay na badyet sa Local Government Unit para resolbahin ang mga ruta ay hindi pa nila magawa-gawa. Ngayon sasabihing 70% na ang consolidated?” pasaring ng tatay.

Dismayado rin si Tatay Romeo sa itsura ng PUVMP kung saan kailangan ipatupad ang mga kooperatiba o korporasyong magpapatakbo sa higit 15 na unit ng airconditioned modernized jeeps.

Bagaman sa kabila ng pagtalima ni Tatay Romeo sa mga panukala sa ilalim ng PUVMP ay hindi naman nila kakayanin ang kaliwa’t kanang requirements para lamang kilalanin sila bilang indibidwal na mga operator.

“Isipin mo [a sa ruta namin, dapat may minimum na 300 square meters na parking kami sa Pasay at sa Alabang bilang point-to-point terminal. Paano kami makaafford eh hindi naman kami milyonaryo? Kaya sa totoo lang, ang programang iyan, pangmilyonaryo lang yan hindi pangmahirap,” pagbabahagi ng tatay.

Apat na taon na niyang gamit ang kanyang modernized jeep sa pamamasada hanggang sa dumating din ang pandemya. Sa panahong ito, naging bahagi si Tatay Romeo ng programa ng dating administrasyon na Balik Probinsya kung saan naghahatid ang kanyang sasakyan ng mga pasahero sa iba’t ibang dako ng bansa.

“Para sa akin, katuwang ko na ito sa hanapbuhay. 23 years na ito sa akin bago imodernize ko ang body. Hindi ko ito pinabayaan at inalagaan ko talaga. Kaya wag naman sana nilang alisin, kasi nakita mo iconic talaga ito. Nakilala ang Pilipinas sa itsura ng jeep na ito. Ipinaglalaban ko ito, di ko ito isusuko,” pagbabahagi ni Tatay Romeo.

Ayon sa grupong PISTON at MANIBELA, hindi naman tutol ang mga sektor ng transportasyon sa modernisasyon o pag-upgrade ng disenyo ng mga jeepney alang-alang sa seguridad ng bawat indibidwal, maging ang usapin ng katiyakan sa hanap-buhay.

Dagdag ng mga grupo, kayang lumikha at buhayin ang mga trabaho sa upholstery at lokal na motorworks para sa pagdedebelop at pagkukumpuni ng mga traditional jeepneys. Anila, ito ang panawagan para sa tunay at pambansang industriyalisasyon na hindi ipinatutupad ng administrasyon magpahanggang ngayon sa ilalim ni Marcos Jr.

“Kung tutuusin, marami tayong magagaling na manufacturers sa Pilipinas, maraming mga manggagawa, matatalino pa, kung gusto talaga ng ating pamahalaan na tulungan ang hanay ng transport, makakatulong na sila sa aming mga individual operator na abot kaya ang halaga, makakatulong pa sila sa mga manggagawa sa ating bansa. Bakit kailangan pa natin mag-import ng ganitong unit, hindi na quality at ubod pang mahal,” dagdag ni Tatay Romeo.

Transport strike, magpapatuloy

Nagpahayag naman kapwa PISTON at MANIBELA na ipagpapatuloy ang paglulunsad ng mga kilos-protesta lalo’t nalalapit na ang sinasabing deadline ng franchise consolidation sa Disyembre 31.

Anila, itutulak ng mga grupo ang kilos-protesta sa Mendiola para irehistro kay Marcos Jr. ang panawagan nilang ibasura na ang PUVMP.

“Maningil din kami sa mga pangakong binitiwan ni PBBM sa taumbayan lalo’t gamit na gamit niya ang isyu ng jeepney phaseout sa panahon ng (kanyang) pangangampanya,” ani MANIBELA chairperson Mar Valbuena.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here