Dalawang araw bago ang pagsisimula ng Mahal na Araw o Holy Week ay nagprotesta ang mga kananayan at manininda sa kahabaan ng Camarin Market sa North Caloocan.

Panawagan nilang itigil na ang patuloy na paninira sa kabuhayan ng maliliit na manininda maging ang pananakot bunsod ng nakaambang demolisyon sa ilang komunidad.

Kalbaryo ng maralitang manininda

“Lumaban kami noon kasi wala kaming pagkain e. May mga binunutan ng baril diyan naman sa may Phase 5. Wala kaming kabuhayan,” ani Dominador Velarde, pangulo ng Bagong Silang Vendors Association.

Militaristikong lockdown kung isasalarawan ni Velarde ang nasaksihan tatlong taon nang nakalilipas nang sapilitang tanggalin at baklasin ang pwesto ng mga maliliit na manininda sa kahabaan ng Puregold Bagong Silang.

Aniya, kasagsagan iyon ng pandemya kung kaya malaki ang pangangailangan ng mga maralitang manininda para sa kanilang arawang pantustos.

“Yong mga kasamahan ko, anim o pitong vendors iyon. Wala namang naging aksyon. Kesyo kakausapin daw si kapitan e hindi naman nakikipag-usap. Sasabihin, yong secretary nalang ang kausapin dahil hindi naman humaharap yong kapitan,’ pagkukwento ni Velarde.

Manininda sa kariton at latag ang binabaklas ng North Caloocan clearing operation kasama ang kapulisan ng nasabing siyudad. Ayon pa kay Velarde, ninanakaw pa ng mga awtoridad ang ibinebentang gulay at prutas ng manininda.

Dagdag pa niya, inaalok ng North Caloocan local government unit ang bakanteng lote sa tabi ng palengke sa Phase 10, ngunit hindi rin nagtatagal dahil tinayuan din ito agad ng commercial establishment. Sinundan ito ng iba’t ibang lokasyon at paupahang aabot naman sa P20,000 hanggang P30,000 ang inaalok sa mga malillit na manininda.

Ayon kay Velarde, hindi kakayanin ng mga maliliit na manininda ang ganitong alternatibong solusyon ng North Caloocan LGU.

“Kung bibigyan naman kami ng pwestong maari kaming makapagtinda, ibibigay sa amin ay yong mga malayo, sa wala naming mga tao. Sino naming bibili ron? Sa tumal ng benta, hindi namin kaya ang umupa,” aniya.

Ganito rin ang sitwasyon sa Manila City kung saan ipinatupad ng dating mayor na si Isko Moreno ang mga road clearing operations para pwersahang tanggalin ang mga maninindang nakapwesto sa gilid ng mga eskinita, tulad na lamang ng mga maralitang manininda gaya ni Velarde.

Noong 2022, muling naglabas ang Department of Interior ang Local Governance ng DILG Memo Order Circular 2022-085 na nagpapanukala sa lahat ng LGU na magsagawa ng clearing operation para umano sa mga “illegal obstructions”.

Para kay Velarde, kabuhayan ng maralitang manininda ang sinisira at itinuturing pang iligal ng gobyerno.

Sa kabilang banda, kinondena rin ng mga nagprotesta ang nakaambang demolisyon sa Brgy. 176 at 178 sa Bagong Silang. Aniya, pinagbabayad pa ang mga residente ng nasabing komunidad.

“Kung hindi raw po makapagbayad, palalayasin daw po. Kukunin daw po ang lupang kinatitirikan ng mga bahay. Bakit po sapilitan at kailangan daw po i-cash? Nasaan po ba ang pera ng mamamayan? Di ba po winawaldas ninyo? Ipinangingibang bansa ninyo para mangutang pa nang husto?” diin naman ni Jean Piano, spokesperson ng Caloocan Peoples Alliance at Gabriela North Caloocan.

Ayon kay Piano, kanilang bibitbitin ang mga panawagan sa katiyakan sa paninirahan at kabuhayan sa darating na Kalbaryo ng Mamamayang Anakpawis sa Marso 26.

“Kahalintulad po sa pagpapakasakit ni Kristo, nariyan po ang pagpapahirap sa atin sa araw araw. Nariyan ang ating pamahalaan na sa halip tugunan ang karaingan natin ay siya pa itong nagwawaldas ng perang buwis galing sa mamamayan,” ani Piano.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here