Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang mga grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at Mananakay at Nagkaka-isang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) para humingi ng Temporary Restraining Order sa pagpapatupad ng franchise consolidation sa Disyembre 31.
Umabot sa higit 300 na drayber at opereytor mula sa Manibela ang sumama sa paghain ng petisyon. Nasa 225 na mga pampasaherong dyip ang nasa paligid ng Korte Suprema sa kalsada ng Padre Faura sa Maynila ang dumagsa para irehistro ang kanilang disgusto at patuloy na paglaban para sa kanilang hanapbuhay.
Sa franchise consolidation, kailangan nang pumasok sa mga fleet ng mga indibidwal na opereytor. Ang bibigyan na lamang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng prangkisa ay ang mga fleet ng mga kooperatiba o korporasyon na mayroong hindi bababa sa 15 yunit ng modernong jeepney.
Inaalmahan ito ng mga drayber at opereytor dahil mawawalan sila ng kabuhayan dahil sa mahal ang mga modernong jeepney na nagkakahalaga ng P1.4 milyong piso pataas (at mas mahal kapag) at hindi lalo kakayanin ng mga maliliit na opereytor na makapagtayo ng kooperatiba. Kung pipilitin, ayon sa mga drayber ay mababaon naman sila sa utang at halos doble ang presyo ng modernong jeepney kung uutangin sa bangko. Lalupa’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin ay hindi na magkakasya ang patuloy na papaliit na kita ng mga drayber. Mawawalan din ng saysay ang mga kasalukuyang nilang mga jeepney na ilang taon o dekada nilang pinag-ipunan.
Mula pa taong 2017 nang ipinakilala ng gobyerno ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa pamamagitan ng Department Order 2017-011 ng Department of Transportation (DOTr). Karugtong nito ang Memorandum Circular 2018-088 o ang Omnibus Franchising Guidelines ng LTFRB na makailang-ulit nang naurong ang deadline sa franchise consolidation.
Mula noon ay sinasalubong ng protesta ang deadline ng franchise consolidation, habang patuloy ding hinihingi rin ng mga drayber at opereytor ang gagawing tugon ng gobyerno sa mawawala nilang kabuhayan.
Dalawang araw na pambansang tigil-pasada
Matapos magsumite ng petisyon, magkasabay na nag-anunsyo ang dalawang grupo ng dalawang araw na pambansang tigil-pasada sa Disyembre 21 at 22. May iba’t ibang strike centers na pupunuin ang MANIBELA at PISTON kung saan sila maglulunsad ng mga programa.
May pagkilos din bukas sa Monumento, Caloocan City, ika-7 ng umaga para ipakita na libu-libong drayber at operator ang mawawalan ng hanapbuhay sa pagpasok ng taong 2024 kung matutuloy ang deadline ng franchise consolidation sa Disyembre 31.
“Bukas, sama-sama po tayo, indibidwal ka man, kay PISTON, o kay MANIBELA ka man, welgang kalsada po ang gawin natin bukas dahil hanapbuhay ang nakasalalay dito,” ani Mar Valbuena, Tagapangulo ng MANIBELA.
Noong Disyembre 12, nagpahayag na si Ferdinand Marcos Jr. na hindi na magbabago ang deadline ng franchise consolidation dahil nasa 70 porsyento na raw ang nagpa-consolidate at hindi na raw ito pahahabain pa para sa minoryang hindi pa nagpa-consolidate.
Tinutulan naman ng PISTON ang pahayag na iyan ni Marcos Jr.
Sa kanilang Facebook post noong Disyembre 14, anila, “Binabaluktot ng gobyerno ang katotohanang marami pang jeepney at UV Express ang hindi pa nagko-consolidate. Kasinungalingan ang pinapakalat ni Marcos Jr na 70% na ng PUVs ang consolidated. Ang ayaw nitong aminin, mahigit 140,000 na tsuper at 60,000 na operator sa buong bansa ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa pagpupumilit nila sa palpak at pahirap na consolidation.”
Pagkilos sa Mendiola
Inanunsyo rin ng mga grupong MANIBELA at PISTON na sa mga susunod na araw ay tutungo rin sila sa Mendiola para itaas ang kanilang panawagan sa Malakanyang.
“Sa mga susunod na araw, magpupunta tayo ng Mendiala, kung kailan ito, kailangan pa namin ng PISTON pagkaisahan at paghandaan, mangyayari ito hangga’t hindi tayo napapakinggan ng ating gobyerno,” giit ni Valbuena.