Ang lipunang matagal nang ginugupo ng sistematikong sakit ay mananatiling baldado hangga’t hindi nabibigyang lunas ang primaryang rasong nagdulot at nagpapalala sa kalagayan nito.

Ang nagnanaknak na sakit sa lipuna’y humahawa sa lahat ng balangay at sangay nito, animo’y kanser na umaatake muna sa lamang loob bago lumabas ang nakamamatay na sintomas sa katawang tao.

Mag-iba man ang porma ng sintomas ng sakit paglipas ng panahon, ang hindi mapuksang pundamental na problema pa rin ang magdidikta kung bakit nananatili ang ganitong kaayusan sa lipunan.

Marahil ito ang isa sa mga dahilan kung bakit muling sinikap ng ika-33rd na Tanghalang Pilipino na ipalabas sa ika-apat na pagkakataon ang Mabining Mandirigma, isang steampunk musical na nagbigay-buhay sa buhay at kamatayan ng ‘Dakilang Lumpo,’ si Apolinario Mabini.

Isang mapangahas na paglalarawan ng tunay na mukha ng pulitikang minana ng lipunang Pilipino pagtapos ng Rebolusyong 1896, hindi nagkulang ang dula na ipabatid sa publiko na ang kasaysayang isinawalambaha’t hindi kinapulutan ng aral ay mananaig sa kasalukuyang panahon.

 

“Mabining Mandirigma”

Binigyan ng mapanlikhang libretto ni Dr. Nicanor Tiongson ang buhay ng rebolusyonaryong si Mabini sa pamamaraang kaiba mula sa mga dulang itinatanghal tungkol sa kasaysayan. Hindi katulad ng karaniwang mga dulang istorikal, babae ang gumanap ng titular na karakter na si Mabini.

Kung tutuusin, simbolikal ang paggampan ni Monique Wilson bilang Tata Pule. Bukod sa teknikal na aspetong kailangang maging litaw ng boses ng titular na karakter sa isang dula kung saan dominante ang mga lalaking karakter, naging mas makabuluhan ang paggampan ng isang babae sa karakter ni Mabini lalo na’t kinakitaan ng kabawasan ng pagkalalaki ang kanyang pagsandig sa kanyang katuwiran imbis na tumangan ng armas bunga ng kanyang kapansanan.

Kung babalikan din ang kasaysayan, dinala ng dula ang mga manonood sa mahahalagang parte ng buhay ni Mabini. Masining na ipinaalala sa mga manonood ang kanyang pagnanais na sundin ang pangarap na magpanday ng lipunang pantay-pantay, hanggang sa pagiging kaisa sa pagtatatag ng unang republika ng Pilipinas, hanggang sa pagkakatapon sa Guam at pagkademoralisa sa pagbabalik sa bansa at pag-iisip na patay na ang rebolusyon, at huli, sa pagkabuhay muli ng kanyang patriyotismo sa bayan at pagsandig sa nagpapatuloy na rebolusyon bago ginupo ng kamatayan.

Hindi na bago ang mga ito sa mga mag-aaral ng kasaysayan, ngunit makikita sa kritikal na pagkakasulat ng kanta at pagpapalitan ng dayalogo ang ubod ng dula na hanggang sa ngayon ay namamayani pa rin. Buhay ang kritika ng dula sa pampulitikang sitwasyon ng bansa, na mula sa kasalukuyan ay tangan pa rin ng mga may monopolyo ng kapangyarihan.

 

“Mapait na sumpa ang pagiging marunong”

Ngunit, kung bubutbutin ang dula, masasabing ang kalakasan nito ay hindi lang makikita sa estetiko nitong “steampunk” o sa pulido nitong libretto at pagkakaarte, kundi sa mensahe mismo na nais nitong iparating.

Kundi bubutbutin ang lahat ng partikularidad, ang panonood ng dulang ito ay parang nananalamin sa kasalukuyan. Tila walang masyadong pagkakaiba ang sitwasyon noon ng unang republika sa sitwasyon ng kasalukuyang estado, bagay na nakakapag-alala sapagkat repleksyon ito ng mas malalim at sistematikong problema sa lipunan.

Kahit ang mga eksena kung saan nagtatalo ang mga karakter sa kahalagahan ng mga representante sa Kongreso at kapangyarihan ng pangulo ay hindi rin kaiba sa nagaganap sa kasalukuyang gobyerno. May satirical mang pag-arte ang mga gumampang ilustrado, hindi nito tinanggal ang pag-uusig ng dula hinggil sa kung sino ba dapat ang representasyon ng mga ordinaryong tao sa estadong pinuputakte ng mayayaman at ilustrado. Sa pagbaybay ng dula, lalong nakita ang pagkakahawig ng kasalukuyang estado sa nakaraan, kung saan nakikita ang paggamit ng kahirapan ng mamamayan upang iabante ang pansariling interes at pagtataksil upang maprotektahan ang sariling ganansya. Mahusay na nag-iiwan ng tanong ang dula sa kung ano ba ang ibig sabihin ng pagmamahal sa bayan at kung ano ang tunay na diwa ng rebolusyon at paglaban para sa kalayaan.

Bukod sa paglalahad sa diwa ng patriyotismo, mahusay din ang naging tunggalian hinggil sa paglaban para sa karapatan imbis na piliin ang mas tahimik na buhay. Sa eksena kung saan pinili ni Mabini ang sundin ang pangarap na tuklasin at ipaglaban ang lipunang pantay-pantay, “’Di lingid sa iyo na sa ating bayan, ang taong mapagtanong ay ikinukulong,” ang naging tugon ng kanyang ina sa kanyang adhikain. Isang bagay na hanggang ngayon ay nananatiling totoo, lalo na sa kasalukuyang estado kung saan laganap ang paglabag sa karapatang pantao. Makabuluhan ang naging eksena lalo na’t dikit sa kasalukuyang pag-iral ng lipunan, at ang desisyon na ipaglaban ang rebolusyon ay isang desisyong hindi kailanman naging mali.

Sa pang-apat na pagtatanghal ng Mabining Mandirigma, mas malinaw na ang direksyon na nais tunguhin ng kwento ni Mabini.

Mahusay na binakbak ng dula ang ilusyon na ang teatro at sining ay hindi dapat mag-usig at para lamang sa kasiyahan ng mga manonood.

Napapanahon ang komentaryo ng dula sapagkat makikita pa rin ang dahilan ng pagmana ng susunod na mga republika sa pulitikang mapang-api sa ordinaryong mamamayan. Nananatili pa rin ang monopolyo ng kapangyarihan sa mga may materyal na kakayanang makakuha ng pwesto upang maging ‘representante ng mamamayan’ na ang mas inuuna ay ang sariling interes. Tulad ng Dakilang Lumpo, nakita ng manonood ang pagsibol ng gobyernong hindi nakasandig sa mayorya, bagay na nakapagdala ng matinding pagkademoralisa at pagkuwestiyon sa rebolusyon.

Ngunit, tulad ng huling parte ng dula, kung saan naipaalala kay Pule kung sino ang tunay na nagpatuloy ng rebolusyong mapagpalaya, ipinapaalala rin sa manonood na kung hindi natin mahahanap ang solusyon sa pakikipaglaro sa mga payaso sa gobyerno, mahahanap natin ang tunay na rebolusyon sa ordinaryong mamamayan at masang lubos na ibinaling ang kanilang buhay at bokasyon sa prinsipyong hindi maipagpapalit sa ano mang halaga.

Naipapaalala lang din sa manonood na sa panahon ng inhustiya, “’Di magagawang sikilin ang sarili’t magbulag-bulagan.”

Dito nagpunyagi ang Mabining Mandirigma sa pagtatahi ng nakaraan sa kasalukuyan, hindi lang sa estetikong steampunk na naging simbolo ng pagbabago ng panahon, kundi sa pagpapaalalang hangga’t hindi pa ganap na nakakalaya ang lipunang Pilipino sa tanikala ng kolonyalismo, may magpapatuloy ng rebolusyon.

—–

Ang Mabining Mandirigma: A steampunk musical ay ipinapalabas sa CCP Tanghalang Aurelio Tolentino (Little Theater) mula Agosto 16 hanggang Setyembre 01. Para sa reserbasyon ng ticket, maaaring magpadala ng mensahe sa Tanghalang Pilipino o pumunta sa CCP Box Office, Ticket2me, Bliimo at Ticketworld outlets.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here