Kasabay ng World Water’s Day noong ika-22 ng Marso, nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Netherlands Embassy ang mga apektadong residente mula sa iba’t ibang komunidad ng Cavite, Bulacan  at Metro Manila at kasama ang mga organisasyong tumututol sa reklamasyon. 

Panawagan nilang magkaroon ng pananagutan sa epekto ng reklamasyon ang dambuhalang korporaston pati na rin ang pamahalaan at itigil ang pagsuporta ng Dutch Government ukol dito.

“Ang isyu ng reklamasyon ay hindi na simpleng isyu ng environment kundi isyu talaga ng tunggalian ng pinagsasamantalahang uri at mapansamatalang uri,” ani Fernando Hicap ng PAMALAKAYA Pilipinas.

Aniya’y tunggalian ito ng uri kung sino ang mangingibabaw, sapagkat sila ang makikinabang sa patuloy pa ring pagsasagawa ng reklamasyon sa Manila Bay. 

Ayon kay Joice Leray ng Center for Environmental Concerns, sangkot sa pagsasagawa nito ang Royal Boskalis Minister N.V. na isang dredging company ng bansang Netherlands na kung saan may multibilyong kontrata kasama ang San Miguel Corporation noong 2022 para sa kanilang 2,500 ektaryang proyekto para sa Aerotropolis Reclamation ng SMC sa Bulacan.

Bukod pa rito, sangkot din ang Boskalis sa dalawa pang proyekto ng reklamasyon sa Manila Bay, sa Pasay na may 360-ektarya na proyekto na katuwang pa rin SM Prime Holdings at 265 ektarya na Pasay Harbor City. 

Nasa likod ng proyektong reklamasyon sa Manila Bay ang Boskalis sapagkat sila rin ang nagsasagawa ng pagkuha ng buhangin na itinatambak dito. Para kay Leray, isa itong manipestasyon na patuloy na isinasawalambahala ng mga dambuhalang korporasyon ang kabuhayan at buhay ng milyon-milyong Pilipino.

Sa kilos protestang isinagawa, nabanggit din ang mga epektong kinahaharap ng mga likas na yamang makukuha sa Manila Bay pati na rin sa mga Pilipino na ito ang pinagkukunan ng kabuhayan.

 Ayon kay Hicap, ang pagkasira ng pangisdaan ay may direktang epekto sa seguridad sa pagkain ng ating bansa kaya hindi simple ang epekto ng reklamasyon. Hindi na maibabalik pa ang mga nawasak nito sa kahit saan mang lugar ito isinasagawa. Aniya, hindi na maibabalik ang dating mayamang pangisdaan kapag tinambakan.

Dagdag pa, winasak ng reklamasyon ang tumutubo at nanunumbalik na coral reef ng Manila Bay. Ngunit ang epekto nito ay hindi lamang sa mga coral reef, bagkus may malaking epekto ito sa iba’t ibang may buhay sa nasabing karagatan. Permanenteng pinapatay nito ang mga seagrasses, mangroves at iba pang uri na naninirahan dito.

Tinukoy din sa kilos protestang ito na mali ang paratang na ang mga tahungang gawa sa kawayan at anahaw ay nagiging dahilan ng polusyon dahil ito ang mas nakatutulong upang makahuli ng isda, pagpaparami ng produksyon ng tahong at talaba sapagkat nagsisilbi rin itong artipisyal na coral reef ayon kay Hicap.

Idinidiin din naman ni Richard Catenza na Pangulo ng PAMALAKAYA Cavite na kinakailangang managot ng Boskalis at ipagpatuloy pa rin ang ayuda kahit na tumigil na ang operasyon sapagkat tumigil din ang kanilang kabuhayan dahil sa paglabo ng tubig dagat sa Cavite.

Sa kabilang banda nagpahayag din ng epekto na nararanasan ng mga Pilipino si Jhed Tamano ng Akap Ka Manila Bay.

Ayon sa kanya, lalo lamang lumalaki ang gastos ng mga mangingisda sa langis at kagamitan sa kabila ng pagbagsak ng mga huli dahil na rin sa pagtatambak sa karagatan. Bukod pa rito, karamihan sa kanila ay napipilitang pumasok sa mga trabahong hindi naman regular at walang katiyakan.

“Sana alam din ng Boskalis at ng Dutch State kung paano nalubog sa utang, walang matirhan at walang trabaho ang karamihan sa pinaalis nila para sa Aerotropolis na ‘yan,” ani Jhed Tamano ng Akap Ka Manila Bay.

Dagdag pa, hindi rin daw sapat ang apat na libong sahod nang pumasok sa livelihood program ng SMC, pati pabahay ay may kapalit pa ring pagbabantay at pagbawal sa mga lokal na ipaglaban ang kanilang karapatan. Pahayag pa niya, ngayon na niraratsada na rin sa Bulacan hanggang Pampanga at Bataan ang Nalex na dudugtong sa Aerotropolis na dinadaan sa barat na pagbili ng lupa. 

Para kay Tamano, dapat singilin ang pamahalaan ng Pilipinas at Netherlands na nagpahintulot ng reklamasyon sa Bulacan at kumukunsinti sa dumaraming reklamasyon sa Manila Bay pati na rin ang pagpapatuloy ng karahasan sa mamamayang anti-reklamasyon. 

“Imbis na pangalagaan ang kalikasan at paunlarin ang produksyon ng mangingisda para sa pagpapatibay ng industriya mas pinipili ng mga nasa kapangyarihan ang pagpapalawak ng negosyo ng mga kumpanya na pagpapalaki lamang ng kita interes,” ani Tamano.

Wala namang naging tugon ang Boskalis at Embassy of Netherlands hinggil sa isinagawang pagkilos ng mga progresibong grupo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here