Sinabayan ng kilos-protesta ng mga tsuper at operator sa pangunguna ng MANIBELA, PISTON, at Tanggol Pasada ang en banc session sa Korte Suprema para igiit ang paglalabas nito ng Temporary Restraining Order mula sa petisyong isinumite ng mga grupo noong Disyembre 20 2023.

Anila, sapilitang franchise consolidation ang itinutulak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng inilabas nitong Memorandum Circular 2023-052 dahilan upang matakot ang ilang mga tsuper at operator na hindi pa nagpapa-consolidate sa kabila ng nakaambang deadline sa Enero 31.

Hungkag at bogus ang turing dito ng MANIBELA at PISTON na kanila ring naging tuntungan sa isinumiteng supplementary petition walong araw matapos nila isumite ang nasabing TRO petition.

PUVMP, inihalintulad sa isang pyramiding scheme

Sa inilabas na datos ng LTFRB, aabot sa 395 na ruta ng jeepney at 108 na ruta ng UV Express sa National Capital Region ang nananatiling hindi nagko-consolidate. Dagdag pa, may 337 na ruta ng jeepney at 68 na ruta ng UV Express sa NCR na may consolidation na hindi pa umaabot sa 60%. Sa kabuoan, halos 1,767 na ruta pa ang wala pang consolidated.

“Ipinapakita ng LTFRB kung bakit dumami ang nag-consolidate dahil sa pananakot na pagkansela ng kanilang mga prangkisa. Nagpapatunay lamang ito na sapilitan at walang bukal sa puso na gusto sa konsolidasyon at ang ibang mga nauna ay hindi malinaw para sa kanila ang PUVMP guidelines basta ang sumunod na lamang o isaalang-alang ang lahat para sa pagpapatuloy ng kabuhayan,” saad sa pahayag ng MANIBELA.

Dagdag pa ng grupo, ang consolidation ay ang pinakamasamang anyo sa PUVMP dahil itinutulak nito ang mga tsuper at operator na isuko ang kanilang batayang karapatan sa mga monopolyong kontrol ng mga korporasyon sa kumpas ng LTFRB, Department of Tranportation, maging ng administrasyong Marcos Jr.

“Nagmamadali lang silang pagkakitaan ng mga kasabwat nilang mga negosyante at korporasyon ang public transport. Imbis na ihinto ang programa para walang maapektuhan, nagkukumahog pa maghanap ng pondo para sa sa ayuda ‘diumano at para sa mga impounding. Eh ‘di aminado silang pumapalpak sila,” ayon naman sa PISTON.

Samantala, inihalintulad naman ng MANIBELA bilang “pyramiding” ang PUVMP.

Ang pyramiding ay isang iskema na isinasagawa ng indibidwal o grupo para manloko at mandambong ng pera o ari-arian galing sa mga narekrut o mga naging kasapi nito.

“Ang itsura ng PUVMP sa ngayon na “pyramiding”; ang mag-recruit, mag bayad ng malaking membership at consolidation fee ay pag-angkin at pag-agaw sa ari-arian at papagastusin ng hindi naman sila ang mag mamay-ari pagdating ng araw,” saad ng MANIBELA.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here