Mayroon ngayong nakaambang demolisyon sa komunidad ng Ignacio sa lungsod ng Pasay. Ngayong araw ang itinakdang pagpapaalis sa kanila doon, ngunit ito ay hindi natuloy. Nagtayo ng barikada ang mga residente para idepensa ang kanilang mga kabahayan sakaling ipilit ang demolisyon.

Sa kabila ng naudlot na pagpapalayas sa kanila, nakaamba pa rin ang demolisyon at patuloy pa rin daw nilang dedepensehan ang kanilang mga bahay.

Isa si Natividad Ramos, 79 gulang, sa daan-daang residenteng posibleng mawalan ng tahanan dahil sa demolisyon.

Ayon sa kanya, limang dekada na siyang naninirahan sa lugar. Wala pa raw siyang asawa ay naririto na siya. Dito niya na rin binuhay ang kanyang siyam na anak, at maging mga apo.

Itinuro niya rin ang kanilang bahay kung saan sila nanirahan ng kanyang pamilya sa loob ng maraming taon.

Ayon sa kanya, “Iyan bahay namin bulok, pero sama-sama kami.”

Labis din ang sama ng loob ni Ramos dahil aniya sa pag-iwan sa kanila ng kapitan ng barangay.  Imbis na ang kapitan daw sana ang tumulong sa mga nasasakupang residente, nauna na raw nitong giniba ang kanyang bahay kapalit ng malaking salapi. Tinraydor daw sila ng mismong itinituring nilang lider sa komunidad.

Sa ngayon ay wala pa ring relokasyon sa mga maaapektuhan ng nakaambang pagpapalayas. Kaya naman sa kanyang pag-iisa raw ay hindi niya maiwasang mabagabag lagi niyang iniisip kung paano na sila mabubuhay ngayon.

Ang P50,000 na ipinangakong ibibigay sa kanila ay kulang na kulang daw upang maghanap ng panibagong matitirhan. Napakahirap din daw kasing mangupahan dahil sa taas ng presyo ng upa sa Kamaynilaan.

Tinatayang nasa 100 pamilya ang maaapektuhan ng demolisyon sa Ignacio dahil sa private claimant na umaangkin sa lupang kinatitirikan ng mga bahay ng mga residente.

 

InterServer Web Hosting and VPS

1 COMMENT

  1. Tagal n pala nilang nakatira jn, dpt sana kht papano eh magpasalamat p rin sila.. Pero sana ung Mayor gumawa din ng paraan hanapan ng paglilipatan dhl mamamayan nya yan..
    Ang problema lng baka itong mga nakatira jn ay laging against s mga namamahala jn.. Mga grupo ng rallyista eh KADAMAY kea tuloy ung mga inosente nadadamay.. Tanggapin nyo ung 50k.. At mgpasalamat n lng.. Kysa s wala p kaung makuha.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here